Ikalabing-walong Kabanata

148 21 113
                                    

Read at your own risk

Trinity

Nagpipigil ako ng tawa habang pinagmamasdan ang mukha ni Hunter. Tila nakakita siya ng multo no'ng bigla akong pumasok sa tindahan ni Bea. Siya ang tumawag sa'kin kanina.

"Bakit ka nagulantang diyan? Epekto ba 'yan ng pangungulila mo sa akin, maging sa katawan ko? Pasensya na, ikaw ang may kasalanan dahil mas pinili mong sumama sa haliparot na si Crystal," mariing giit ko sa kanya.

Naglakad ako patungo sa direksyon ni Bea ngunit sa likuran ako ni Hunter dumaan. Nang akmang makakalagpas na ako sa kanya, agad akong nagpanggap na natapilok nang sa gayon ay tumama ang dibdib ko sa katawan niya.

Tila biglang bumagal ang takbo ng oras at unti-unting humarap sa akin si Hunter at sinalo ako gamit ang kanyang mga bisig. Tumama ang tingin naman sa isa't isa at sa hindi malamang dahilan, biglang bumilis ang pagtibok ng aking puso.

"Humanap kayo ng silid at huwag dito sa tindahan ko. Modelo si Trinity kaya may sapat kayong pera para umakupa ng mamahaling silid. Umalis na kayo," pagtataboy sa amin ni Bea.

Ako ang unang natauhan at mabilis na tumayo. Bahagya akong lumayo sa kanya at pinanatili ang isang metrong distansya. Hindi ko inaasahan ang ginawa niya, nagulat ako.

"Bea, wala ba talagang preno ang bibig mo? Hindi lahat ng modelo ay may pera, huwag mo akong igaya sa kanila. Panandaliang trabaho lang 'to," mariing giit ko sa kanya at bahagya pang pinandilatan ng mata.

Inayos ko ang suot na bestida at sinuklayan ang aking malambot na buhok gamit ang mga daliri. Inayos ko rin ang aking tindig bago ngumiti sa kanilang dalawa.

"Pasensya na sa abala, aalis na rin ako. Bea, salamat sa pag-imbita sa akin, lubos akong nagagalak. May pupuntahan pa kasi akong mahalagang pagdiriwang, isa ako sa mga modelo nila," pagpapaliwanag ko kay Bea bago tumalikod.

Pinakiramdaman ko kung tatawagin ba ako ni Hunter at hindi nga ako nagkamali. Nakakailang hakbang pa lang ako palayo nang tawagin niya ang pangalan ko.

"Trinity, sandali. Pakinggan mo muna ang aking sasabihin, pakinggan ang sigaw ng damdamin. Trinity, mahal kita," puno ng emosyon sambit niya.

Bahagyang akong tumigil sa paglalakad dahil sa narinig. Muli na namang tumibok ng mabilis ang taksil kong puso. Paulit-ulit kong pinagmumura ang aking sarili sa isapan.

"Alam kong galit ka dahil hindi kita pinakinggan no'ng nakaraan. Ngunit nandito ako muli sa iyong harapan at humihingi ng pagpapatawad," nagsusumamong sambit niya.

Pinagpapawisan na ako kahit na malamig naman dito sa loob. Lumalambot ang aking puso subalit nananatili akong nanindigan sa aking sarili na hindi ako lilingon.

"Trinity, gusto pa rin kitang makasama sa mga misyon. Hindi ako magsasawang lumapit at dumikit sa'yo dahil ikaw, naging bahagi ka na ng buhay ko. Bumalik ka na." Sa pagkakataong ito ay muntik na siyang pumiyok dahil sa labis na emosyon.

Hindi ko na ito kayang tagalan pa kaya unti-unti na akong lumabas ng tindahan. Hindi niya ako nilingon no'ng tinawag ko siya kaya hindi rin ako lilingon ngayon. Kailangan kong maging matatag.

Tuluyan kong nilisan ang lugar at humahangos na sumakay sa aking sariling kotse. Walang tigil ang luha sa pagbagsak sa aking pisngi. Isinara ko ang pintuan at do'n binuhos ang aking inis.

"Nakakainis! Ang tanga mo talaga, Trinity. Masyado kang marupok ang bumibigay agad sa mga mabubulaklak na salita niya. Nakakainis! Huwag kang magpapadala kay Hunter," singhal ko at pinaghahampas ang tuhod ko.

Gusto ng puso kong lumingon at sabihing maayos lang ang lahat. Ngunit mas nangibabaw ang galit sa aking isipan dahil sa ginawa niya. Madali akong magpatawad subalit mahirap makalimot.

Hunter's Mail ( COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon