"Trevin? Trevin, gumising ka, Trevin gumising ka nandito na ako, Trevin pakiusap gumising ka." ang sabi ni Amado na puno ng takot at kaba, yakap niya sa kanyang bisig ang walang malay na si Trevin.
"Trevin, gumising ka pakiusap, huwag mo namang gawin sa 'kin 'to. Trevin gumising ka." at hindi na napigilan pa ni Amado ang umiyak at matakot nang sandaling iyon.
"Gumising ka pakiusap, hindi mo ako pwedeng iwan ng ganito, hindi pa magpapakalyo-layo tayo dito? Trevin ang dami ko pang lugar na gustong makita na kasama ka, ang dami kong gustong gawin na kasama, Trevin pakiusap gumising ka naman, huwag mong gawin sa akin 'to. Trevin, pakiusap." ang sabi ni Amado na halos garalgal na ang kanyang boses at ilang sandali pa ay kasabay ng pag-agos ng kanyang mga luha ay siya ding pagpatak ng ulan hanggang sa tuluyan na itong bumuhos.
"Trevin pakiusap, gumising ka pakiusap. Huwag mo naman akong iwan ng ganito, pakiusap ayoko nang mag-isa." ang pagmamakaawa ni Amado at mahigpit niyang niyakap si Trevin at siya ay humagulgol ng iyak at parang isang pelikula na naglaro sa kanyang isipan ang lahat ng mga alaala na kasama niya si Trevin, mula nang una niya itong makita, hanggang sa magsimulang makaramdam siya ng kakaiba para dito, ang pag-aalaga niya dito, ang biruan at tawanan nila kasama si Amor, ang pagtanggap niya sa kanyang nararamdaman para dito, ang mga araw na binago ng presensiya ni Trevin, ang araw na niyakap siya ni Trevin, ang mga titigan, ang araw na magpunta sila sa ilog, ang araw na inawitan siya nito kasabay ng pagtugtog ng piyano, ang alaala na hindi niya malilimutan.
"Alam ko na darating ang sandaling ito, mahal kita at iyan ang totoo pero alam ko sa sarili ko na hindi sapat ang pagmamahal na ito para igapos kita sa piling ko, para manatili lamang tayo sa panahong ito." ang sabi ni Amado na kinakausap ang walang malay na si Trevin, patuloy pa din siyang lumuluha nang mga sandaling iyon at kanyang hinaplos ang mukha nito. "Malaya ka na Trevin, pipilitin kong maging malakas at masaya na wala ka, at kung magkikita tayong muli pangako ko na sasabihin ko sa'yo ang salitang hindi mo nagawang madinig. Mahal kita, mahal na mahal." ang garalgal niyang sabi at kanyang hinalikan ang labi ni Trevin, at kasabay ng pagtila ng ulan ay ang paglalaho ng katawan ni Trevin at tanging mga damit lamang nito ang naiwan. Mahigpit na niyakap ni Amado ang damit ni Trevin at kanyang iniyak ang sakit na nararamdaman sa gabing iyon na akala niya'y magiging isang masayang gabi, isang gabi na magkakasama na sila ngunit lahat ay naging kabaligtaran nito.
Alas-diyes ng gabi na at inaayos ni Archie nang sandaling iyon ang kanyang dalang gamit sa ospital, nang mapatingin siya kay Trevin at mapansin niya ang paggalaw ng isa sa mga daliri nito. Noong una ay inakala niya na namamalikmata lamang siya kaya kinusot-kusot niya pa ang kanyang mga mata, hanggang sa muling gumalaw ang mga daliri ni Trevin, dali-dali niyang iniwan ang kanyang ginagawa at nilapitan niya si Trevin, hinawakan niya ang kamay nito at puno nang kaba na pinagmamasdan ito, umaasa na gigising na si Trevin.
"Trevin..." ang pagtawag ni Archie dito na pigil ang luha. At ang mga luhang kanyang pinipigilan ay hindi na napigilan pang umagos nang makita niya ang unti-unting pagmulat ng mga mata ni Trevin.
Sa unti-unting pagmulat ni Trevin sa kanyang mga mata ay malabo niyang nakikita ang lalaki sa kanyang harapan, pakiramdam niya noon ay pagod na pagod siya. "Amado..." ang mahina niyang sabi. Hanggang sa unti-unting luminaw ang kanyang paningin at nakita niya ang lumuluhang si Archie.
"Trevin..." ang lumuluhang pagtawag ni Archie habang hawak pa din ang kamay ni Trevin.
At halos naguguluhan pa si Trevin sa mga nangyayari noong mga sandaling iyon kaya hindi niya nagawang tugunin si Archie, hanggang sa nabigla na lamang siya nang yakapin siya nito at umiyak sa kanyang dibdib. Hindi alam ni Trevin ang kanyang magiging reaksiyon, sandali niyang pinagmasdan si Archie na nakayakap sa kanya, hanggang sa dahan-dahan niyang haplusin ang ulo nito.
BINABASA MO ANG
Never Fade
Historical FictionNEVER FADE [BXB|Yaoi|BL Novel] Ang tunay na pagmamahal nga ba ay nasusukat sa kung gaano kabilis o katagal ito nabuo? Sapat ba na sabihin ang mga pangakong hindi natin malilimutan o iiwan ang taong pinakamamahal natin? Sapat ba ang pagmamahal na mer...