20: SHE WHO FELL INTO A DECEPTIVE CREATURE

5 0 0
                                    

SHE WHO FELL INTO A DECEPTIVE CREATURE

"Kailanma'y hindi magiging tama ang umibig sa hindi mo kalahi."

"Hinding-hindi ka maaaring umibig sa isang mortal. Iyon ang pinakamabigat na batas sa ating lahi."

"Ngunit ina, ang mga mortal ay mababait."

"Hindi sila mababait! Sa una lamang sila mabait sapagkat kailangan mo silang pagkatiwalaan ngunit habang tumatagal, napapaniwala ka nila sa mga sinasabi nila. Doon ka nila tatangayin."

"Tulad ng ating tirahan, kung ika'y hindi marunong sumabay sa daloy ng tubig, maaagos ka mula sa kung saan. Hanggang sa hindi mo na alam kung saan ang patungo sa iyong tahanan."

Ang mga tao ay kalaban. Iyon ang pinamulat ni Ina sa akin.

Tahimik akong nanonood sa mga tao na nasa tabing dagat. May mga nagtatampisaw at ninanamnam ang lamig ng tubig, may mga taong nangunguha ng makakain na lamang tubig.

"Masaya nga bang mabuhay sa lupa, Hani?" tanong ko sa kaibigang isda.

"Hindi masaya dahil ang mga nilalang na 'yan ay inuubos ang aming lahi para lamang mabuhay." Malungkot na sagot nito.

Nakakalungkot nga ang pahayag nito, unti-unting nauubos ang kanilang lahi dahil sa patuloy na pangingisda ng mga mangingisda sa laot. Minsan pa'y gumagamit ang mga ito ng mga dinamita para lamang makapanghuli ng isda. Isang kasiraan sa aming tirahan.

"Halika na Prinsesa Tazmia, batid kong hinahanap ka na ng iyong Amang Hari."

"Ngunit kadarating lamang natin rito? Bakit hindi natin namnamin ang sandali. Alam kong hindi na ito mauulit pa," saad ko. Umiling lamang ito bilang tanda ng pagsang-ayon.

"Binibini." Napatingin ako sa tumawag ng aking pangalan.

"Prinsesa Tazmia, isa siyang mortal. Kailangan na nating umalis baka ika'y saktan niya." Tumango ako at mabilis na lumangoy palayo roon.

- - - - -

"Ang kaniyang boses ay nakabibighani, Hani. Tila ba'y nais kong muli'y marinig ito. Malamig man ang boses nito ngunit nagdadala ito ng kasaganaan sa aking kaibuturan."

"Prinsesa, isa siyang mortal at hindi ka maaaring umibig sa isang mortal." Bumuntong-hininga ako sa sinabi nito.

Hindi maaaring umibig sa isang mortal ang isang sirenang tulad ko. Bukod sa isa itong batas, alam kong ang mga tao'y may pangit nang depinasyon ng aming katauhan. Sa kanila'y, isa kaming delubyo na maaaring umubos sa kanilang lahi.

Ilang taon ang lumipas, patago lamang akong nagmamasid sa mga tao. Hanggang sa makilala ko si Hugo ang mortal na lalaki.

"Hindi mo na kailangan pang lumayong muli sa akin, Binibini. Ako nga pala si Hugo." Iniabot nito ang kamay sa akin, tinitigan ko lamang iyon. Ano bang nais nitong gawin sa akin? Ginalaw muli nito ang kamay ngunit hindi ako tumugon roon sa kadahilang hindi ko alam kung paano ito tutugunin.

Kinuha nito ang kamay ko, ngunit bigla na lamang itong nasindak ng makita ang aking kamay.

"Totoo ba ang mga 'yan?" Tumango ako sa sinabi nito. Itinagilid ko ang ulo saka sinilip ang katawan ng mortal mula sa tubig. May dalawang pares ito ng mabarbon na tinatawag nilang paa malaki rin ang pangangatawan nito.

"Nais kong maging kaibigan ka, Binibini." Nakangiti nitong ani nang umahon ako.

"Tazmia, kailangan mong alalahanin ang sinabi ng 'yong Ina. Ang mga tao ay masama." Hindi ko pinansin ang sinabi nito at nakangiting tumango sa sinabi ni Hugo.

"Anong pangalan mo?" tanong nito.

"Tazmia. Ang aking ngalan, Hugo."

"Tazmia."

Makalipas ang ilang buwan ay naging magkaibigan kami. Palagi akong nagtutungo malapit sa dalampasigan para lamang makipag-usap sa kaniya. Mag-uusap kami hanggang sa lumubog ang araw, gano'n ang laging tagpo namin.

