11

103 9 3
                                    

BAGO pa man lumatag ang dilim, agad kaming naghanap ng aming mapagpapahingahan.

Hindi ganoon kalawak ang aming napili ngunit maaari na naming matulogan kahit papaano.

Agad kaming naglatag ng aming mga higaan. Ang iba naman ay nangalap ng mga tuyong kahoy upang magamit namin sa pagsiga ng apoy at mabawasan ang lamig ng gabi.

Maliban sa sapin ay wala kaming kumot kaya naman siguradong manginginig ako sa lamig ng gabing ito.

Pagkaraan ng ilang sandali ay sabay sabay naming inilabas ang kanya kanya naming pagkain. Agad akong tumabi kay Cahya upang pasaluhin siya sa aking pagkain dahil mas marami iyon.

Iyon ang huli naming dalang pagkain kaya naman bukas ay kailangan  naming mangaso upang may makain kami.

Tuluyang nabalot ng dilim ang paligid at tanging apoy lamang sa aming harapan ang nagbibigay liwanag sa parteng iyon ng gubat.

Nakapalibot kami at dinadama ang init niyon.

Ilang oras pa ang lumipas, isa isa kaming nagpasyang matulog.

Sa gabing iyon, normal lang na hindi ako dalawin ng antok. Pinakikiramdaman ko ang paligid kahit na nakapikit.

Maya maya lang ay nakarinig ako ng kaluskos. Mabilis na nagmulat ang aking mga mata at napabangon.

Agad kong inilibot ang aking paningin sa madilim na paligid na hindi naaabutan ng liwanag ng ginawa naming apoy.

"Narinig mo rin pala..." Agad kong nilingon ang nagsalita. Si Ugyen. Naroon siya malapit sa apoy habang ginagatungan iyon ng kahoy. "Hindi ka ba makatulog?"

Napabuntong hininga ako saka muling inilibot ang paningin. "Sa tingin ko ay hindi ligtas kung matutulog tayong lahat sa ganito kadilikadong gubat."

"Tama ka, kaya naman pilit kong wag matulog upang bantayan ang mga kasamahan natin."

Kinuha ko ang aking pana at palaso. Saka tumayo.

"Sa tingin mo, anong mababangis na hayop ang narito ngayon?" tanong ko habang inilalagay ang palaso at ipinorma sa gawi ng madilim na sulok.

Saglit siyang tumingin sakin saka tumingin sa bahaging iyon.

"Mga asong lobo..."

"Ilan sa palagay mo?"

"Hindi ko alam pero marami akong nakikitang mata."

"Bakit hindi natin gisingin ang ating mga kasamahan?"

"Hindi na kailangan..." aniya saka itinutok ang kanyang palaso sa dakong iyon. "Kaya natin tong dalawa."

"Ha?"

"Alam kong magaling kang umasinta kahit sa dilim. Magagamit mo iyon ngayon, Lham."

Tumango ako saka akmang pakakawalan ang palaso.

"Sandali lang..." aniya. "Sa isang tira mo lang ay siguradong magkakagulo ang mga iyan at susugurin agad tayo."

"Anong kailangan nating gawin?"

"Kailangan ay mabilis ang ating pagkilos. Sa isang segundo, dapat dalawang palaso kaagad ang ating mapakawalan upang hindi sila tuluyang makalapit."

"Sige.."

Pinagmasdan ko ang paligid. Inalam ko sa bawat sulok ng dilim kung saan naroon ang mga lobo.

Pero hindi pa man ako nakakapagpakawala ng palaso ay biglang lumitaw ang isang puting lobo at agad kaming pinakitaan ng kanyang mga pangil.

"Ngayon na!" unang pinakawalan ni Ugyen ang kanyang palaso at tumarak iyon sa leeg ng lumitaw na lobo.

Agad ko namang pinakawalan ang aking tira sa madilim ng bahaging iyon. Tanging ang ungol lang at pagbagsak ang aking narinig mula sa natamaang lobo.

TENZINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon