Prologue

1.4K 36 0
                                    

NASASABIK na tinahak niya ang daan patungo sa grotto. Napabuga siya ng hangin sa matinding kaba. Inayos pa niya ang buhok at ang pananamit. Dapat, perpekto at walang gusot ang kaniyang itsura.

Importante ang araw na 'to kasi ngayon niya ipagtatapat ang pagmamahal niya sa kababatang si Monica. Labing tatlong taong gulang sila nang alagaan nilang dalawa ang grotto at gawin 'tong sikreto. Ang grotto ang naglapit sa kanilang dalawa at sinasabi ng mga matatamis na ngiti ni Monica na parehas sila ng nararamdaman.

Limang taon na nilang sikreto ang lugar at gusto niya ang kaisipan na sila lang ni Monica ang nakakaalam nito. Matagal na niyang naisip na kasing ganda ni Monica ang grotto. Bukod sa nakabibighaning kagandahan ng kababata, puro ang puso ni Monica. Mahilig itong maniwala sa kakayahan ng mga tao. Napakamasayahin nito at puno ng pagmamahal.

Naglakad siya papunta sa gubat ng paaralan. Tumingin-tingin siya sa paligid kung may taong nakakita sa pagpasok niya sa gubat. Lagi silang nag-iingat ni Monica para itago ang sikretong grotto. Naglakad siya sa pinakudulo ng gubat hanggang sa makita ang pader.

Hinawi niya ang mga baging na nagkukubli sa pintuan ng grotto. Binuksan niya ang pinto at saka siya pumasok. Huminga siya nang malalim.

May sasabihin din raw si Monica sa kaniya kaya pumayag ang dalaga sa paanyaya niyang magkita sila.

Nakita niya ang kababata sa loob ng grotto. Ngumiti ito nang matamis sa kaniya at niyakap siya.

"Randolph!" pagbati ni Monica sa kaniya. "May sasabihin ako sa 'yo."

"Ako din, may dapat kang malaman. Pero sige, ikaw muna," sabi niya, may himig pananabik.

Tumingin si Monica sa likod nito at may naglakad na isang lalaki papunta sa kanila. Kumunot ang kaniyang noo nang makita ang kaeskwela nilang si Macoy sa loob ng grotto.

May reputasyon si Macoy bilang isang adik. Bakit ito dinala ng kababata sa loob?

Binalingan niya si Monica para humingi ng eksplenasyon.

"Buntis ako, Randolph. Magpapakasal na kami ni Macoy sa susunod na buwan pagkatapos ng High School graduation," sabi ni Monica.

Bumagsak ang kaniyang mga balikat. Nagpupuyos ang kaniyang loob. Nakita ni Macoy noon na nasagasaan ng truck ang aso sa tabi ng kalsada. Naghihingalo. Naghihirap. Nilabas ni Macoy ang army knife at paulit-ulit na sinaksak ang aso para hindi na 'to mag-agaw buhay. Di makakalimutan ni Randolph ang malamig at blangkong ekspresyon sa mga mata ni Macoy nang kitilin nito ang buhay ng aso. Walang lunos. Walang awa. Hindi tao si Macoy.

Hindi ba nakikita ni Monica ang malamig at blangkong ekspresyon sa mga mata ni Macoy?

At si Macoy ang naging asawa ni Monica.

Somewhere Only We KnowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon