"ANONG course ang kukunin mo sa college?” tanong kay Chas ni Indigo habang sakay sila ng jeep papunta sa mall na malapit sa eskwelahan nila. Half day lang ang klase ng araw na iyon. Sa halip na tumambay sa convenience store ay niyaya siya ni Indigo sa mall.
“Hindi pa ako sigurado, eh.” But she would surely take something related to writing. “Ikaw? Anong course ang ite-take mo? Engineering?” STEM ang strand nito kaya engineering ang hula niyang kursong kukunin nito sa kolehiyo.
“Civil.”
“Magaling ka pala sa Math?”
“Sakto lang.”
“Pa-humble ka pa, ah.” Nangingiting tukso niya rito.
“Eh, ikaw, consistent top one ka sa klase, di ba?”
Paano nito nalaman iyon? Nag-init ang magkabilang pisngi niya. Pabirong hinawi niya ang buhok para itago ang pamumula ng pisngi. “Wala, eh. Maganda na, matalino pa.”
Biglang nagwala ang mga paru-paro sa tiyan niya nang makita ang ngiti ni Indigo. “I agree.”
Kinagat niya ang ibabang labi para pigilang mapangiti sa kilig.
Pagdating sa mall ay hinila niya si Indigo sa bookstore. Pagkatapos niyang magtingin ng libri at bumili ng isa ay niyaya niya ito sa arcade. Halos lahat ng arcade games ay nilaro nila.
Pagkatapos niyang magsawa sa kakabaril ng mga zombies ay hinila niya si Indigo sa mga hilera ng toy catcher machine.“Aw!” naiinis na reklamo ni Chas. Nakakalimang subok na siya pero wala pa siyang nakukuhang stuffed toy. “Ayoko na nga.”
“Ako naman.” Pinalitan siya ni Indigo.
“Go, Indigo! Kaya mo iyan,” natatawang pag-cheer niya kay Indigo. Nakakailang subok na ito subalit bigo pa rin itong makakuha ng stuffed toy.
“Aw!” nanghihinayang na sambit niya nang malaglag ang stuffed toy. “Sayang naman iyon!”
“Tara na, Indigo.” yaya niya rito. “Wala nang pag-asa iyan.”
“No. One last try.” Muli itong naghulog ng token sa machine. Mukhang desidido talaga itong makuha ang spongebob na stuffed toy.
“Whoah!” Nanlaki ang mga mata niya nang makuha nito ang stuff toy.
Malaki ang ngising bumaling sa kanya si Indigo. “Try and try until you succeed, Chas.” Kumindat ito at iwinagayway sa kanya ang stuffed toy na nakuha.
“Oo na. Ikaw na.” natatawang sagot niya.
“Here.” Nagulat siya nang ibigay nito sa kanya ang stuffed toy.
“Sa 'kin na lang. Talaga?” Pakiramdam niya ay may kumiliti sa puso niya. “Thank you, Indigo.”
“You're welcome, Chas.” Inakbayan siya ng binata. “Let’s eat. Gutom na ako.”
Pasimple niyang ibinaling ang tingin sa braso ni Indigo na nasa balikat niya. Naramdaman niya ang pagwawala ng mga paru-paro sa tiyan niya. Subalit sa halip na lumayo ay nag-angat siya ng tingin. “Libre mo ako?”
“Saan mo ba gusto?”
“Seryoso ka ba diyan?”
Iginala niya ang tingin sa mga naghilerang restaurant sa second floor ng mall. Itinuro niya rito ang Korean resto.“Mahilig ka sa korean cuisine?” tanong nito habang naglalagay ng mga karne sa grill.
Tumango siya. “Si mommy kasi. Tapos iyong best friend ko rin, si Karen. Kapag nagkikita kami, sa korean resto kami kumakain.”
Gamit ang chopsticks ay kumuha siya ng lutong karne at diretsong isinubo.

BINABASA MO ANG
How to Make Your Ex Fall for You Again (Cupid's List Series #4)
RomanceFlying Colors #2 ***To be Published under Precious Hearts Romances