7: SA UNIVERSE NA NAKAKAPASOK ANG CARTOON CHARACTERS

92 9 1
                                    



...MAY ITINANONG siya sa 'kin.

"Ano?" sabi ko, kasi hindi ko sure kung narinig ko siya nang tama.

Ngumiti lang siya, umiling. Kalong-kalong niya ang baby niya. Ralph pala ang pangalan ng baby niya--sorry ngayon ko lang nasabi. Nakaupo ako sa kama at nakatayo naman siya, pinapadighay ang baby.

"Uy, ano? 'Di ko narinig."

"Kunwari ka pa," sabi niya, matamis ang ngiti. "Gusto mo lang marinig uli."

Natawa ako. "Bobo. Seryoso, 'di ko narinig."

"Puwede ba tayong magsine bukas?"

Tama nga ang pagkakarinig ko. Muntik na akong mapatili sa kilig, lalo pa, nakatingin siya sa 'kin. Parang hoping na sumagot ako ng oo.

"Um-oo ka?" tanong ni Ariston.

Aba naman, of course. Pero siyempre, medyo pakipot pa.

"Nagbablush ka," sabi pa sa 'kin ni Caloy, nang-aasar. "Ibig sabihin ba niyan pumapayag ka?"

Napahawak ako sa pisngi ko. "Rosy cheeks lang talaga ako."

Tumawa si Caloy. "Pumayag ka na kasi."

Tumango ako. Lalong tumamis ang ngiti ni Caloy, lumabas ang dimple. At iyon nga, kinabukasan, umalis kami ni Caloy. Nag-mall kami. Kumain sa Jollibee. Halos di ako makakain sa sobrang saya. Nakatingin lang ako sa kanya, hindi mapigilan ang sarili. At kapag nahuhuli niya akong nakatitig lang, magpapa-cute siya. Matatawa naman ako.

Nagpunta kami sa arcade. Naglaro kami ng Tekken Tag. Magkalaban kami.

"'Pag natalo, may parusa ah," sabi ni Caloy.

Tumawa ako. "'Lakas ng loob mo. No'ng bata ako, tambay ako sa video-han. Magaling ako dito."

"Lalaki ka pa no'n?"

Di ko siya pinansin. Simula na ng laban. Nagconcentrate ako sa paglalaro. Noong una, nakakalamang siya kaya mayabang.

"Paano ba yan," sabi niya. "Paparusahan kita." Kumindat siya bago umangat-angat ang kilay. Mas malakas pa sa tunog ng arcade games ang tibok ng puso ko.

Pinagbuti ko ang paglalaro no'n. Ginalingan 'ko. 'Ayun, mayamaya, natalo siya.

Napapalakpak pa ako ng manalo. Tiningnan ko siya, sumayaw-sayaw habang nakaturo sa kanya. "Talo ka, talo ka, talo ka..."

Siya naman ay nakatingin lang sa 'kin, nakangiti. Sige ako sa pagsayaw.

"Tama na, masyado na 'kong nacu-cute-an sa 'yo," sabi niya, sinamahan ng pamatay niyang ngisi.

Natigil ako sa pagsayaw. Kasunod niyon, nag-init ang magkabilang pisngi ko.

"Tara na," sabi niya. "Punta na tayo sa sinehan."

Umalis nga kami sa arcade zone ng mall. Magkatabing naglalakad. Hindi nagpapansinan. Hindi ako tumitingin sa kanya. Nahihiya pa rin ako sa sinabi niya. Kaya nabigla ako ng maramdaman ko na inakbayan niya ako. Tapos ay itinulak ako palapit sa kanya. Ang bango bango niya...

Malungkot. Bakit ganoon, ang mga amoy, hindi rin nakakalimutan? Ayokong alalahanin. Imagine-in ko na lang ano... na habang naglalakad kami papunta sa sinehan, nakakasalubong namin si SpongeBob, si Mickey Mouse, si Donald Duck.

Nakarating kami sa sinehan. Siya ang pumili ng pelikula. Marvel movie. Madilim sa sinehan, pero kita ko pa rin sina Bugs Bunny. Naroon din si Tweety Bird, lumilipad. Binalak siyang barilin ni Yosemite Sam. Pero si Sylvester the Cat ang natamaan.

Basta gusto kong idistort ang mga detalye. Gusto kong malito sa kung ano ang pinangarap ko lang at ano ang totoong nangyari.

"Pero ikuwento mo pa rin," sabi ni Ariston. "Ikuwento mo pa rin ang nangyari nang makaupo na kayo."

Inaantok ako. Ayoko ng Marvel movies. Sorry, kung Marvel fan ka.

"Oo."

Ay, Marvel fan ka? Na-offend ka?

"Ituloy mo lang."

Inaantok ako. Nahalata niya yata. Kasi mayamaya, ang sabi niya, "Sumandal ka sa balikat ko." Tinapik pa niya ang balikat. Nakangiti siya.

Hindi ako nagsalita.

"Sandal na," sabi niya. Parang ayaw niyang humindi ako. Humawak siya sa gilid ng ulo ko, marahan akong isinandal sa balikat niya. Lalo akong naamoy ang pabango niya.

Hindi na rin ako nag-inarte no'n. Humugot ako ng malalim na hininga, in-enjoy ang ginawa niya. Nakatingin ako sa screen, pero wala na akong maintindihan. Wala na akong maintindihan bukod sa katabi ko ang lalaking itinangi ko sa puso ko nang matagal na panahon.

Napakasaya ko nang araw na iyon. Masayang ala-ala iyon... masaya ding naghahabulan sina Tom and Jerry sa may sulok. Pinapatihimik ng ibang nanonood ang mga baby sa Rugrats na umiiyak. At si Tweety Bird, ayun, lumilipad na parang hindi napapagod.

Agustin and Ariston's Versions of the Universe (COMPLETE)Where stories live. Discover now