AGUSTIN AND ARISTON SA UNIVERSE NA BAWAL ANG SINUNGALING...
...sa nineteenth birthday ni Caloy. Noong nineteenth birthday ni Caloy ko sisimulan ang kuwento namin.
"Matagal na pala kayong magkakilala," komento ni Ariston.
Matagal na. Hindi pa siya tuli, kilala ko na siya. Kapareho ko siya ng school, kaklase mula elementary hanggang college. Isang tricycle ride lang ang bahay nina Caloy mula sa 'min. Welcome na ako sa bahay nila, tita na ang tawag ko sa mama niya. Nakita ko na ang briefs niya sa banyo nila, nakapasok na ako sa kuwarto niya at natulog na ako na katabi niya, noong gumagawa kami ng thesis. Nayakap ko na din siya sa loob ng mismong kuwarto na iyon noong nagsunod-sunod ang pagbagsak niya sa klase.
Pero kumbaga, prologue lang iyon ng totoong kuwento. Nagsimula ang lahat noong birthday niya. Lasing si Caloy, tawa nang tawa nang lumabas kami ng bahay niya. Wala ang mga magulang niya, hindi ko na maalala kung saan nagpunta. Naka-boxers siya, sando.
"Samahan mo ko kay Sabel," sabi ni Caloy sa 'kin, pabulong, halos mahalikan na ang tainga ko.
"Sino si Sabel?" tanong ni Ariston.
Wait lang, excited? Si Sabel, girlfriend ni Caloy. Mas matanda sa kanya ng dalawang taon. Tambay. Tambay din si Caloy, hindi siya nakapagtapos dahil hindi masipag mag-aral. Ang girlfriend niya, wala, wala ring interes mag-aral. Nawalan daw ng interes mula ng ibugaw ng ina sa Amerikano. Sabi ng mga chismosa naming classmate noon, two times na daw 'yon nagpa-abort.
Pero mahal ni Caloy. Unwilling na saksi ako sa love story nila. Ako ang hingahan ni Caloy ng sama ng loob kapag nagkakatampuhan sila. Masakit marinig, pero ginagawa ko.
Nagpunta kami kina Sabel. Isang tricycle lang din iyon. Sa tricycle ride lang din. Naidlip pa si Caloy sa tricycle, naalala ko. Napasandal siya sa balikat ko.
"'Wag kang umiyak," sabi ni Ariston. "'Wag mong alalahanin ang mga ganoong klaseng ala-ala."
Di ko lang napigilan. Masaya ako no'n, eh. Nahalikan ko ang buhok niya. Tama na nga. Ayun. Pinuntahan namin si Sabel. Siguro hatinggabi na niyon. Nasa tapat kami ng bahay ni Sabel, kumakanta si Caloy. Parang tanga, lasing na lasing kasi. Buti na lang wala din ang mga magulang ni Sabel. Kaya wala kaming naistorbo. Kaso nga lang, nang lumabas si Sabel, umiiyak siya.
Lumapit siya kay Caloy. Niyakap niya si Caloy. Naglayo ako ng tingin, pero ibinalik ko din agad nang marinig ko ang sunod na sinabi ni Sabel.
"Buntis ako," sabi niya, pumiyok.
Napatingin ako sa kanya. Dito ko na ipapasok ang sinabi mo, kunwari nangyari 'to sa universe na nahuhuli ang mga nagsisinungaling. Sa version na ito ng kuwento ko, lahat ng tao may numero sa ulo. Kapag baby pa, zero ang numero sa ulo nila. Hindi pa kasi nagsisinungaling. Sa bawat pagsisinungaling na sinasabi ng tao, nadadagdagan ng isa ang numero sa ulo. Ganda ng concept, 'no? Nabasa ko 'yon sa Japanese manga.
"Kakaiba nga," komento ni Ariston, nakangiti. "Kung gano'n, ano ang number sa ulo mo noong panahong iyon?"
Siguro mga two.
"Ting!" sabi ni Caloy.
Ano'ng ting?
"Nadagdagan uli ang number mo sa ulo. Dapat may sound effect," nangingiti na naming sabi ni Ariston. "Sa edad mong iyon, dalawang beses ka lang nagsinungaling? Sino'ng niloko mo?"
Kawawa sa 'yo ah? Fine. Siyempre, sino ba namang hindi nagsisinungaling, 'di ba?
"Ano ang number sa ulo ni Caloy?"