"Hani, pakiramdam ko'y nahuhulog na ako sa mortal na 'yon. Si Hugo."

"Tazmia, alam mong hindi maaari 'yan dito sa ating tahanan."

"Ngunit ang puso ko'y siya ang itinitibok, Hani. Hindi ko naman maaaring turuan ang puso ko at sabihing hindi siya ang maaaring ibigin ko. Nahulog na ako, Hani. Nahulog sa isang mortal."

"Tazmia." May pagkabahala sa boses nito. Nakangiti lamang akong umiling sa kaniya.

"Hindi niya ako tra-traydor-in, Hani. Nararamdaman ko."

"Sana'y tama ang iyong nararamdaman, Prinsesa."

Hindi niya ako sasaktan.

Tahimik ang buong paligid nang muli akong nagtungo sa baybay.

"Tila may kakaiba sa paligid, Hugo. Napakatahimik naman," saad ko.

"Isinarado ang lugar na ito dahil may mag-asawang ikakasal."

"Gano'n ba? Napakasaya naman! Nais kong manood ng kanilang kasal."

"Oo naman. Halika't sasamahan kita."

"Ngunit."

"Anong ikinababahala mo, Tazmia?" Nag-aalalang tanong nito.

"Hindi ako makakatapak sa lupa, paano ko ito mapapanood?"

Nakangiti nitong isinilid sa likod ng aking tainga ang takas na buhok, "Hindi mo na kailangan pang lumakad dahil sasamahan kitang lumangoy mula roon. Malapit rin naman sa dalampasigan ang kasalan."

"Ngayon halika na't alam kong magsisimula na 'yon."

Sayang lang at wala rito si Hani. Hindi niya masisilayan ang kasalan ng mga mortal.

Sinabayan ko na si Hugo sa paglangoy, lumipas pa ang ilang minuto ngunit patuloy lang kami sa paglangoy. Nakapagtataka na dahil sobrang layo ng kasal na iyon. Tumigil ako at saka umahon.

"Hugo kanina pa tayo lumalango---"

- - - - -

Nagising na lamang ako sa isang lalagyanan. Sinubukan kong banggain ito nang sa gayon ay mawasak ngunit matibay ito. Sinubukan ko ring isigaw ang pangalan ni Hugo ngunit walang nakarinig sa akin.

Nasaan si Hugo? Bakit naririto ako? Anong nangyayari?

Ipinalibot ko ang paningin sa paligid, may mga nakapalibot ring mga lalagyan sa akin. Tulad ko'y mga sirena rin ang mga ito, ang mga sirenang nawawala sa aming tahanan.

"Gising na pala ang ating Prinsesa." Nakangising Hugo ang bumungad sa aking harapan.

"Ilabas mo ako rito! Traydor! Isang traydor na mortal!"

"Bakit kita susundin, Kamahalan? Narito ka sa mundo ng mga tao kaya 'wag kang umastang Prinsesa!"

"Hugo." Lumandas sa aking pisngi ang isang butil ng luha. Nais ko ng makauwi sa aming tahanan.

"Ang mga tulad niyo'y dapat hindi kinakaibigan sapagkat mapanganib," pabula ni Hugo na siyang nakapagpaawang sa aking labi.

"Kayo ang mga dapat hindi pagkatiwalaan! Mga manloloko! Traydor at dapat hindi kinakaibigan! Mga mortal na walang awa!"

"Bakit? May awa ba kayong mga sirena nang patayin niyo ang aking kapatid?" Natahimik ako sa sinabi nito. Hindi dahil totoo ang sinabi nito kundi dahil hindi ko alam ang sinasabi nito, pinaniwala ako mula bata na ang mga tao'y delikado sapagkat sila'y pumapatay ng aming lahi.

"Wala hindi ba? Hindi ka makasagot dahil totoo."

"Huwag ka nang magmakaawa dahil hindi kailanman magbabago ang pananaw ko, Sirena." Huling wika nito saka umalis.

Tama nga si Ina, ang mga tao'y hindi dapat pagkatiwalaan dahil maaaring magdulot ito ng kapahamakan.

Kung sana'y naniwala ako kay Ina, hindi na dapat nangyayari ito. Isa akong malaking hangal na nagpaloko sa isang mortal.

Tama sila, hindi dapat umibig ang isang tulad namin sa isang mortal sapagkat iba ang aming pinaniniwalaang prinsipyo.

Thank you for reading.

Queries: Compilation Of Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon