Pokok's Point of View:
Ika-dalawampu't walo 'yon ng Hunyo, ang araw kung saan ipagdiriwang namin ni Miki ang first monthsary namin. Lumipas ang araw na hindi namin napag-uusapan ang mga bagay-bagay sa pagitan namin, at napapansin ko na nagkakaroon na din ng espasyo at dibisyon sa pagitan naming dalawa, at may bahagi ko na nagsasabi sa akin na dapat ko nang agapan ang nangyayari kahit na ang ibig sabihin noon ay ako na naman ang hihingi ng tawad sa amin. Maaga akong nagising noong araw, hindi ko alam kung bakit pero nang tignan ko ang sarili ko sa salamin ng aparador ko ay napansin ko ang mga luha na hindi ko namalayang kumawala sa aking mga mata na agad ko namang pinunasan.
"Oh mabuti at gising ka na. Saktong sakto katatapos ko lang magluto ng almusal, sabayan mo na kami ng tatay mo." ang sabi ni nanay nang makita niya akong pababa ng hagdan habang naghahanda siya ng almusal.
"Sige po 'nay, maghilamos lang ako at magmumumog." ang sabi ko at napakamot pa ako noon sa aking ulo.
"Siya nga pala, napapansin namin ng tatay mo na nitong mga nagdaang araw o linggo, hindi na pumupunta si Miki dito. Ang huling punta niya pa dito ay nang hanapin ka niya. Sabihin mo nga may nangyari ba sa inyong dalawa? Nagkahiwalay na ba kayo?" ang usisa ni nanay at hindi ko naiwasang maibuga sa lababo ang minumumog kong tubig noon.
"Hiwalay agad 'nay? Hindi po kami naghiwalay, may hindi lang kami pagkakaunawaan pero plano ko na pong makipag-ayos sa kanya." ang sabi ko sa kanya at nagulat na lang ako nang bigla akong batukan ni nanay. Sa tanang buhay ko ay noon lang ako nagawang pagbuhatan ng kamay ni nanay at talaga namang ramdam ko ang batok na 'yon.
"Oh loko." ang nadinig ko bang sabi ni tatay na para bang sinasabi na tama lang ang ginawa ni nanay sa akin.
"Aray ko naman 'nay, bakit may batok agad? Ang sakit po ah." ang sabi ko habang hinihimas ko ang bahagi ng ulo ko kung saan pinadapo ni nanay ang kamay niya.
"Kailan pa nagsimula 'yang tampuhan niyo?" ang tanong ni nanay.
"Noong huling araw na pumunta siya dito." ang tugon ko at nagulat ako nang isa namang kurot ang ibinigay sa akin ni nanay at hindi ko napigilan na hindi mapasigaw dahil sa sobrang sakit ng kurot na 'yon ni nanay, pakiramdam ko ay nanuot 'yon pati sa kaluluwa ko.
"Ang tagal na no'n, ngayon mo lang naisipan na makipag-ayos?" ang sabi ni nanay.
"Eh hindi naman po ako ang may..."
"Hindi mahalaga kung sino ang may kasalanan, ang mahalaga ay kung sino ang handang magpaubaya." ang agad na sabi ni tatay at uminom siya ng kape.
"Pero 'tay lagi na lang po ba ako ang uunawa?"
"Kung mahal mo talaga siya, kahit nakakapagod na ang unawain siya, gagawa at gagawa ka ng paraan para maunawaan siya sa kahulihulihan ng lakas mo. Kung apoy ang isa, umakto kang tubig na magpapalamig sa ano mang bagay na dapat dinadaan sa maayos na usapan." ang sabi ni tatay.
"Anak, hindi namin sinasabi 'to dahil kampi kami kay Miki ha? Sinasabi namin 'to kasi mahal ka namin at alam namin kung gaano mo kamahal si Miki, at ayaw namin dumating 'yung araw na pagsisihan mo ang mga bagay na dapat na naiwasan mo na bago pa mangyari." ang sabi ni nanay. "Nagawa kitang batukan at kurutin dahil kapag ang tao nasanay sa pambabalewala ng taong mahal niya, hindi maglalaon ay lalayo ito hanggang sa balewalain ka na lang din." ang dagdag ni nanay.
"Pero kung handa ka naman nang mawala si Miki sa'yo ay hindi ka naman namin pwedeng pilitin na isalba pa ang relasyon niyo." ang sabi ni tatay, at para akong binuhusan ng malamig na tubig noong mga oras na 'yon para ba akong sinampal ng sampung tao, at doon ko napagtanto na naging sobra na ako kay Miki, na hindi ko nagawang pakinggan siya sa mga panahon na alam kong may gusto siyang sabihin.
BINABASA MO ANG
Panget Ko!
Teen Fiction[BoyXBoy|Yaoi] Panget Ko! Ang relasyon ay pinaghalohalong emosyon, kumbaga sa isang halu-halo, mas sumasarap mas madami ang sangkap na nakasahog dito. Pero minsan sa sobrang daming nakahalong sangkap ang sana'y masarap na pagkain ay nagiging nakakau...