SA MOTEL kami humantong. Pero wala pa ring nangyayari. Nakaupo lang kami sa kama, nilalagyan ko ng Betadine ang kalmot niya gamit ang cotton buds. Titig na titig ako sa mukha niya at masaya na naman akong makanakaw ng sandali ng hindi niya nahahalata.
"Bawas na ba ganda?" tanong niya, pero tumawa din. "Wala namang gandang mababawas."
Hindi ako nagsalita, ngumiti lang. Nakayuko ako sa Betadine.
"Iniisip mo ba 'yong sinabi niya?" narinig kong tanong ni Agustin.
Hindi ako sumagot. Hindi ko masabing siya ang naiisip ko.
"'Wag mong isipin ang sinabi niya," sabi ni Agustin. Hinawakan ako sa pisngi, pinisil iyon na parang pinanggigigilan. "Ngumiti ka. Mas guwapo ka kapag ngumingiti."
Hindi ako ngumiti, nagiinit ang pisngi ko sa isiping naguguwapuhan siya sa 'kin.
"Sige na... ngumiti ka na o," sabi ni Agustin. Bahagyang inilapit ang mukha niya sa 'kin. Dahilan para bumilis ang tibok ng puso ko, para lalong mag-init ang mukha ko. "Ngingiti na 'yan. Papakita na niyan dimples niya. Ngingiti na 'yan..."
Hindi ko napigilan ang sarili. Napangiti din ako.
"Ayan na, may pa-dimples na si Mayor," sabi niya, tumatawang nakaturo sa dimples ko. "Ang pogi pogi..."
Napailing na lang ako. Tawa lang siya nang tawa. Tapos ay tumayo siya mula sa kama, hinila ang manggas ng suot kong T-shirt.
"'Wag na tayong malungkot," sabi niya. "Sumayaw na lang tayo."
Bago pa ako makapagsalita, binuksan na niya ang TV. Inilagay iyon sa isang music channel. Nagkataong isang upbeat Korean song ang nagpe-play.
"Tara na..." sabi niya sa 'kin. Hinawakan niya ang mga kamay ko, hinihila ako. "Sumayaw na tayo. Isayaw natin ang lungkot."
Natatawang pumayag ako. At sumayaw siya, kumanta kahit mali-mali ang lyrics niya. Wala siya sa beat, pero hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. At sa totoo lang, kahit yata panoorin ko siya maghapon, hindi ako tatamarin.
Napalitan ang kanta. "Torete," iyong version ni Moira. Sumeryoso siya. Tumitig sa mga mata ko. Sinabayan ang kanta.
"Sandali na lang... maari bang pagbigyan?" pagkanta niya, nakatingin sa 'kin. Ginagaya pa niya ang style ni Moira. Natatawa ako. "Maari bang hawakan ang iyong mga kamay?"
Pagkanta niya ng linyang na iyon ay hinawakan niya ang mga kamay ko. At handang-handa ko namang ipahawak. Kaya magkahawak ang kamay namin, habang kinakantahan niya ako.
"'Wag kang mag-alala... di ko ipipilit sa 'yo. Kahit na lilipad ang isip ko'y torete sa 'yo..." sabi niya. "Ikaw naman!"
Tulala ako sa kanya, pero natauhan. At hindi na rin napigilan ang sarili. "Ilang gabi pa nga lang nang tayo'y pinagtagpo... na parang may tumulak, nanlalamig, nanginginig na ako..."
Hindi ko alam kung bakit, pero perpektong-perpekto sa nararamdaman ko ng mga sandaling iyon ang linyang iyon. Nag-enjoy na din ako, bumirit na rin ng kanta. Nagbigayan kami ng linya. At mayamaya, nagsabay pa.
"Torete... Torete... Torete ako. Torete, ohh.. Torete..."
Nang mga sandaling iyon, parang bumabagal ang mundo. Parang hindi makasabay sa bilis ng tibok ng puso ko. Naiiwan ang mundo ng mabilis na kabog ng dibdib ko. At sari-saring emosyon ang naramdaman ko, na naluha ang mga mata ko, pero tumatawa ako. Natapos ang kanta na tumatawang humiga kami sa kama, parehong habol ang hininga. Nakatingin kami sa kisame, pinakikinggan ko ang tunog ng paghinga niya.
Ilang sandaling tahimik lang kami. Nagpapakiramdaman. Iba na ang kantang nagpe-play sa TV, pero natotorete pa rin ako sa "Torete," at sa tawa niya at sa tibok ng puso ko.
"S-salamat," nasabi ko, nabulol. Pumikit ako, ninamnam ang amoy niya sa tabi ko. "Salamat na naipagtanggol mo 'ko."
Hindi agad siya nakasagot. Pero mayamaya, sinabi niya, "Bakit ba kasi?"
"Bakit?"
"Hindi ka ba puwedeng umalis sa trabahong 'yan?" Walang panghuhusga sa tinig niya. Concern lang.
"Wala akong natapos," sabi ko.
"Eh ano naman?" sabi niya. Bumaling siya sa 'kin. "Gusto mo tulungan kita?"
Tumingin din ako sa kanya. Hindi agad nagsalita. At doon ko naisip, siguro, magandang makilala niya ako. Hindi iyong ako lang ang nakakaalam ng kuwento niya. Gusto kong malaman din niya ang kuwento ko. Gusto ko ding gumaan. Gusto kong gumaan kami ng sabay at magkunwaring maabot ang mga bituin.
Bumuntong-hininga muna ako bago ko sabihing, "Puwede ba akong magkuwento?" Dahil kung ayaw niya, ayos lang.
Napakurap siya. Pagkatapos ay sunod-sunod na tumango. "Oo, puwede."
"Sasamahan mo 'ko?" paniniguro ko. "Ikukuwento ko ito na parang nangyari sa ibang universe."
"Sinamahan mo 'ko sa mga universe na inimbento ko," sabi niya. "Kaya ikaw, sasamahan din kita kahit saan mang universe mo 'ko dalhin."
Ngumiti ako, pigil na pigil maluha. "Ikukuwento ko 'to sa universe na may super powers ang mga tao."
Tumango si Agustin, parang ine-engganyo akong magpatuloy.
"Nagsimula ito nang..."