Medyo weird si Josh lately. Simula nung manggaling kami sa home depot ay lagi ko siyang nahuhuling nakatingin sa kawalan at malalim ang iniisip. Minsan naman, nung kumakain kami kasama si Bodj sa CASAA cafeteria ay naabutan ko siyang nakatitig sa akin, tapos bigla na lang siyang matatawa o titingin sa iba. Kapag tinatanong ko siya kung may bumabagabag sa kanya, mariin naman niyang sinasagot na wala namang problema. Ang hinala ko ay may kinalaman ito sa pumalyang gas chromatograph nila sa Natural Products Lab, kaya maaantala ang pag-analyze niya ng compounds na na-isolate niya sa mga halaman mula sa Kanawan. Nung binanggit ko ito sa kanya, ang sabi lang niya ay maaayos naman agad yung instrument in two weeks, so baka puwede raw niyang pag-aralan muna ang gagawing bioassays sa compounds.
Kumakain ako noon ng fish fillet in béchamel sauce, at paubos na ito at may kapuranggot na lang na natitira. Susundutin ko na sana ito ng aking tinidor nang may binanggit si Bodj tungkol sa pagbalik nila ni Josh sa Kanawan for additional sampling. Pero napansin kong distracted si Josh at sa halip ay inaabangan lang niya akong ubusin ang aking kinakain. At sa iglap na yun ng aking hesitation ay biglang dumaan ang isang staff ng CASAA at kinuha ang plato ko. Bago ko pa man naunawaan ang nangyari, naglaho na si Kuya Staff at natakpan na ng mga dumadaang tao. Napahalakhak si Josh. "Na-ninja ka haha!" Nakitawa rin si Bodj. Kilala kasi ang mga staff dito sa CASAA sa kanilang ninja moves sa pagkuha ng mga plato para mahugasan agad para sa susunod na gagamit, at kadalasa'y nangyayari ito kahit hindi pa tapos ang kawawang kumakain. Labis ang aking panghihinayang sa kapirasong fish fillet na yun.
Maghihiwalay na kami noon sa CASAA nang may binanggit si Bodj. "Josh, nasabi mo na ba sa kanya?"
"Di pa," sagot ni Josh. "Bayaan mo, this Saturday."
"Ano yun?" tanong ko, ngunit di na nila ako sinagot dahil nagmamadali sila papuntang Biology dahil magpapa-consult pa si Josh ng kanyang bioassays. Lalo tuloy ako naintriga.
Kukulitin ko sana sila nung hapong yun, ngunit ginabi si Josh sa lab meeting nila habang may pinuntahan naman si Bodj. Hindi ko rin sila nakita nung mga sumunod na araw dahil lahat kami ay naging busy sa mga trabaho namin hanggang sa sumapit na nga ang Sabado. Nag text sa akin si Josh at ini-invite akong mag lunch sa kanila sa Green Meadows. Dahil bakante naman sched ko ay pumayag din ako. Nag-alok siyang sunduin ako, pero tinanggihan ko at sabi kong magta-taxi na lang ako. Nakipagtalo pa siya, ngunit hindi ko na siya pinagbigyan. Out of the way naman kasi.
"So ano ang okasyon?" usisa ko nang binuksan niya ang gate.
"Wala lang. Gusto ka lang makita ni Ma."
Pinapasok ako agad sa bahay. Kahit ilang beses na akong nakapunta sa bahay ni Josh, hindi pa rin natatanggal ang aking pagkamangha sa laki at gara nito. Napadaan kami sa sala, na di hamak na mas malaki pa sa lawak kung ikukumpara sa buong apartment namin sa San Pedro. Dumeretso kami sa family dining room kung saan nakaupo sa may kabisera ng hapag-kainan ang isang malaking lalaki at nanonood ng It's Showtime sa TV. (May isa pa kasi silang main dining room na puwedeng mag-accommodate ng dalawampung bisita.) May mga labas-masok na katulong na naghahain ng pagkain.
"Good afternoon po, Tito Joe," bati ko sa ama ni Josh sabay lapit sa may kabisera.
Doon lang ako napansin ni Tito Joe dahil nakatutok noon ang kanyang atensyon sa TV. Nang makita niya ako ay ngumiti siya at inabot ang kamay niya para makapagmano ako. Pagkatapos ay hinudyatan niya kami ni Josh na maupo habang binalik niya ang atensyon sa TV.
"You're here already!" bungad ng isang matangkad at mestizang ginang nang pumasok siya bitbit ang isang malaking casserole at ibinaba ito sa mesa. "How are you, Dexter? How's work?"
"Hi. Tita Celia!" Tumayo ako sabay mano, pagkatapos ay bumalik ako sa tabi ni Josh. "Okay naman po."
"O siya, let's eat. I prepared roast beef just for you, Dexter. Hope you enjoy it!"
BINABASA MO ANG
Ang Kasarian ng Pag-ibig
RomanceAll Dudoy and Josh ever wanted was to complete their Master's at the University of the Philippines while working as museum researcher and lecturer at the Anthropology Department (Dudoy) and research assistant and lecturer at the Institute of Chemist...