KABANATA 07

142 19 4
                                    


"Anong iniisip mo?" ang tanong ni Trevin kay Amado na tila malalim ang iniisip dahil sa hindi na ito nagsasalita at nakatingin na lamang sa langit.

"Iniisip ko lang kung anong pangalan ang babagay sa'yo." ang tugon ni Amado at tumingin siya kay Trevin na halatang naguluhan sa sinabi niyang iyon.

"Pangalan? May pangalan naman ako, bakit kailangan mo pa akong isipan ng pangalan?" ang tanong ni Trevin.

"Oo nga at may pangalan ka, at hindi naman maikakaila na maganda ang iyong pangalan, pero masiyado kakaiba sa pandinig, kaya kung sakali man na may makaalam sa pangalan mo ay tiyak na pag-uusapan ka. Maliban na lamang kung gusto mong pagpistahan ng mga taong makakati ang dila." ang paliwanag ni Amado.

"Kahit pala sa panahong 'to uso ang mga tsismoso at tsismosa." ang pabulong nitong sabi.

"Ano ang sabi mo?" ang tanong ni Amado nang hindi niya maintindihan ang sinabi ni Trevin.

"Ang sabi ko maganda ang naisip mo." ang agad na tinugon ni Trevin. "Ano namang pangalan pala ang gagamitin ko kung gano'n? May naisip ka na ba?" ang dagdag na tanong ni Trevin.

"Kung Pedro kaya?" ang suhestiyon ni Amado.

"Ayoko niyan, manok na lang ang kulang at magiging santo na ako. Tsaka ayoko din ng Juan kasi pareho silang nagiging bida sa mga kwentong nakakatawa." ang pagtutol ni Trevin.

"Eh kung Manuel?" ang muling suhestiyon ni Amado.

"Parang hindi babagay sa akin ang pangalan na 'yan." ang muling hindi pagsang-ayon ni Trevin.

"Eh kung Ignacio kaya?" ang suhestiyon ni Amado na halatang nahihirapan na din umisip ng pangalan para kay Trevin.

"Ignacio?"

"Huwag mong sabihin na hindi mo pa din gusto ang pangalang Ignacio." ang sabi ni Amado.

"Pwede na, magandang pakinggan at bukod do'n hindi sosyal pakinggan." ang sabi ni Trevin.

"Sosyal?" ang patanong na sabi ni Amado nang hindi niya makuha ang nais sabihin ni Trevin.

"Ang ibig kong sabihin ay hindi pangmayaman pakinggan ang pangalang Ignacio." ang tugon at paglilinaw ni Trevin.

"Mabuti naman kung gano'n at nagkasundo na tayo sa magiging pangalan mo Ignacio." ang masayang sabi ni Amado. "Isa pa palang bagay, tulad ng sabi ko ay kasama ko dito si Amor, ang aming katulong dito sa mansyon, kung sakaling magtanong siya ng personal na impormasyon hayaan mo na ako na lamang muna ang sumagot para sa'yo, pareho din kung sakaling magtungo na tayo sa Tumana para ilipat ka sa oras na bumuti na ang iyong pakiramdam." ang dagdag na sabi ni Amado.

"Oo sige, naiintindihan ko ang lahat." ang tugon naman ni Trevin bilang pagsang-ayon sa mga sinabi ni Amado.

"Siya nga pala maiba ako. Huwag mo sanang masamain ang itatanong ko sa'yo." ang paunang sabi ni Trevin at umupo siya sa kama.

"Ano 'yon? May nais ka bang itanon sa akin?"

"Parang gano'n na nga. Gusto ko lang malaman bakit parang napakaingat mo sa mga kilos mo, ang ibig kong sabihin napansin ko lang na para bang gusto mo lahat ay nakaplano o naaayon sa gusto mo." ang usisa ni Trevin at sandaling natahimik naman si Amado at ang mukha niya ay mas naging seryoso rin.

"Hindi naman sa gusto kong maging perpekto ang lahat, pero kailangan kong maging maingat hangga't maaari. Ako ang unico ijo ng aking mga magulang, mga kilalang tao sa bayang ito, kilalang negosyante, at bilang nag-iisang anak ay hindi ko maaaring dungisan ang kanilang pangalan. Kaya nga hangga't maaari ay ayaw nila akong pinalalabas ng mansyon lalo na kung wala sila tulad ngayon, mabuti na lamang nga at nauunawaan ako ni Amor kaya naman kahit alam niyang isa siya sa maaaring masisi ng papa at mama kung sakaling may mangyari sa akin ay hindi niya pa din ako pinipigilan. Dahil alam niya kung gaano ko kagusto maging malaya, maging malaya na magawa ang gusto ko sa buhay ko." ang tugon ni Amado at kanyang pinanood ang mga ibon na noon ay tila naglalaro sa puno sa tapat ng bintana. "Gusto kong maging maranasan ang isang payak at normal na buhay. Iniisip ng iba na masaya ang maging anak ng kilala at mayamang pamilya pero kung alam lang nila kung gaano kalimitado ang aking mga kilos maging ang aking sasabihin, nakakasiguro ako na hindi na nila nanaisin pang maging anak mayaman." ang dagdag pang tugon ni Amado.

Never FadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon