Ralph!
Bahagyang huminto sa ginagawa si Rafael nang maulanigan ang boses na bagama't pasigaw ay naroon naman ang lamyos sa tinig.
Marahan nitong hinatak ang renda ni Malik, ang alagang kalabaw na katu-katulong nito sa bukid.
Huminto naman ang hayop na animo nakaunawa.
Sa nangungunot na noo ay nilingon ng binata ang pinanggagalingan ng boses na nasa di kalayuan.
Natanaw niya ang isang pamilyar na bulto na marahang tumutulay sa kahabaan ng pilapil.
Mabagal ang bawat hakbang na ginagawa nito. Naroon ang pag-iingat.
Bagama't hindi niya ito maaninag pa ng husto ay sigurado naman siyang hindi ito ang kanyang inay Lourdes.
Maliban sa wala silang pinag - usapan ng Ina na tutungo ito sa sakahan para sa kanyang pananghalian.
Kadalasan ay nagbabaon na sya ng pagkain upang hindi na mapagod ang Ina sa pagparoo't parito sa bukid.
May kalayuan rin kasi ang maliit nilang sakahan sa kanilang baryo.
Habang palapit ang naturang pigura ay nagsimulang lumalim ang gatla sa kanyang noo.
Pagka't unti - unti ay nagiging malinaw na sa kanyang paningin ang pagkakakilanlan ng parating.
Awtomatiko ay nauwi sya sa pagsasalubong ng mga kilay. Agad ang pagrehistro ng pagkamangha sa kanyang mukha.
"Buenavista..." mariing usal niya sa sarili na hindi makapaniwala sa nakikita.
Sa di kalayuan ay walang humpay sa kakakaway si Rada.
Paulit-ulit rin ang pagsambit nito sa kanyang pangalan.Panaka-naka itong humihinto sa gitna ng palayan.
Pilit na bumabalanse sa paglalakad.Marahil ay naroon ang pag-aala na baka magkamali ito ng tapak sa lupa na mauwi sa pagkakadulas nito sa maputik na pilapil.
Magdamag pa namang bumuhos ang ulan nang nagdaang gabi gawa ng masungit na panahon.
Ilang araw ding makulimlim ang langit bago bumayo ang malakas na ulan.
At ngayon pa lamang bumabawi sa pagsikat ang araw.
Kung kaya't mamasa-masa at may kalambutan pa ang ilang bahagi ng mga lupa.
Hinubad niya mula sa ulo ang gamit na salakot na siyang nagsisilbi niyang pananggalang sa init na hatid ng araw.
Hinintay niyang makalapit ang dalagita pagka't tila sya itinulos sa kinatatayuan sa pagkabigla.
Ang buong pansin niya ay tuluyan nang napako kay Rada.At hindi pa man niya lubos na napagmamasdan ang dalagita sa malapitan ay natitiyak niyang nakasuot ang isang matamis na ngiti sa sulok ng mga labi nito.
Labis niyang pinagtatakhan kung paano ito nakarating ng sakahan ng mag-Isa.
Gayung wala naman itong ideya na naroon sya sa taniman.
Gumuhit ang pag-alala sa panig niya para sa dalagita.
Hindi ligtas para rito ang mapadpad sa sakahan pagka't malayo na ito sa bayan.
Batid niyang ilang araw na rin sya nitong pinaghahanap.
Subalit gusto niyang panatilihin ang distansya mula rito.
Maliban sa hindi nababagay ang isang tulad nito na makisalamuha sa kagaya niyang ordinaryo ay sarili niyang kagustuhan na huwag nang mapalapit sa dalagita.
Kaya't ganoon na lamang ang pag-iwas na ginagawa niya sa batang heredera.
Ngunit paano niya gagawin ang bagay na iyon ngayon kung ilang minuto na lang ay nasa harapan na niya ang taong pinakaiiwas-iwasan.
"Hello, Ralph! Bati ni Rada nang hustong makalapit.
Lihim na humugot ng hininga si Rafael.
Pilit na itinatago ang nadaramang disgusto. Matamang tinitigan ang kaharap.Hindi niya inaasahan ang pagtatagpong ito sa pagitan nilang dalawa.
Hindi nga siya nagkamali larawan ng kasiyahan ang dalagita.
At kahit tagaktak ang pawis nito sa noo ay nakaguhit ang kahali-halinang ngiti sa makipot at manipis nitong mga labi.
Pansin niya ang pamumula ng mga pisngi nito gawa marahil ng ilang minutong pagkakabilad sa init ng araw.
Ang mahaba at naturalesa nitong buhok ay malayang idinuduyan ng hangin.
May pagkakataong tumatama pa sa mukha nito ang Ilang hibla ng buhok na paulit-ulit lang nitong hinahawi mula sa magkabilang pisngi.
Suot ang may kahabaang bistidang puti na halos ay sumayad na sa lupa.
Ang sandalyas nito sa paa ay balot na rin ng putik.
May bahid na din ng dumi ang mga sakong nito.
Gustong mapailing ni Rafael sapagkat hindi angkop sa lugar ang kasuotan ng dalagita.
O mas akmang sabihin na hindi nababagay ang tulad nito sa bukid.
Animo naligaw na tupa sa parang ang heredera.
" Hindi ka na dapat nag-abala na pumarito Miss Buenavista.
Wika niya sa malamig na tono.Pinanatili niyang pormal ang mukha habang nakamata sa dalagita.
" Kung ang iyong sadya ay para muli akong kumbinsihin ay---"
"Hindi mo ba ako babatiin man lang muna Ralph?" putol ni Rada.
Ni hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ng dalagita sa kalamigan ng binatang magsasaka.
Nanatili itong nakangiti.---Itutuloy---
🌻Pls. Votes!
Thank you!
BINABASA MO ANG
🌻 Dagger Through The Heart 🌻 (On-Going)
Misterio / SuspensoIsang prinsesang pilya - - - si Rada Buenavista. Susubukan ang pasensya ng simple at mailap na si - - - Rafael Samaniego. Papangarapin mo ba ang prinsesa na kapara ay matayog na bituin? Saan hahantong ang isang pagtatagpo kung sa simula pa lamang...