Read at your own risk
Hunter
Dalawang araw na ang lumipas mula nang iligtas ako nina Dylan at Sieko sa kamay ni Gideon. Kasalukuyan akong nakahiga ngayon sa kama habang pinagmamasdan ang kinahinatnan ng katawan.
"Hunter, huwag ka munang masyado gumalaw dahil sariwa pa ang sugat mo. Humiga ka na lang at hayaan mong pagsilbihan ka namin. Hunter, pakiusap," nagsusumamong sambit sa akin ni Sieko.
Bahagya akong napalinga-linga sa paligid at hindi naiwasang kabahan nang wala ang hinahanap ko. Tuluyan na akong tumayo sa aking kama at hinarap si Sieko na ngayon ay bakas ang labis na pag-aalala sa mukha.
"Sieko, nasaan ang kapatid ko? Sabihin mo sa akin kung nasaan siya dahil hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung napahamak si Mariel. Sieko, sumagot ka!" bulalas ko sa kanya.
Hinawakan naman niya ang magkabila kong balikat at pilit akong pinapakalma. Tinitigan niya ang aking mga mata at hindi ko alam kung bakit tila nahipnotismo ako. Panandaliang huminahon ang aking katawan.
"Hunter, hindi mo na kailangang mag-alala pa dahil ligtas si Mariel. Dinala siya ni Dylan sa ospital upang masiguro na maayos ang kondisyon niya. Kumalma ka," sambit niya.
Tuluyang huminahon ang aking sistema dahil sa narinig na balita. Kahit na masama ang pagkakakilala ko kay Dylan, nagpapasalamat ako ngayon dahil inaalagaan niya ang kapatid ko.
"Nasaan ang hinayupak na si Gideon? Humanda sila sa akin dahil sa oras na mabawi ko ang aking lakas, hindi ako magdadalawang-isip na patayin sila. Tang*na!" bulalas ko at kinuyom ang kamao.
Naputol ang aking mga pinaplano sa mga kasamahan ni Gideon nang bigla kaming makarinig ng paglangitngit. Napalingon kami ni Sieko sa pintuan at tumambad sa'min ang humahangos na si Dylan.
"Sieko, masamang balita! Kailangan na nating magmadali dahil anumang oras, maaari siyang mapahamak. Iwan mo na muna si Hunter dahil wala sa tamang kondisyon ang katawan niya ngayon," nababahalang sambit ni Dylan.
Bigla na lamang bumilis ang pagtibok ng aking puso dahil sa sinambit niya. Kahit na pinagpapahinga nila ako sa kama, mabilis akong tumayo at lumapit kay Dylan. Napangiwi ako sa sakit nang biglang kumirot ang sugat ko sa paa.
"Hunter, huwag kang magpumilit dahil hindi mo naman kaya. Kami na ni Dylan ang bahalang pumunta sa ibinalita niya. Magpahinga ka riyan," diretsong sambit ni Sieko.
Akmang maglalakad ako subalit mabilis na tinulak ni Sieko ang aking katawan kaya napahiga ako sa kama. Mariin niya akong tinignan subalit pilit akong nagmatigas kaya nagsalita na si Dylan.
"Gusto mo talagang sabihin ko sa'yo ang aking nalalaman? Hunter, ililigtas namin si Trinity dahil nanganganib ang buhay niya. Kailangan niya ng tulong kaya huwag kang makipagmatigasan," bulalas ni Dylan bago lumabas sa silid.
Tila biglang bumagal ang pag-andar ng oras at ang tanging tumatakbo sa isipan ko ay pigura ni Trinity. Nawala na siya sa aking isip kanina dahil mas nangibabaw ang pag-aalala ko kay Mariel.
"Siguro naman sapat na ang narinig mo. Manatili ka na lang dito dahil magiging sagabal ang tulad mo sa misyon. Kung gusto mo talagang maligtas si Trinity, hahayaan mo kami," mariing giit ni Sieko.
Tuluyan na silang lumabas ng silid at iniwan akong nakatulala sa kawalan. Gustuhin ko mang iligtas si Trinity subalit tama sila, hindi pa kaya ng katawan ko. Para lang akong isang paslit na walang silbi sa mundo.
"Tang*na! Marami kang utang, Gideon! Hindi ko na mapapalampas ang lahat ng mga ginawa mo dahil masyado kang balakid sa buhay namin. Humanda ka!" bulalas ko.
BINABASA MO ANG
Hunter's Mail ( COMPLETED)
غموض / إثارة|COMPLETED | R18 | MATURE CONTENT| Ang buhay ng tao ang higit na mahalaga. Lahat ay nakahandang itaya para sa buhay na hinahangad nila. Ano ang gagawin mo kung may natatanggap kang hindi inaasahang liham? Paano ipagtatanggol ang iyong sarili sa ta...