"Trevin..." ang pagtawag ni Archie sa pansin ni Trevin na noon ay nagbabalibag ng mga bato sa ilog, magkatabi silang nakaupo noon sa gilid ng isang payapang ilog. Nang tignan siya ni Trevin ay sandali siyang napahinto at napatitig lamang sa mukha nito.
"May sasabihin ka ba?" ang tanong ni Trevin at ngumiti ito sa kanya.
"Trevin, gusto kong sabihin sa'yo na..." ang hindi natuloy nang sabihin ni Archie dahil sa biglang umihip ang isang malakas na hangin na may kasamang alikabok dahilan para mapapikit siya, at sa kanyang pagdilat ay wala na sa kanyang tabi si Trevin. Agad siyang napatayo at agad na inilibot ang kanyang paningin sa buong paligid, ngunit ni anino ni Trevin ay kanyang hindi makita. Hanggang sa may matanaw siya na isang lalaki hindi kalayuan sa kinaroroonan niya na tila nakatanaw din sa kanya.
Nang kanya nang pupuntahan ang lalaki ay muling umihip ang malakas na hangin at katulad ni Trevin ay nawala din ito, nang marating niya ang kinatatayuan ng lalaking nakita ay nagsimulang dumilim ang buong paligid. Sa sandaling iyon ay nagising si Archie mula sa panaginip na iyon, agad siyang bumangon at pilit na nilabanan ang lungkot na nararamdaman. Kanyang tinignan ang orasan na nakasabit sa dingding at nakita niya na mag-aalas-tres na ng hapon, at siya ay bumaba sa kanyang higaan at lumapit sa bintana ng kanyang silid at tinanaw ang langit.
"Pangako na hindi kita iiwanan pa sa oras na ikaw ay magising." ang pabulong na sambit na sabi ni Archie.
Sa paglabas ni Archie sa kanyang kwarto ay agad siyang nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Matapos na uminom ng tubig ay agad din siyang lumabas ng kusina, at sa kanyang paglabas ay nabaling ang kanyang tingin sa mga larawan na nasa dingding ng silid kainan, sa lahat ng larawan na naroon ay ang larawan ni Amado ang kanyang tinignan ng matagal at tila ba nakaramdam siya ng matinding lungkot kaya naman agad na din siyang umalis at nagbalik sa kanyang silid.
Naupo siya sa kanyang higaan habang nakatanaw sa bintana, at isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan. Katahimikan ang bumalot sa silid na iyon ni Archie, sa sobrang tahimik ay padidinig ang bawat pitik ng kamay ng orasan na nasa dingding. Lumipas pa ang ilang sandali at bigla niyang naalala ang kanyang panaginip agad siyang napatayo at dali-dali na lumabas ng kanyang silid, at sa kanyang paglabas ay hindi niya napansin si Derek na noon ay kakatokin sana ang pinto ng kanyang silid dahilan para magkagulatan silang dalawa at mapaatras.
"Sorry hindi ko sadya na gulatin ka, kakatok sana ako para i-check kung gising ka na." ang sabi ni Derek bilang pagingi ng paumanhin.
"Ah hindi ayos lang, ako din naman 'tong pabigla biglang lumabas." ang tugon ni Archie.
"Bakit parang nagmamadali ka may nangyari ba? May natanggap ka bang message o tawag patungkol kay Trevin?" ang usisa ni Derek.
"Wala, wala pa akong natatanggap na tawag o message galing kila Nana. Ang totoo ay naisip lang ako na puntahan ngayon." ang tugon ni Archie.
"Saan naman? Pwede ba kitang samahan?" ang tanong ni Derek at tumango naman si Archie bilang tugon.
Hindi na nagpalit pa ng kanilang mga damit at agad na nagtungo sa bayan ng Baliuag ang dalawa. Nang makapagbayad at makababa na sila sa sinakyang tricycle ay sandaling nagyaya si Archie na dumaan muna sa simbahan ng San Agustino. Iyon ang unang beses din na papasok si Derek sa simbahang iyon kaya naman hindi niya naiwasan na kunin ang cellphone sa kanyang bulsa at kuhanan ito ng larawan.
Pagpasok nila ng loob ay may mga tao na makikita ditong tahimik na nagdadasal, tahimik na naglakad sila Archie at Derek sa loob nito hanggang sa marating nila ang upuan na malapit sa altar at doon ay naupo.
"Magdadasal lang ako sandali ha?" ang paalam ni Archie at tumango naman si Derek. Lumuhod si Archie at kanyang isinara ang mga mata at tahimik na nagdasal, habang si Derek naman ay tahimik lang na hinintay na matapos ang kaibigan at pinagmasdan ang loob na iyon ng simbahan.
BINABASA MO ANG
Never Fade
Historical FictionNEVER FADE [BXB|Yaoi|BL Novel] Ang tunay na pagmamahal nga ba ay nasusukat sa kung gaano kabilis o katagal ito nabuo? Sapat ba na sabihin ang mga pangakong hindi natin malilimutan o iiwan ang taong pinakamamahal natin? Sapat ba ang pagmamahal na mer...