10 - Bone Lab

228 16 3
                                    

Hayun. May jowa na ako. Yung best friend ko. Hindi ko siya type. Pero nahulog ako sa kanya.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ang bilis kong kinagat ang pagkakataon. Ngunit dati pa naman ay may soft spot na ako para kay Josh, kahit nung high school pa. Naisip ko, puwede mo bang mahalin ang isang tao nang di mo lubos na namamalayan o nabibigyan ng label kung anong klaseng pagmamahal nga ito? Habang nakatayo siya kagabi at kinakabahang hinintay ang sasabihin ko, aking binalikan ang mga ikinilos niya nitong mga nakaraang buwan, o kahit nitong mga lumipas na taon ng aming pinagsamahan, at biglang may nag-click, and everything made sense. Minahal din niya pala ako nang di niya namamalayan. So bakit pa ako magpapaliguy-ligoy pa? Basta, bahala na si Batman.


Halos hatinggabi na nang umalis kami sa Sunken Garden. Naglakad lang kami pabalik ng Chemistry kung saan nakaparada ang Innova ni Josh. Halos wala kaming napag-usapan. Medyo awkward para sa akin sa simula dahil hindi ako sanay na tahimik lang siya pag ako ang kasama. Ngunit nang mapansin kong abot tainga ang ngiti niya magdamag ay na-realize kong may isa pa kaming achievement na na-unlock noong gabing iyon. Ang companionable silence. At napangiti na rin ako hanggang sa makarating kami sa sasakyan at makauwi sa condo.

Bandang 9 AM na kinabukasan nang magising ako. Nag-panic ako dahil naisip kong may staff meeting dapat kami ng 9 AM, ngunit nahimasmasan ako nang maalala kong Sunday pala ngayon. Late na rin kasi kami nakatulog ni Josh. Top ako, bottom siya. Ng bunk beds.

"Breakfast na," sabi ni Josh. Nakaupo siya sa tabi ng maliit naming dining table habang may nakahain na. Pagkatapos ko magbanyo ay tumabi ako sa kanya.

"Wow! Tapsilog? Rodics ba yan?"

"Yes! Pumunta pa ko ng Shopping Center kanina."

"At may kasamang pan de coco!"

"Galing naman yan sa KNL."

"Baka ma-spoil ako."

"Every Sunday lang yan. Sabi mo bantayan na natin ang kinakain natin."

"Sige, fine." At nagsimula na akong kumain. Nangangalahati na ako nang mahalata kong hindi pala ako sinasabayan ni Josh at sa halip ay pinagmamasdan lang niya ako. "O, ba't hindi ka pa kumakain?"

Ngumiti si Josh. "Sige lang, kain lang."

Biglang tumunog ang doorbell. Dagliang tumayo si Josh at binuksan ang pinto. Mula sa labas ay mabilis na pumasok si Bodj na wala man lang good morning o ano. Surprisingly, but not unexpectedly, may dala siyang isa na namang cactus plant sa isang maliit na paso sa isang kamay. Sa isa pa ay bitbit niya ang isang pulang kahong mukhang may lamang pagkain. Tinitigan niya kami mula ulo hanggang paa, tapos nag-survey ng buong unit. In-inspect niya ang mga kama namin, nagtungo sa banyo, kinapa ang sofa, at pagkatapos ay saka lang siya lumapit sa amin sa may mesa at napaupo. Ibinaba niya ang cactus at pulang kahon sa mesa, tiningnan niya ang kinakain namin, kumuha ng mug, nag-pour ng kape mula sa coffee maker, naglagay ng creamer at sugar, kumuha ng teaspoon at saka hinalo ang kape. "Well, everything seems to be in order. Too orderly, in fact."

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Parang walang kaganapang nangyari rito kagabi," paliwanag ni Bodj. "Or baka binura na ang mga ebidensya." At nakatikim siya ng palo sa braso mula kay Josh. "Joke lang!"

Napakunot ako ng noo. "Wait, anong alam mo?"

"Kayo na, di ba?"

"Ha? Paano mo--"

"Sinabi ni Josh kanina." Pagkatapos ay pinakita ni Bodj ang cellphone niya na kung saan ay nakalagay yung message ni Josh sa Facebook Messenger. Kami na! ang tanging nakalagay.

Ang Kasarian ng Pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon