Kero-Kero 09

164 24 29
                                    

Pokok's Point of View:

Alas-otso mahigit na ng gabi noon, nakatambay kami ni Minyong sa labas ng bahay at nagkukwentuhan ng kung ano-ano. May mga pagkakataong sinusubukan niyang ipasok sa usapan ang tungkol sa amin ni Miki pero pilit kong iniiwasan dahil sa di ko malamang dahilan, siguro dahil masama pa din ang loob ko kay Miki dahil sa nangyari noong nakaraang araw. Nagbibiruan kami noon nang biglang dumating sila Luiz at Mariza na kasama din sila Vito at Jayson.

"Oh bakit napasugod kayong apat dito? Ano meron?" ang tanong ko sa kanila. Napatingin ako kay Mariza noon at bigla na lang niya ako inirapan na para bang may nagawa akong kasalanan sa kanya pero ipinagkibit balikat ko na lang 'yon dahil iniisip ko din na baka nagkataon lang na napairap siya.

"Na-miss mo na naman ako?" ang banat ni Minyong kay Luiz, at napansin ko kung panlakihan ng mata ni Luiz si Minyong na para bang sinasabi nitong manahimik na lang si Minyong kung walang magandang sasabihin.

"Nabaliw ka na naman. Bakit naman kita mami-miss?" ang tugon ni Luiz. "Pumunta kami dito kasi gusto naming itanong kung nandito ba si Miki? Tumawag kasi sa bahay si lola Veron at tinatanong kung kasama namin si Miki dahil hindi pa daw umuuwi, sinabi namin itatanong namin kila Vito at sa inyo, pero heto nga at kagagaling lang namin kila Vito at hindi din daw nagagawi doon si Miki." ang dagdag na sabi ni Luiz.

"Kaya nagbakasakali na kaming nandito siya. Madalas naman din kasi di ba siyang gabihin kapag nandito siya?" ang sabi ni Vito.

"Wala siya dito, hindi siya nagpupunta dito..." ang sagot ko sa kanila.

"Ang huling tanda ko na pumunta si Miki dito ay noong isang araw pa." ang sabi naman ni Minyong.

"Sandali nga Pokok, umamin ka nga sa akin, hindi niyo pa din ba naaayos ni Miki ang tampuhan niyo? Aba'y ngayon lang tumagal nang ganyan ang tampuhan niyo." ang sabi ni Minyong na halatang papunta na naman sa panenermon ang tono niya.

"Mabuti pa tara na, sabi ko naman sa inyo eh wala siya dito, hindi pupunta dito si Miki." ang sabi ni Mariza na para bang iritable.

"Bakit ba parang asar na asar ka na pumunta dito? Ano bang nakain mo?" ang tanong ni Luiz kay Mariza.

"Hay naku bahala nga kayo diyan." ang inis na sabi ni Mariza at agad itong umalis.

"Mabuti pa Luiz sundan niyo na si Mariza, susunod ako, tutulong ako sa paghahanap kay Miki. Pakihintay niyo na lang ako, may kailangan lang akong kausapin." ang seryosong sabi ni Minyong at isang tango naman ang itinugon ni Luiz dito at pagkatapos ay agad na nilang sinundan si Mariza palabas ng bakuran namin.

"Pokok, magsabi ka nga sa akin. Ano ba talagang nangyayari sa inyong dalawa ni Miki? Bakit kailangan niyong patagalin ang problema niyo? Hindi ka naman ganyan noong nag-umpisa kayo, dati rati kapag may ganitong problema sinusuyo mo na agad si Miki, ikaw ang nagpapakumbaba sa inyong dalawa. Dati rati halos hindi ka mapakali kapag may tampuhan kayo ngayon pero anong nangyari at parang kalmado ka lang? Alam mo nang hindi pa umuuwi si Miki pero para bang ayos lang sa'yo." ang mahabang litanya ni Minyong.

"Kailangan ba Minyong ako lagi ang sumuyo at magpakumbaba? Kahit hindi ko naman kasalanan kung bakit may tampuhan kami? Kailangan talaga ako na lang palagi?" ang tugon ko sa kanya.

"Bakit hindi? Ano bang masama kung kahit na siya ang may kasalanan ay ikaw ang sumuyo at magpakumbaba? Kasi pakirampdam mo naaabuso ka na? Eh di sabihin mo sa kanya 'yung nararamdaman mo hindi 'yung aasta ka ng para bang wala ka nang pakialam sa tao." ang sabi ni Minyong.

"Hindi mo kasi ako naiintindihan Minyong eh..."

"Naiintindihan kita Pokok, hindi ka pa ganoon ka ekspirehinsyado pagdating sa relasyon, halos bago pa lang kayo ni Miki dahil noong bakasyon lang naman kayo nagsimula. Naiintindihan kita na may pagkakataon na nahihirapan ka nang unawain siya, pero ang hindi ko maintindihan Pokok, kung pakiramdam mo napapagod ka na bakit hindi ka na lang bumitaw? Kaysa pahirapan mo ang sarili mo, kaysa pahirapan mo si Miki, kaysa saktan mo sarili mo at si Miki. Pero Pokok ipapayo ko lang kung may iba na mabuti pang sabihin mo na lang kay Miki, sa amin, palayain mo si Miki, hindi 'yung ganito." ang sabi ni Minyong at medyo napatigil ako sandali sa mga sinabi niyang 'yon.

Panget Ko!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon