"BAKIT nasa 'yo ang litrato na 'to, Ninong? Litrato 'to ng Mama ko," tanong ni Jason kay Mr. Randolph. Kausap niya ang kaniyang Ninong sa loob ng office nito at dahil personal ang pag-uusapan nila, pinaki-usapan niya ang sekretarya ng kaniyang Ninong na umalis muna ng opisina.
Ibinaba ni Randolph ang fountain pen na hawak at tinignang mabuti ang sariling inaanak. "Anong nakapagtataka na mayroon akong litrato ng Mama mo? Kababata ko siya, Jason."
Sasabihin ba niya sa ninong ang tungkol sa lihim na grotto? Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng kaniyang ninong. Malala, baka magalit ito at ikandado na nang tuluyan ang lugar.
Pero kinukulit siya ng kaniyang kuryosidad. Noong bata pa siya bago siya matulog, may ikinukwentong grotto ang kaniyang Mama.
"Nakapasok ako sa isang lugar na mukhang langit," sabi ng ina ni Jason, "sumasakit ang ilong ko sa sobrang dami ng mababangong bulaklak at humihiga kami sa damuhan at pinapanood ang ulap sa ilalim ng araw. Tapos may mga alitaptap na nakatira sa malaking puno. Lumalabas sila tuwing gabi kapag binubulabog namin ang puno."
Iyon nga kaya ang grotto na inalagaan nila ni Marjory? Ang grotto na 'yon ba ang ikinukwento sa kaniya ng sariling ina?
"Ang altar na nasa likod ni Mama, saan makikita 'yon?" tanong muli ni Jason.
Sumeryoso ang mukha ni Randolph. "Paano mo nakita ang litrato na 'yan, Jason? Sa pagkakaalala ko, hindi ko 'yan nawala o nahulog. Nakatago 'yan nang mabuti," seryosong sagot ni Randolph.
"Mas una akong nagtanong, Ninong."
Huminga nang malalim ang principal. "Nakakatawa 'no? Ilang beses na kayong labas-pasok ni Marjory sa grotto. Heto ka ngayon, tinatanong ako kung saan kinuha ang litrato ng Mama mo."
"Ano?" Paano nito nalaman na...
May sumilay na ngiti sa labi ng kaniyang Ninong. "Matagal ko nang alam, Jason. Nakita ko kayong nakikipaghabulan sa pusa na humahabol ng daga. Nakita ko kung paano binuksan ni Marjory ang pinto at ang mga reaksiyon ninyo nang pumasok kayo."
Paano ba ang huminga? Nakalimutan ni Jason dahil binigla siya ng kaniyang ninong. Napaupo siya sa harap ng ninong. "Naroon ka? Ano pang nakita mo?"
"Nakita ko kung paano ka duruin ni Mr. Ravales," walang kurap na tugon ni Randolph.
Nag-iwas ng tingin si Jason. Kaya naman pala hinarangan ng kaniyang ninong ang paki-usap ni Mr. & Mrs. Ravales na i-expelled siya. Naaawa ito.
"Kasama mo ba si Mama? Kayo ba ang nag-alaga sa grotto?" pag-iiba ni Jason sa topic.
Ngumiti si Randolph. "Limang taon namin inalagaan ni Monica ang grotto. Hanggang sa mabuhay ka."
Tinignan niyang mabuti ang kaniyang ninong. Matagal nang suspetsa ito ni Jason pero ayaw lang niyang isaboses ang hinala niya. Ano kaya ang mangyayari kung ang ninong niya ang nagustuhan ng kaniyang Mama at hindi ang walang kwenta niyang ama?
"Sinisisi mo rin ba ako? Huwag mong itanggi. Isa ako sa mga sumira sa buhay ng kababata mo. Nagkamali si mama sa pagpili kay papa. Bunga ako ng isang pagkakamali."
"Now, isn't that a little harsh? Bakit ko naman sisihin ang kaisa-isang tao na nagbigay liwanag sa buhay ni Monica?"
Walang siyang nasabi. Umangat lang ang isang sulok ng labi niya.
"Totoo ba ang kumakalat na usap-usapan tungkol sa inyo ni Marjory?"
Lately, kapag nababanggit ang relationship status nila ni Marjory, para siyang sinasabuyan ng malamig na tubig. Bigla siya nagigising sa katotohanan.
BINABASA MO ANG
Somewhere Only We Know
HumorJASON puffed his smoke and looked up the ceiling. Kasalukuyan siyang nakaupo sa ladder step ng fire escape sa fifth floor. Tahimik ngayon sa campus kasi wala pang mga estudyante at napaka-aga pa. Pero matiyagang nag-aantay si Jason para sa isang da...