Chapter 9
"Ralph, gagawin ko kahit ano pumayag ka lang. Huwag mo naman sana isara ang posibilidad na mapapayag kita. Maaari ba?" seryosong pahayag ni Rada.
Hindi agad sumagot si Rafael. Tahimik na pinagmasdan lamang ang dalagita.
Tunay na nababaghan siya sa ipinapakitang determinasyon nito.
Masyado itong mapangahas at padalus-dalos.
Kung ano ang naisip ay iyon ang agad na gagawin.
At kung kausapin siya ay animo ordinaryo na lamang sa pagitan nila ang ganitong uri ng pakikipag-salitaan.
Gayong kailan lang naman sila nagkakilala.
"Bakit ganoon na lamang ang iyong kagustuhan na ako'y iyong maging konsorte?"
Tanong niya makalipas ang ilang saglit.Layon niyang malaman ang motibo nito.
"Dahil gusto ko," ang prangka at diretsong tugon ni Rada.
"Ralph, hindi naman kalabisan ang hinihiling ko, hindi ba?" patuloy pa nito.
Gumawa siya ng mababaw na paghinga
sabay na napa-iling.Hindi na siya dapat na nagulat sa sagot ni Rada.
Walang pag-aalinlangan sa mga salita nito.
Mukhang sanay ang dalagita na anumang maibigan ay kagya't na napapasakamay nito.
Sabagay, hindi nakapagtataka ang bagay na iyon sapagkat lumaki itong may ginintuang kutsara sa bibig at lumaking marangya.
Subalit kung ang lahat ng bagay ay nakukuha ni Rada ng ganoon lamang kadali ay hindi sa pagkakataong ito.
Hindi ang tipo niya ang basta-basta na lamang napapahinuhod o nahihikayat.
Lalo na kung ang usapin ay patungkol sa mga bagay na wala siyang interes.
Maliban sa malaking palaisipan na ang katulad niyang ordinaryo lamang ang nabigyan nito ng pansin.
Kilalang pilya ang dalagita at hindi iyon lingid sa kanyang kaalaman.
Malamang ay isa na naman ito sa mga laro nito.
At kung tama ang kanyang sapantaha ay nararapat lamang na siya'y maging maingat sa pakikitungo rito.
Anuman ang larong niluluto ng laki sa layaw na tagapagmana ng mga Buenavista ay nararapat lamang niyang iwasan.
Maliban sa istrikto ang senyor ay wala sa kanyang hinagap ang makipagmabutihan sa heredera.
Hindi niya bibigyan ng sakit ng ulo ang sarili.
Higit lalong ayaw niyang mag-alala ang pinakamamahal na ina.
Mahigpit na bilin nito ang umiwas sa mga sitwasyong sa tingin niya ay magiging kumplikado lamang.
"Ang sabi mo kanina ay may kasama kang kaibigan, malamang ay hinahanap ka na niya," pag-iiba niya ng usapan habang inabala ang sarili sa ginagawa.
"Ralph, promise ni singko ay wala kang gagastusin. Ako na ang bahala sa lahat, pagpayag mo lang ang kontribusyong hinihingi ko," anang Rada na nagpupumilit.
Sa narinig ay bahagyang lumukot ang kanyang mukha. Mabilis na tinapos niya ang pagtatali ng lubid sa punong malapit sa lubluban ni Malik.
Pagkatapos ay seryosong muling binalingan si Rada
"Hindi mo ata nauunawaan Miss Buenavista, ang isang bagay ay hindi ipinagpipilitan dahil lamang sa kagustuhan ng isa. Kundi nasa pagpapasya at pagkakasundo ng dalawang indibidwal. Batid kong may laya kang bilhin ang lahat ng bagay na ninanais mo Rada. Ngunit nawa'y matutunan mong igalang ang pasya ng iba," makahulugan niyang wika.
BINABASA MO ANG
🌻 Dagger Through The Heart 🌻 (On-Going)
Mystery / ThrillerIsang prinsesang pilya - - - si Rada Buenavista. Susubukan ang pasensya ng simple at mailap na si - - - Rafael Samaniego. Papangarapin mo ba ang prinsesa na kapara ay matayog na bituin? Saan hahantong ang isang pagtatagpo kung sa simula pa lamang...