KABANATA 06

173 21 1
                                    


"Trevin!" ang malakas na pagtawag ni Archie sa pangalan ng kaibigan, nagising si Archie mula sa isang masamang panaginip. Noon lamang din niya napagtanto na nakatulog siyang nakdukdok sa kama ni Trevin. Pinagmasdan niya ang wala pa ding malay na kaibigan. "Siguro ang sama na ng loob mo sa akin 'no?" ang pagkausap ni Archie sa kaibigan kahit na alam niyang hindi siya tutugunin nito.

"Sana talaga hindi ko na lang minasama ang sagot mo sa tanong ko sa'yo na kung ano ba ako sa'yo... sana sinagot ko na lang ng totoo ang tanong mo sa akin na kung ano ka para sa akin... kung alam mo lang..." ang hindi na natuloy na sasabihin ni Archie nang madinig niyang bumukas ang pinto, agad din niyang pinunasan ang kanyang mga luha upang hindi iyon makita ni Derek na kasama ni Nana Huling dumating nang sandaling iyon.

Inilagay ni Derek ang basket ng prutas na dala niya sa mesang malapit sa higaan ni Trevin. Habang si Nana Huli naman ay agad na lumapit kay Archie at sandali niya itong niyakap. "Kamusta na si Trevin ijo may pagbabago naman ba sa kanyang kalagayan?" ang tanong ni Nana Huli at malungkot na umiling si Archie bilang tugon dito.

"Wala po Nana, kahit na gumalaw man lang ang daliri nito ay wala. Paano kung hindi na siya gumising Nana?" ang may lungkot at pangambang sabi ni Archie.

"Ano ka ba Archie, maniwala ka lang kay Trevin, gigising siya." ang sabad ni Derek.

"Tama si Derek, maniwala tayo at manalangin sa Diyos na tulungan si Trevin na magising." ang pagsang-ayon naman ni Nana Huli sa sinabi ni Derek.

"Bakit hindi ka muna umuwi para makapagpahinga ka naman? Kahapon ka pa nagbabantay dito. Kung gusto mo ay ako na muna ang papalit sa'yo sa pagbabantay sa kanya." ang sabi ni Derek at napatingin sa kanya si Archie.

"Ayos lang ako, salamat sa pag-aalala. Ang gusto ko kasi ay ako mismo ang makakita sa paggising niya, gusto ko na nandito lang ako sa tabi niya kapag nangyari 'yon." ang tugon naman ni Archie at muli niyang ibinaling ang kanyang tingin kay Trevin.

"Archie, ijo, tama si Derek mas mabuti na umuwi ka muna para makapagpahinga ka, at pagkagising mo ay makakain at makaligo ka na din." ang pagsang-ayon ni Nana Huli.

"Nana..."

"Archie, ijo, huwag nang matigas ang ulo, kung talagang nag-aalala ka para kay Trevin ay susundin mo ang payo namin, ayaw naman namin na sa oras na magising si Trevin ay ikaw naman 'tong mawalan ng malay at maratay dito sa ospital." ang sabi ni Nana Huli na hindi na hinayaan pang makapagdahilan si Archie.

"Mabuti pa Derek ikaw na ang sumama dito kay Archie pauwi, ako na lamang ang magbabantay dito kay Trevin muna tutal naman eh papunta naman na din sila Kuya Joselito at Ate Lolita niyo, pinaiwan ko sa bahay si Ismael para kung may kailanganin kayo ay may matatawag kayo." ang sabi ni Nana Huli. "Huwag kang mag-alala Archie, kapag nakapagpahinga ka na, maaari kang bumalik dito mamaya, hindi mo kailangang pasanin ang lahat ng hirap nandito kami ijo para makatuwang mo. Kaya sige na umuwi ka muna at magpahinga." ang dagdag nito, sandaling tumingin si Archie sa mga mata ni Nana Huli at hanggang sa yakapin niya ito. Hinaplos ni Nana Huli ang ulo ni Archie, alam ng matanda kung gaano nahihirapan ito at nais niya itong aluhin sa kahit simpleng paraan lamang.

"Sige po Nana, uuwi na po muna ako. Babalik din po ako agad dito kapag nakapahinga na po ako." ang mahinanhong sabi ni Archie.

"Oo ijo, magpahinga ka na muna sige na." ang tugon ni Nana Huli.

Bago umalis ng silid na iyon si Archie ay sandali pa siyang nanatali at pinagmasdan si Trevin, at nang lumabas na siya ng silid ay kasunod niya si Derek na siyang makakasabay niyang umuwi tulad ng napagpasyahan nila. Tahimik lamang sila na tinahak ang pasilyo ng ospital na iyon hanggang sa makarating na sila sa tapat ng elevator.

Never FadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon