I WAS BORN TO HEAL EVERYONE
"Hindi lahat ng kabutihang magagawa mo ay may katumbas na magandang kaganapan."
Muli kong isinuot ang hood ng jacket na siyang nagtatago sa tunay kong anyo mula sa mundo ng mga tao.
Sa panahon ngayon, ang mga nilalang ay delikado, mapa-tao man iyan o hindi pangkaraniwang nilalang.
Hindi na maaalis sa imahe ng mga tao ang kapahamakan na idinulot ng aming lahi, lalong-lalo na sa mga ninunong nagpasimula ng himagsikan laban sa kanila.
"Loursel!" masayang bungad nila Inay at Itay mula sa bahay.
Kapuwa mga tao ang mga ito ngunit sila ang tumayong mga magulang ko sa mundong ito, sila ang mga taong nagkalinga at umaruga sa akin simula nang ako ay isilang sa mundong ito--- iniluwa ng isang bulaklak.
May mga anak na sila pero lahat ng mga iyon ay may kani-kaniyang pamilya na, masasaya sa mga buhay na kanilang pinili.
Nakakalungkot lang isipin na darating ang panahon na ang mga anak mo ay magkakaroon na ng kani-kaniyang pamilya at bubukod.
"Isang mabait na babae ang tinulungan namin, napakapayat niya at ayon sa kaniya halos hindi na ito kumain dahil walang trabaho na mapagkukunan ng pera bukod pa doon hindi raw ito nakapagtapos ng pag-aaral- hanggang grade one lang daw," bulas ni Inay nang minsan kong tanungin kung saan nga ba ako nanggaling at bakit may katangian akong wala naman kila Inay.
Ibinigay daw ng mapayat na babae ang isang butil sa kanila bilang pasasalamat sa kabutihan nila Inay. Itinanim nila agad iyon sa kanilang bakuran at halos hindi raw sila makapaniwala sa mabilisang pagmukadkad ng halaman, maya-maya raw ay inilabas na ako ng halaman mula sa isang bulaklak.
"Inay, lalabas ho muli ako para manood ng piyesta sa kabilang bayan."
"Alam mong hindi ka pwedeng magtungo sa maraming tao, Loursel," paalala ni Inay.
Bakas sa mga mata nito ang labis na pag-aalala pero nginitian ko ito.
"Kaya ko ho ang sarili ko, Inay."
Hindi na nagsalita pang muli si Inay at hinayaan na lang ako sa gusto ko.
Madilim ang buong paligid dahil naghahanda na ang lahat para sa engrandeng fireworks display na magaganap. Ngunit nagsihiyawan ang lahat sa takot.
Isang malakas na pagsabog ang nakapagpapitlag sa amin. Naramdaman ko ang kaunting panghihina matapos ang pagsabog. Ngunit ginawa ko ang lahat para makapaglakad ng maayos at makalayo mula sa mga tao pero napahinto ako sa pagtakbo nang isang pagsabog muli ang dumagundong sa paligid. Napaluhod ako sa labis na panghihina, nanlalabo na ang mga mata pero sinubukan ko pa ring lumayo sa lugar
Malapit na. Malapit na akong makaalis mula rito, kaunting layo pa-
Pangatlong pagsabog, tuluyan nang napasalampak ang buong katawan ko sa lupa, wala na ring kakayahang idilat ang mga mata.
"Ngunit may huling habilin ang babae tungkol sa bungang ilalabas ng halaman- tungkol sayo."
"Ano iyon Inay?" kuryosong tanong ko habang kumakain.
"Huwag na huwag kang magtutungo sa maraming sugatang nilalang dahil uubusin nila ang lakas mo."
"Inay, akala ko ba pakpak lang ang kakaiba sa akin. Bakit kailangan pang lumayo sa mga sugatan, paano po kung gusto kong tumulong?"
"Matutulungan mo sila nang hindi hinihingi ang tulong mo dahil may kakayahan kang gumamot ng nakararami, anak. Ngunit katumbas din niyon ang buhay mo."
"Kaya huwag na huwag kang magtutungo sa lugar na may mga sugatang nilalang. Pangako?"
Itinakda ako para sa mga pangangailangan ng mga tao.
Isinilang ako hindi para namnamin o lasapin kung paano mabuhay sa mundong ito kundi para maging isang manggagamot ng nakararami.
Pinilit kong idilat ang mga matang nanghihina para pagmasdan ang kasalukuyang tagpo. Mga kaawa-awang tao, walang kaalam-alam na ang kasiyahan pala'y magiging katapusan na ng kanilang buhay.
Ipinikit ko ang mga mata, inilabas ang lahat ng enerhiyang mayroon ako saka isinambit mula sa isipan ang mga kataga.
Hiling mula sa puso
kapangyarihang taglay na aking natamo
Bawat nilalang ay paghilumin
wari'y sugat kanilang nakamit
Sugat man mula sa pagsabog
o pawang sakit na dinadala mula sa nakaraan
Tuluyang paghilumin
Iyon ang aking hiling
Thank you for reading.
BINABASA MO ANG
Queries: Compilation Of Short Stories
Short StoryQueries: Compilation of Short Stories The story composed of compilation of different themes‚ genre and issues that has been written purely by it's author. The author's purpose is to express her thoughts and persuade the readers to think wisely with...