CHAPTER 25 | Claim

32 5 0
                                    

Via Samantha Asuncion


Hinaplos ko ang mukha ng anak kong si Zia na mahimbing na natutulog sa tabi ko.

Maingat akong nahiga sa kama. Pumikit ako habang hinayaang maglandas sa pisngi ko ang mga butil ng luha. 

Pumikit ako nang mariing ibuka ng babae ang aking mga binti. Napaigtad ako nang magsimula na siyang magmaniobra sa puson ko.

Lalo pang naging masagana ang mga luha kong malayang dumadaloy sa mukha ko habang pikit-mata akong nagpaubaya sa mga kamay na humahagod sa aking tiyan.

"Huwag!"  bigla kong sigaw kasabay ang malakas na hagulgol.

Nagtatakang napahinto sa kaniyang ginagawa ang manghihilot.  Napatingin siya sa akin.

"Anong problema Ineng? Tiisin mo lang ang sakit."Ganyan talaga.  Masakit pero pagkatapos nito, wala ka ng magiging problema."

No! Hindi naman problema ang buhay na nasa sinapupunan ko. Ako ang problema dahil muntik na siyang mawala sa akin.

Patuloy pa rin ako sa paghagulgol.

"Hindi ko na po itutuloy," ani ko saka mabilis na tumayo.

Oo alam kong nagkamali ako.  Makasalanan ako pero hindi ako mamamatay-tao. Hindi ko kayang kitilin ang sarili kong anak.

Buo na ang loob ko. Buo na ang loob kong buhayin ang sanggol na nasa sinapupunan ko. Bubuhayin ko siya katulad ng pagbuhay sa akin noon ni Mama.

Pipiliin ko siya kahit ang ibig sabihin nito ay ang pagbitaw ko sa mga pangarap ko. Hihinto ako sa pag-aaral. 

Maraming bagay akong kailangang isakripisyo.

Magtatrabaho ako habang hindi pa halata ang tiyan ko. Mag-iipon ako.  Hindi na para sa sarili ko kundi para sa batang isisilang ko.

Ang dami kong bagay na isinakripisyo. Pero wala akong bahid ng pagsisisi sa pinili ko.

Tanda ko pa ang kakaibang pakiramdam na idinulot sa akin nang ipinanganak ko siya. Ang saya ko nang makita at mahawakan ko na ang maliit na katawan ng sanggol na lumabas sa akin. Napahagulgol pa ako sa tuwa nang mapagmasdan ang kaniyang maliiit na mukha habang unti-unti niyang minumulat ang kaniyang mga mata. Mga matang minana niya sa kaniyang ama. Sigurado ako. Lalo akong napaiyak nang maalala kong lalaki siyang walang kikilalaning ama.

May kakaibang damdaming humaplos sa puso ko nang mga oras na iyon.

Kinalong ko siya sa aking mga braso. Gusto ko siyang manatili palagi sa tabi ko. Gusto ko siyang protektahan kahit sa lamok o sa mga taong maaaring manakit sa kaniya.

Kaya nangako akong gagawin ko ang lahat para walang manakit sa kaniya. 

Ngayon napapaisip ako.

Tama ba ang desisyon kong ipakilala siya sa mga tao? Tama bang malaman ng mga taong may kaugnayan sa nakaraan ko ang tungkol kay Zia?

Minsan malupit ang mundo. Hindi maiiwasang masaktan yung mga taong mahal natin kahit gaano pa natin sila poprotektahan. 

Hindi malayong mangyari iyon kay Zia.

Sa kabilang banda, hindi ko naman siya maaaring itago na lang buong buhay niya. 

Hindi ko mapipigilan ang paglaki niya. Mag-aaral siya. Makikisalamuha siya sa ibang tao. Magkakaroon siya ng mga kaibigan. 

Hindi ko pwedeng itago na lang habambuhay ang tungkol sa pagkatao niya lalo pa't nagkrus muli ang landas namin ng ama niya.
 

Thy WorthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon