Pokok's Point of View:
Nagpatuloy lang ako sa pagbibisikleta ko, bagamat halos manlabo ang mata ko dahil sa mga luha ko na hindi ko mapigilan dahil sa inis ay mas pinili kong bilisan ang pagbibisikleta ko. Hindi ako nagpapahabol kay Miki at alam kong hindi din naman niya ako magagawang habulin dahil hindi naman siya gano'n kaliksi. Sa halip na dumiretso ako sa amin ay pinili ko ang umiba ng daan, tinahak ko ang daan patungo sa katabing baryo namin.
Bagama't ito ang pinakamalapit na baryo ay masasabi kong malayo pa din ito kung iisipin, kalahating minuto na akong nagbibiseklata sa kahabaan ng kalsada na puro palayan at iilang kubo lamang ang aking nadadaanan. Pero para sa akin mabuti na 'yon dahil kahit paano nakakahinga ako sa kabila ng inis sa dibdib ko na nahihirapan akong ilabas, mabuti na 'yon dahil alam ko sa lugar na 'to hindi ako kilala kaya kahit magngangawa ako dito ay hindi gaanong nakakahiya.
Tumigil ako sa pagbibisikleta nang marating ko ang bahagi ng kalsadang iyon na may malaking punong mangga at sa ilalim nito ay isang pahingahan na madalas ginagamit ng magsasaka. Sa pagkakataong iyon ay walang tao sa pahingahan na iyon kaya naman doon ko na din minabuting magpahinga. Nang huminto ako ay doon ko lang din naramdaman ang aking pagod, halos naghahabol ako ng hininga ko, isinandal ko ang dala kong bisikleta sa puno ng mangga at pagkatapos naupo ako sa tila papag na pahingahan.
"Nakakainis... nakakainis... nakakainis talaga!" ang paulit-ulit kong sabi kasabay ng umiihip na hangin, umaasa akong tangayin ng hangin ang nararamdaman kong pagkainis. Ayokong mainis kay Miki, ayokong magtampo sa kanya, ayokong sumama ang loob ko sa kanya dahil natatakot ako na baka dahil doon ay mawala siya sa akin pero hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pagkainis dahil para bang may pagkakataong binabalewala niya lang ang nararamdaman ko, tulad na lang ngayon, bakit niya kailangan dalhin sa batis si Seven, 'yung taong kakakilala pa lang niya naisipan na niyang dalhin sa lugar na espesyal sa amin. Sa batis na 'yon kami nagkakilalang dalawa, sa batis na 'yon kami sumumpa na mamahalin namin ang isa't isa, 'yung batis na 'yon ang nagsilbing dambana naming dalawa. Iniisip ko pa lang na sabihin sa kanya ang dahilan ko nadidinig ko nang sinasabi niya sa akin na ang babaw ko pero para sa akin mababaw mang pakinggan pero ganoon kahalaga sa akin 'yung lugar na 'yon, kasi doon ko siya nakilala eh, kaya nakakainis talaga, bakit kasi may Seven pang sumulpot, kumag na 'yon.
"Hmmm... nakakainis talaga!" ang malakas kong sabi dahil halos mabaliw na ko sa inis na nararamdaman ko.
"Nakakainis ang alin?" ang nadinig kong tanong at nabalikwas ako nang madinig ko iyon. Agad kong tinignan kung sino ang nagsalita at sandali akong hindi nakapagsalita.
"Mi... Mi... Mi... Miki? Este Mikee?" ang halo utal kong sabi at ngumiti siya sa akin habang akay niya ang dala niyang bisikleta.
"Sabi na nga ba ikaw 'yan, kahit nakatalikod ka ang dali mong makilala." ang sabi nito sa akin.
"Kahit nakatalikod?"
"Ah pasensiya na, maobserb kasi akong tao, medyo nakabisado ko na kasi tindig mo, kaya nang mapadaan ako alam ko na ikaw ang nakaupo dito. Tapos tatawagin na sana kita kaso mukhang malalim naman ang iniisip mo kasi ang layo ng tanaw mo at parang hindi ka mapakali din." ang sabi ni Mikee.
"Ah gano'n ba. Pasensiya ka na kung nakita mo pa kong ganito, may iniisip lang talaga ako na mahalaga." ang tugon ko.
"Sa tingin ko nga, at kung hindi ako nagkakamali nakakainis na bagay 'yang iniisip mo." ang sabi niya at tumango ako sa kanya.
"Okay lang ba na samahan kita muna dito? Kung hindi naman makakaistorbo pero kung ayaw mo naman..."
"Ah hindi ayos lang, mas makakabuti siguro kung may makakausap ako na ibang tao. Maupo ka." ang sabi at alok ko, umusog ako ng bahagya upang mabigyan si Mikee nang mauupuan sa tabi ko.
BINABASA MO ANG
Panget Ko!
Teen Fiction[BoyXBoy|Yaoi] Panget Ko! Ang relasyon ay pinaghalohalong emosyon, kumbaga sa isang halu-halo, mas sumasarap mas madami ang sangkap na nakasahog dito. Pero minsan sa sobrang daming nakahalong sangkap ang sana'y masarap na pagkain ay nagiging nakakau...