VEINTIDOS

23 4 0
                                    

#CHAPTER22

ILANG beses kong sinubukang buksan iyon ngunit hindi ko ito mabuksan. Naka-lock mula sa labas ang pinto. Hindi ko naman magawang tawagin ang mga kasambahay na naglilinis sa labas dahil walang dapat makaalam na nandito ako.

Naupo ako sa kanyang malambot na kama upang mag-isip ng ibang paraan. Mabuti na lamang at nawala naman na ang kaluluwa niya. Siguro'y dahil napasakamay na ng nanay niya ang nais niyang ipakita. Hindi niya na siguro ako gagambalain, ngunit nais ko pa ring tumulong. Hindi ko nga lang alam kung sa paanong paraan.

Napabaling ako sa malaking beranda. Hindi ko gusto ang aking iniisip ngunit ito na lamang ang paraan para makalabas ako sa kwartong ito. Baka bumalik si Leah, hindi ako pwedeng manatili pa rito at maggagabi na. 

Binuksan ko ang glass door at kaagad na tinangay ng sariwang hangin ang aking nakalugay na buhok. Hindi ko pala ito natali dahil sa pagmamadali. Tulog din si Nena kaya wala talaga. Tiningnan ko kung gaano kataas ang tatahakin ko. Mabuti na lamang at nasa ikalawang palapag lamang ang silid.

Humanap ako ng pupwedeng daan sa gilid ngunit masyadong pinrotektahan ang pader kaya walang mababakas dito.

Bigo akong bumalik sa loob. Kinalkal ko ang kanyang aparador hanggang sa mahanap ko roon ang mga mahahabang kumot. Binigay ko ang aking buong lakas sa pagtali no'n. Nang makasigurong hindi iyon basta-bastang mapipigtas ay muli akong lumabas sa beranda.

Sinarado ko ang glass door at saka maingat na hinagis pababa ang puting kumot. Nasasayangan ako rito ngunit wala na 'kong ibang pagpipilian. Ang madumihan ito, o ang makulong at manatili sa silid na ito.

Tinali ko sa railings ng veranda ang kabilang dulo at saka dahan-dahang tinahak ang daan pababa. Mabilis ang bawat pagtibok ng aking puso. Ang pawis ko'y walang pakundangan sa pagtulo. Nakahinga lamang ako nang maluwag nang anim na metro na lamang ay masasayad ko na sa lupa ang aking mga paa.

Ngunit kung minamalas ka nga naman. Naistatwa ako nang marinig ang pagkapunit sa aking itaas. Patingin pa lamang ako ro'n pero naramdaman ko nang biglaan na lamang nahulog ang aking katawan sa damuhan. 

Nagpagulong-gulong ako sa sakit. Limang minutong puro inda ko lamang ang narinig bago ko sinubukang tumayo. Ang sakit ng pwet at ng katawan ko! Ika-ika at maluha-luha akong naglakad patungo sa pinto sa likod ng mansyon.

"Ano ang nangyari sa 'yo?" 

Natigil ako sa paglalakad nang marinig ang pamilyar na tinig. Hindi ko hinayaan ang sariling madala sa nag-aalala niyang boses kung kaya't hindi ko siya nilingon at kahit masakit, tumakbo ako patungo sa aking silid.

Muli akong nagpagulong-gulong sa sahig nang makapasok sa aking kwarto.

"Ang sakit! Aray!" umiiyak na sambit ko.

Tumayo ako at hihiga na sana sa kama, ngunit nagulat ako nang makita si Nena na mahimbing ang tulog doon. Argh! Ngayon ko lang naalala si Nena! Ang sama kong kaibigan! 

"Pasensya na, Nena. Hindi ko naman ginusto 'to, e. Kinailangan ko lang talaga," bulong ko at saka inayos ang kumot sa kanyang katawan.

LUMIPAS ang dalawang araw. Hindi ako makaalis sa aking kwarto dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin gumigising si Nena. Alalang-alala na 'ko. Pa'no kung hindi na siya magising? Hindi pwede iyon! Nena, gumising ka na! 'Wag kang magbiro ng ganito! Tinatakot mo ko, e!

Sa tuwing itatanong sa akin kung nasaan si Nena, ang sinasabi ko na lang ay nandito sa aking kwarto. Hindi ko masabi sa kanila na pinainom ko siya nang pampatulog. Hindi ko na nga rin masuklian ang mga tingin nila sa akin. Umuwi na kahapon si Senyora Alexandra. Mabuti na lamang at hindi niya pa 'ko pinatatawag.

Lost Island ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon