Pokok's Point of View:
Natapos ang usapan namin ni Miki sa burol sa isang hiwalayan, isang hiwalayan na sa kanya na nagmula. Wala na akong nagawa pa kundi ang hayaan siyang umalis, hindi dahil tinatanggap ko nang wala na kami, kundi dahil alam ko na kasalanan ko din talaga ang lahat. Sa pag-alis ni Miki ay nanatili ako sa burol na 'yon naupo ako sa damuhan at pinagmasdan ang buong bayan na tanaw doon, hinayaan ko lang noon na umagos ang mga luha ko na tinutuyo naman agad ng malamig na hanging tila niyayakap ako at inaalo.
Gabi na nang makauwi ako sa bahay namin, wala naman akong masiyadong ginawa noon ngunit pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. "O masiyado ka na naman yata ginabi? Kumain ka na ba?" ang tanong sa akin ni nanay nang magmano ako sa kanila ni tatay.
"Bakit parang Mahal na Araw 'yang mukha mo?" ang usisa naman ni tatay.
"Wala po 'to napagod lang po ako ngayong araw sa ginawa naming project. Hindi din po ako nagugutom ngayon kaya baka umakyat na din po ako at matutulog na." ang tugon ko.
"Napagod? Bakit anong project ba 'yan, nag-araro ba kayo sa bukirin?" ang pabirong sabi ni tatay.
"Huwag ka nang magsinungaling sa amin, papunta ka pa lang pabalik na kami ng tatay. Ganyang mga mukha siguradong may kinalaman sa inyo ni Miki. Tsaka nanggaling na din si Minyong dito at sinabi na sa amin ang lahat." ang sabi ni nanay, at nang madinig ko iyon ay sa halip na gulat ay inihanda ko na ang sarili ko na masermonan nila nanay at tatay.
"Huwag ka mag-alala hindi ka na namin sesermonan ng nanay mo, alam naman naming hindi makakatulong ang pagalitan ka pa namin. Pero Pokok, anak, alam namin kung gaano mo kamahal si Miki kaya aaminin namin hindi namin naiwasan ng nanay mo na madismaya dahil alam din namin at nakikita namin kung gaano ka kamahal ni Miki, kaya hindi kami makapaniwala na papairalin mo ang pagiging matigas ng ulo mo." ang sabi ni tatay.
"Pero ano pa nga ba't nangyari na ang kinatatakutan namin ng tatay mo, anak alam namin hindi madali ang mabigo, mawalay sa taong mahal mo, pero anak gano'n talaga sa pag-ibig, hindi dahil mahal natin ay ibig sabihin ay mananatili sila sa atin habang buhay. May mga taong mamahalin natin at mamahalin tayo pero kalunan ay malalayo sa atin hindi dahil tapos na ang leksyon na maituturo niya sa buhay natin." ang sabi ni nanay.
"Mahirap ang mabigo at mawalay sa taong mahal mo, pero darating ang panahon na hihilom ang sugat at maglalaho ang sakit, hanggang sa dumating ang panahon na handa ka nang magmahal kang ulit." ang sabi naman ni tatay.
"Pero paano po kung lumipas ang panahon pero hindi pa din magawang maghilom ng sugat at hindi pa din po mawala 'yung sakit? Paano kung hindi na po dumating 'yung panahon na magmahal akong ulit?" ang tanong ko sa kanila at nagkatinginan sila nanay at tatay noon.
"Isa lang ang ibig sabihin no'n, paglipas ng panahon at ganyan pa din ang nararamdaman mo nangangahulugan lang na kailangan mong maghintay o hanapin ang taong nawalay sa'yo dahil ibig sabihin no'n ay siya lang ang makakapaghilom niyan. Pero hindi lang sa pamamagitan ng pagmamahal, siguro kahit bilang kaibigan." ang tugon ni nanay. "Pero sa ngayon anak, ang tanging magagawa mo lang ay tanggapin ang riyalidad dahil iyon ang unang hakbang para makausad ka din." ang dagdag na sabi ni nanay at sa halip na tumugon sa kanya ay niyakap ko na lang siya at tahimik na lumuha.
Kinabukasan ay nabulahaw buong bahay namin dahil sa sigaw ni Minyong. "POKOK! POKOK! Put* POKOK!" ang malalakas at may mura nang pagtawag sa akin ni Minyong. Agad akong dumungaw sa bintana ng kwarto ko na pupungas pungas pa.
"Minyong ang aga-aga namang pambubulahaw niyan." ang sabi ko.
"Hoy! Huwag ka na magreklamo diyan kung gusto mo pang makita si Miki, bumaba ka diyan at sumugod na kila lola Veron." ang sabi ni Minyong na hindi ko nagawang tugunin dahil sa hindi ko maunawaan ang sinasabi niya. "Ano? Tatayo ka lang diyan? Aalis na si Miki ngayong umaga, nandoon na sila Luiz at Mariza, papunta na din sila Vito at Jayson do'n." ang dagdag nito at para akong binuhusan ng malamig na tubig nang madinig ko ang mga sinabi na 'yon ni Minyong.
BINABASA MO ANG
Panget Ko!
Teen Fiction[BoyXBoy|Yaoi] Panget Ko! Ang relasyon ay pinaghalohalong emosyon, kumbaga sa isang halu-halo, mas sumasarap mas madami ang sangkap na nakasahog dito. Pero minsan sa sobrang daming nakahalong sangkap ang sana'y masarap na pagkain ay nagiging nakakau...