Cute naman talaga si Josh; hindi ko lang siya type. Marami kayang nagkagusto sa kanya sa blockmates namin sa Bio. Mestizo kasi at matangkad with wavy dark brown hair na laging tousled kahit anong suklay niya. Parang laging chill ang aura niya, ngunit masipag naman at laging maaasahan. Nagulat nga ako kung bakit Chem ang pinili niyang lilipatan kasi parang feeling ko ay mas mahirap pa yun sa Bio, ngunit baka siguro mas gusto niyang maintindihan ang chemical at molecular processes kaysa mag memorize ng scientific names at gumawa ng dichotomous keys. Ang akala niya ay matatakasan niya ang Biology, ngunit laking pagkakamali niya nung tumapak na siya sa Master of Science in Chemistry. Kailangan pala niyang balikan ang taxonomy ng mga halamang gagamitin para mag purify ng alkaloids. Kaya napapadalas siya sa Herbarium ng Institute of Biology para magpa-identify ng mga halaman sa tulong na rin ni Bodj.
Sa aming apat sa barkada, si Lisa lang pala ang tumuloy sa UP College of Medicine sa may Padre Faura nung 2013 at tuluyang nahiwalay sa amin sa Diliman. Si Josh ay naging research assistant sa Natural Products Laboratory ng Chemistry. Si Bodj naman ay naging instructor sa Biology habang kumukuha ng Master of Science in Biology. Pinagturo na rin siya ng Bio 11 at Bio 12 at naging kanang kamay ni Ma'am R sa Registration Committee. Ako naman ay nanatili sa Anthropology Department at naging museum researcher at part-time lecturer habang kumukuha ng Master of Arts in Anthropology.
Noong una ay di maintindihan ng mga magulang naming tatlo kung bakit graduate studies ang tinahak naming landas. Ang nanay ko ay laging puno ng agam-agam dahil wala siyang masyadong idea kung ano ba ang ginagawa ng isang anthropologist, subalit naibsan ito nang matanggap ako sa department bilang museum researcher at nagsimulang sumahod. Sa totoo lang, medyo delayed ng ilang buwan ang sahod naming mga bagong empleyado, na hindi nakatulong sa pagkabahala ng nanay ko at naghinalang baka volunteer work ang ginagawa ko. Naibsan lang ito nang sumahod na ako at nilibre ko sina Nanay at Hope sa isang all-you-can-eat buffet na dinayo pa namin sa Robinsons Festival Mall sa Alabang kasama si Josh (kasi ayaw niyang hindi siya kasama sa libre, at siya rin kasi ang may sasakyan). Nang lumaon, ipinagmamalaki na niya sa mga kasama niya sa Pacita National High School na may anak siyang nagtuturo sa UP. Samantala, si Bodj naman, na isang certified plant lover at nangarap na maging isang plant taxonomist, ay kinailangan pang makipagtalo sa mga magulang niya, lalo na nang umuwi ang tatay niya galing Kuwait, dahil hinangad talaga nilang magkaroon ng anak na duktor. Ngunit nang nangako si Bodj na tutulungan niyang ipag-aral ang kanyang nakababatang kapatid na si Jopet sa college ay nahimasmasan na rin sila. Ang mga magulang naman ni Josh, na kapwa negosyante, ay nabigla rin sa desisyon ng anak dahil umasa pa rin silang tutuloy sa Med ang anak nila gaya ni Lisa, o di kaya ay pupunta sa industry nung pumasa sa Chemistry Licensure Exams. Subalit nasa academe din yata ang puso ni Josh, at hinayaan na lang nina Tito Joe at Tita Celia ang anak matapos na matanggap bilang research assistant at sumasahod na rin bagaman contractual lang. Nakakukuha siya ng dagdag na sahod nung nag part-time lecturer din siya sa Chem, kaya kapag nagkukuwenta kami ng aming kinikita, napansin namin ni Bodj na mas malaki pa ang perang pumapasok kay Josh. Maabilidad din pala ang mokong!
Ginagawan naman namin ng paraang dalawin si Lisa once or twice a month sa Padre Faura. Nagkabalikan sila ni Josh nung Commencement Exercises namin nung April of 2013, siguro nung nagpapa-picture kami sa sunflowers habang pumipila sa Oblation for the traditional photo op. Kasi pagkatapos naming pumila, napansin na lang namin ni Bodj na magka-holding hands na sina Josh at Lisa. Subalit ang pagbabalikan nila ay di rin tumagal, dahil wala pang isang taon si Lisa sa Med ay naghiwalay na naman sila. Ang sabi ni Josh ay nais niyang mag focus muna si Lisa sa pag-aaral niya, at parang di naman nagbago ang pakikitungo nila sa isa't isa pag kumakain kami sa Robinsons Place sa Ermita.
"What kept you?" sumbat ni Lisa nang minsan kaming nagkita sa isang restaurant sa Robinsons Place. Marami ang tao noon, ngunit madali naman namin siyang natagpuan dahil sa kakaiba niyang curly long hair.
BINABASA MO ANG
Ang Kasarian ng Pag-ibig
Roman d'amourAll Dudoy and Josh ever wanted was to complete their Master's at the University of the Philippines while working as museum researcher and lecturer at the Anthropology Department (Dudoy) and research assistant and lecturer at the Institute of Chemist...