“Cindy!” gising niya sa dalaga dahil pabiling-biling ito sa kama at parang nananaginip, nang bigla itong napasigaw ay pilit niyang ibinangon at malakas na niyugyog para magising.Agad namang nagmulat ang dalaga pero bakas pa rin ang takot sa mukha nito.
“Panaginip lang ‘yon,” nag-aalala niyang sabi. Pinahid naman ni Cindy ang luha at seryosong napatingin sa kanya.
“Parang totoo, at connected ang mga panaginip ko sa mga napanaginipan ko nitong mga nakaraan. I-iyon bang m-mga k-kalmot sa likod mo?” natigilan si Tomoya sa tinuran nito habang seryosong nakatingin sa kanya.
“M-mama mo ba ang may gawa niyan?” tanong ni Cindy.
“Bakit bigla mong naitanong?”
“Please, sagutin mo. Kahit ano pa ‘yan mahal kita at hindi magbabago ‘yon.” Pamimilit sa kanya ni Cindy.
“Sasabihin ko sa iyo, pero i-kuwento mo muna sa akin lahat ng mga gumugulo sa isip mo pati ang mga napapanaginipan mo.”
“Tomoya, m-may kinalaman sa mama mo ang mga panaginip ko.” Parang may kung anong malamig na hangin ang nanuot sa kanyang kalamnan sa sinabi ni Cindy.
“H-hindi ko alam kung ano‘ng nangyayari sa akin pero simula nang tumuntong ako rito sa Isla, palagi na akong nananaginip at palaging involve ang mama mo, Tomoya. Pati na rin sina tita Adela, at buong pamilya niyo rito sa Isla. Lahat sila nagkakagulo sa panaginip ko,” kuwento ni Cindy at hindi niya alam kung dapat pa ba niyang paniwalaan ang mga sasabihin pa nito.
“Ano‘ng napanaginipan mo kanina?” interesado niya na ring tanong.
“M-may sumabog na sasakyan, nakasakay doon ang tatlong lalaki.”
“Sina Papa..” usal niya dahil namatay sa car explosion ang magkakapatid kabilang ang ama nila nina Raizo.
“Tomoya, natatakot na ako. Madalas ko rin napapanaginipan ang babae sa hukay, si Yukeo at ang mga pulang rosas..”
Kahit siya ay hindi makapaniwala at nagsimula nang mapaisip.
“Malalim pa ang gabi, matulog ka na ulit. Hindi ako aalis sa tabi mo,” sabi niya at nang mahiga ulit si Cindy ay nilagyan niya ito ng kumot.
Nang maramdaman niya ang kakaibang lamig na pumapasok sa kuwarto ay napatayo siya upang isara ang pinto sa terrace pero natigilan siya nang magawi ang tingin sa garden ni Yukeo at naalala ang panaginip ni Cindy.
Isinara niya ang pinto, at nang makitang himbing na ulit na natutulog si Cindy ay lumabas siya at pinuntahan ang garden ni Yukeo.
Napayakap si Tomoya sa sarili habang pinagmamasdan ang malalagong puno ng pulang rosas sa harapan niya. Malulusog ang mga bulaklak na sumasaliw sa ihip ng hangin, napakagandang pagmasdan dahil namumukadkad at matitingkad ang mga iyon.
Pero may kung anong lungkot siyang nararamdaman, parang pinipiga ang puso niya habang pinagmamasdan ang mga bulaklak. Pakiramdam niya ay may lihim na bumabalot sa hardin ni Yukeo.
NAGISING si Cindy dahil sa ingay na nanggagaling sa labas, bumalikwas siya ng bangon at dumeretso sa terrace. Maraming tao sa garden ni Yukeo, at may mga Pulis.
Naroon sina chairman at ang mga apo nito habang nanunuod lang sa mga naghuhukay sa garden ni Yukeo. Nagmadali siyang lumabas ng kuwarto at patakbong lumabas ng mansyon. Lumapit siya kay Tomoya at humawak sa braso nito.
“A-anong nangyayari?” tanong niya pero hindi ito sumagot habang tutok na tutok ang mga mata sa mga naghuhukay.
Ilang saglit pa at nagsigawan ang mga tao, panay ang kislap ng camerang hawak ng SOCO dahil sa paglitaw ng isang kalansay sa lupa. Maging siya ay nanghilakbot sa nakita, at nabitawan ang braso ni Tomoya nang mapaluhod ito at napahagulhol ng iyak.
BINABASA MO ANG
Tomoya's Possessive Love
Mystery / Thriller"Malas mo, hindi ka pa tuloyang lumayo sa akin. Anong akala mo? Hindi ko malalaman kung saang lupalop kayo nagtatago? Pero huwag kang mag-alala makakasama mo rin dito sa Isla ang uncle mo, si tita at si Yukeo para malaman niyo kung anong klaseng mga...