"Sigurado ka ba na gusto mo nang umuwi ngayon? Maaga pa naman, baka maaaring dumito ka muna." ang tila naglalambing na sabi ni Trevin nang maihatid niya na sa labas ng bahay si Amado na nagpasya nang umuwi.
"Ano ka ba hindi pa man din ako umaalis ay nangungulila ka na agad sa akin." ang nangingiting sabi ni Amado.
"Bigla kasing hindi gumanda ang pakiramdam ko." ang tugon ni Trevin at agad namang hinawakan ni Amado si Trevin sa kanyang noo.
"Wala ka naman nang lagnat ah."
"Hindi 'yan ang ibig kong sabihin." at inalis ni Amado ang kamay niya sa noo ni Trevin. "Ang ibig kong sabihin ay bigla akong kinabahan." ang paglilinaw ni Trevin.
"Ano ka ba, uuwi lang ako ng mansyon, kaya walang mangyayari sa akin kaya ipanatag mo 'yang loob mo. Kailangan kong umuwi ng mansyon dahil baka nag-aalala na sa akin si Amor dahil nga hindi ako nakauwi kagabi. Babalik ako bukas dito, kaya alisin mo 'yang kaba na nararamdaman mo dahil magiging ayos lang ako." ang may paniniguradong sabi ni Amado, ngunit hindi pa din naalis no'n ang pag-aalala ni Trevin para kay Amado. Ngunit dahil alam ni Trevin na wala din naman siyang magagawa pa ay tumango na lamang siya upang ipakita kay Amado na pumapayag na siyang umuwi ito.
Bago tuluyang umalis ay niyakap ni Trevin si Amado na ikinabigla nito, kinakabahan si Amado na makita sila ni Esperanza kung sakaling lumabas ito. "Pangako mong babalik ka bukas." ang sabi ni Trevin.
"Pangako, babalik ako." ang nakangiting tugon ni Amado.
Nanatili sa labas ng bahay si Trevin at pinagmasdan si Amadong naglalakad paalis, at nang hindi na niya ito matanaw ay nagpasya na siyang bumalik sa loob ng bahay pero bago pa siya makapasok ng bahay ay may tumawag sa kanyang pangalan at pamilyar kay Trevin ang boses na kanyang nadinig kaya agad niyang nilingon ang direksiyon na pinanggalingan ng boses, ngunit wala siyang nakita ni anino ng kahit na sino, lumingalinga pa siya upang makasiguro na walang ibang tao na naroon, at nang masiguro na walang ibang tao roon ay kanyang nasambit ang pangalan ni Archie na siyang boses na tumawag sa kanya.
Magtatanghali na nang marating ni Amado ang labas ng kanilang mansyon, hinuhuni pa nito ang awit na kinanta sa kanya ni Trevin nang araw na iyon, mula sa pagbukas sa tarangkahan hanggang sa pagpanhik niya ng hagdan papasok ng mansyon. Bago pa siya makapasok ng mansyon ay sinalubong agad siya ni Amor na takot ang ekspresyon ng mukha at halatang katatapos lamang nitong umiyak dahil sa mugto ang mga mata nito.
"Amor anong nangyari? Bakit tila mugto ang iyong mga mata?" ang pag-aalalang tanong ni Amado.
"Senyorito Amado..." ang hindi masabi ni Amor nang diretso kay Amado.
"Mabuti naman at naisipan mo nang umuwi, Amado?" ang nadinig ni Amado na sinabi ng isang lalaki, at nanlaki ang kanyang mga mata nang kanyang makita ang kanyang ama na si Don Felipe at makikita sa ekspresyon ng mukha nito ang galit.
"Papa? Kailan? Kailan pa kayo umuwi?" ang sabi ni Amado at pilit niyang ikinalma ang kanyang sarili, lumapit siya sa kanya ama para magbigay galang ngunit sa kanyang paglapit dito ay malakas na sampal ang kanyang natanggap, sa lakas ng sampal na iyon ay napaupo si Amado sa sahig.
"Senyorito Amado!" ang malakas na sabi ni Amor at agad siyang lumapit kay Amado at tinulungan niya itong makatayo.
"Papa anong nagawa kong kasalanan? Bakit niyo nagawa iyon?" ang nalilitong tanong ni Amado.
"Anong nagawa mong kasalanan? Hindi mo alam? O nagpapanggap ka lamang na walang alam?" ang pasigaw na sabi ni Don Felipe at siyang pagdating ni Donya Olimpia na nanggaling sa kanilang silid na mag-asawa.
BINABASA MO ANG
Never Fade
Historical FictionNEVER FADE [BXB|Yaoi|BL Novel] Ang tunay na pagmamahal nga ba ay nasusukat sa kung gaano kabilis o katagal ito nabuo? Sapat ba na sabihin ang mga pangakong hindi natin malilimutan o iiwan ang taong pinakamamahal natin? Sapat ba ang pagmamahal na mer...