19: GUSTO KITA‚ PERO HINDI AKO ANG GUSTO MO

3 1 0
                                    

GUSTO KITA‚ PERO HINDI AKO ANG GUSTO MO

"Love is unfair. Hindi para sayo 'yong taong gusto mo."

Siksikan ang lahat, may mga nakatayo na lang dahil naubusan ng upuan sa mga bleachers at meron ding patuloy sa paghihiyawan.

Ngyayon ang intrams namin, hindi na sana ako papasok pa pero may convincing power si Heia. Sinabi ba namang kasali sa basketball team si Tori at ngayon ito maglalaro. Si Tori ang nag-iisang crush ko sa buong campus kaya kailangan ko talagang manood ng laro niya.

Maagang pumasok si Heia dahil isa ito sa mga SSG Officer ng aming paaralan. Sila ang naatasang mag-ayos ng buong amphitheater para sa event na gaganapin ngayon.

Nang makita kung nasaan nakaupo sila Heia at Jen, agad akong kumaway at tinawag sa kanila. Kumaway pabalik naman ang mga ito sa akin. Nakangiti akong nagtungo doon.

"So, pang-ilang game na ba 'to? Sorry late ako, may dinaanan pa kasi." Natatawa kong ani.

"Kakasimula pa lang, mabuti at nakaabot ka." Nakangiting sagot ni Heia. Tumango na lang ako sa sinabi nito at dinaluhan si Jen sa paghihihiyaw sa boto nitong team.

Sunod-sunod ang puntos na nakuha nila Tori kaya lagi akong napapahiyaw sa saya idagdag mo pa na sa tuwing magkakapuntos ito ay tumitingin sa pwesto ko.

Assuming na kung assuming pero pakiramdam ko ako ang tinititigan nito at ang inspirasyon niya sa paglalaro. Hindi ko napigilang mapangiti at kagatin ang ibabang labi sa na-obserbasyon.

Hindi ko na lang gaanong binigyang pansin iyon at nagpatuloy na sa paghiyaw sa pangalan nito.

Hiyaw dito, hiyaw doon, ganoon ang ginawa ko. Kahit pa namamaos na ako hindi pa rin tumitigil, para naman sa kaniya 'to kaya ayos lang. He's worth it.

Matapos ang unang laro, nagpahinga na muna sila. Mamaya ay sasabak nanaman sila sa ikalawang laro, ang huling laro nila.

Tinitigan ko si Tori, may nga babaeng nagbibigay ng mga inumin sa kaniya, iba't ibang gatorade na rin ang nakita ko sa bleachers nila na alam kong para sa kaniya. Hmp hindi naman sila gusto ni Tori pero bakit patuloy pa rin sila sa pagpapapansin. Ako ang gusto niya! Back off!

Kahit pagod ito hindi pa rin mawawala sa mg mata niya ang saya. Matagal na niyang pangarap na makasali sa Basketball Team kaso masyado siyang busy sa school papers lalo na't graduating kami kaya nakakagulat talagang sumali siya.

Nagpatuloy na ang laro at panay pa rin ang pagpuntos nila Tori, hindi na ako magugulat kung sila ang mananalo sa Game na 'to.

Hindi pa rin matapos ang titig nito sa akin sa tuwing nakakapuntos kaya hindi ko mapigilang mamula. Bakit ba ganiyan siya? Mas lalo akong nahuhulog sa kaniya.

Nang matapos ang laro hindi namin inaasahan na biglang tumugtog ang kanta ni Darren Espanto na Dying Inside habang dahan-dahang naglalakad si Tori palapit sa amin.

Teka! Hindi pa ako handa. Kailangan ko pang magmake-over baka haggard na ako.

Hawak-hawak nito ang mikropono habang sinasabayan ang speaker sa pagkanta. Kinakabahan akong tumingin sa kaniya, ito na ba? Ito na ba ang sagot sa bawat dalangin ko? Lord, salamat po! Hindi ko na napigilang mapapikit sa sobrang kilig.

"Heia Soriano, will you be my girlfriend?"

Hindi ako makapaniwalang napatingin sa kaniya at sa kaibigan ko. Anong ibig sabihin nito? Anong sinabi niya? Teka, baka naman napagkamalan niya lang si Heia na ako. Teka. Teka.

Bago pa man ako makalapit doon nagsiksikan na ang lahat sa pababa kaya naiwan ako rito sa taas.

Tahimik kong pinahid ang mga luha sa pisngi, unti-unting umatras palayo sa kanila.

Hindi kaya ng puso ko. Hindi niya kayang tanggapin. Sapo-sapo ang dibdib umalis ako roon pero bago tuluyang lisanin ang lugar muli ko silang tinignan.

"Yes? Yes! Oh God! Thank you. Thank you!" sigaw ni Tori saka nagtatatalon sa sobrang tuwa. Ang mga luhang unti-unting nahulog ay mas lalong bumuhos hanggang sa manlabo na ang paningin ko sa dami nito.

Love is unfair. Hindi mo pwedeng piliin kung sino 'yong taong gustong-gusto mo. Hindi mo pwedeng angkinin 'yong taong labis mong kinasasabikan. Hindi ka pwedeng mahalin ng taong gusto mo. Hindi para sayo 'yong taong gusto mo.

Pinahid ko ang mga luha, "Gusto kita pero kaibigan ko ang gusto mo."

Thank you for reading.

Queries: Compilation Of Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon