9

104 11 5
                                    

ISANG buwan bago sumapit ang pinakahihintay na pagsusulit, ipinatawag ni Prinsipe Dojin ang Punong Pazap at palihim na kinausap.

Naroon sila sa kanyang lugar ng pagsasanay kung saan nagkunwari siyang nagpapaturo rito ng pagpana.

"Kamusta si Lham sa ensayo?" tanong niya habang hinihila ang palasong nakatutok sa gawi ng tudlaan.

"Maayos po ang kanyang naging kalagayan doon, Mahal na Prinsipe." tugon ng Punong Pazap habang nakatungo.

Napangiti naman ang prinsipe saka pinakawalan ang palaso. Hindi man lang nakarating iyon sa dako ng tudlaan.

"Mabuti naman. Malapit narin ang pagsusulit, nais kong bantayan mo siya at tulungan doon kung kinakailangan."

Napabuntong hininga ang Punong Pazap. "Paumanhin Mahal na Prinsipe, ngunit sa puntong ito ay hindi na ako maaaring makialam sa pagsusulit ng mga Pazap. Ipinagbabawal po ang pagtulong  sa kanila doon."

"Subalit kailangang makabalik ng maayos ni Lham. Nalaman kong matindi ang kanilang sasapitin doon. Naroon ang mababagsik na hayop sa gubat. May dumaraan din raw na mga tulisan na maaari nilang makasalubong. Dilikado ang lugar na iyon kay Lham. Nag-aalala akong baka may mangyari sa kanya doon at hindi na makabalik."

"Magtiwala kayo sa kanya, Mahal na Prinsipe. Makakayanan niyang lampasan iyon."

"Ngunit..."

"Hayaan niyo Mahal na Prinsipe, tatanawin ko siya mula sa malayo. Tutulungan ko siya kung kinakailangan alang alang sa inyo."

Agad namang sumilay ang tuwa sa prinsipe.

"Maraming salamat. Huwag kang mag-alala, bibigyan kita ng pabuya kapag tagumpay na nakapasa si Lham sa pagsusulit."

"Hindi na kailangan, Mahal na prinsipe. Tungkulin ko po kayong paglingkuran."

"Kung yan ang nais mo. Ngunit dapat na walang makakaalam ng ating napag-usapan. Tayong dalawa lang ang nakakaalam nito. Hindi ito dapat malaman ng Amang hari at Inang Reyna."

"Makakaasa kayo mahal na prinsipe."

LINGID sa kaalaman ng Punong Pazap, ipinatawag naman ng Reyna ang Ikalawa.

Agad na pumasok sa silid tanggapan ng Reyna ang Ikalawang Pazap at yumukod sa harapan nito. Hindi niya hinayaan ang sariling sulyapan ang dako ng Reyna at nanatiling nakayukod sa sahig.

May nakatabing na kurtinang pula sa pagitan nila dahilan upang hindi makita ng Ikalawang Pazap ang mukha ng Reyna.

"Bakit hinayaan mong makapasa sa ensayo ang batang iyon!" agad na pagalit na turan nito na ikinabigla ng Ikalawa.

Mas lalo pa niyang iniyuko sa paanan ang kanyang mukha at kinabahan.

"Patawad Mahal na Reyna, ginawa ko ang lahat upang siya ay mahirapan ngunit parati niya iyong nalalampasan. Palaging nakamasid sa kanya ang Punong Pazap at tinutulungan kaya po hindi ako makakilos laban sa kanya."

"Inutil! Wala kang silbi! Paano pa't ipinagkatiwala ko sayo ang bagay na iyon, hindi mo rin pala magagawa! Gusto mo bang pugutan kita ng ulo ngayon din?"

Agad namang nanginig sa takot ang Ikalawa at mas lalo pang isinubsob ang sarili sa sahig.

"Maawa po kayo Mahal na Reyna, patawarin niyo po ako! Gagawin ko po ang nais niyong ipagawa sakin wag niyo lamang akong patayin!"

"Kung gayon, makinig ka sa sasabihin ko. Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon. Siguruhin mo lang na mapagtagumpayan mo ang ipapagawa ko sayo!"

"Makakaasa po kayo Mahal na Reyna. Hindi ko po kayo bibiguin!"

TENZINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon