LUMIPAS ang maraming araw na masaya kami ni Agustin. Dumating ang December, ilang araw bago mag-Pasko, nagcelebrate siya ng birthday niya. Dinalhan ko siya ng cake sa kusina. Brief lang ang suot ko, may konting whipped cream sa katawan habang bitbit-bitbit ang cake.
"Happy birthday to you... Happy birthday to you..."
Tawa siya nang tawa. Ibinaba ko sa mesa ang cake at sinabihan siya na magwish.
Pumikit siya, humiling muna bago hipan ang kandila. Ngumiti ako, lumapit sa kanya at hinalikan siya sa lips.
"O, bakit ka nanghalik?" sabi niya, natatawa.
"Sus," sabi ko, sinundot siya sa tagiliran. "Nahiya ka pa. Alam ko 'yon naman ang wish mo."
Natawa siya. Natawa na din ako. Pero sabay kaming natahimik nang may kumatok sa pinto.
"Patawad!" Natatawang sabi ni Agustin nang makabawi.
Ako ay hindi makatawa. Hindi nga ako makapagsalita. Bumilis ang tibok ng puso ko.
"Agustin..." pagtawag mula sa labas ng bahay. "Agustin..."
Nawala ang ngiti ni Agustin. Hindi ko alam kung ano ang nakalarawan sa mga mata niya. Takot? Pag-aalala?
"Si Caloy," sabi niya, lumiit ang tinig.
"Agustin, please, kung nandiyan ka, buksan mo ang pinto."
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Naglayo ako ng tingin. Si Agustin ay tumayo. Napatayo din ako. Wala kaming nagawa, nagtinginan lang. Nakatingin siya sa 'kin na para bang nagpapaalam. Gusto niyang buksan ang pinto.
"Ariston..." sabi niya. Sa pagtawag niya sa 'kin, nasabi na niya ang gusto niyang sabihin.
Tumango na lang ako at pinanood siyang maglakad palabas ng kusina para puntahan ang pinto. Hindi ako tuluyang sumunod pero lumapit din ako, tinanaw siya. Sa pinto ay ilang segundo ding hindi kumilos si Agustin, na para bang tinitimbang kung tama ang gagawin niya.
Gusto kong sabihing mali. Pero kapag sinabi kong mali, ano'ng mangyayari?
Binuksan ni Agustin ang pinto at muntik nang matumba si Caloy na nakasandal siguro doon. Mabuti na lang at nasalo siya ni Agustin. Kumapit si Caloy kay Agustin na parang nanghihingi ng lakas at inalalayan siya ni Agustin na makatayo. Nagkatitigan sila at parang nawasak ang puso ko.
Sa pagtititigan nila, nakita ko ang history nila. Nakita ko ang masasayang moments nila, ang malulungkot, ang masasakit. Nakilala niya si Agustin bago ako, at mas marami silang napagsamahan. Ano'ng laban ko sa history? Wala.
"Caloy, naglalasing ka na naman," sabi ni Agustin.
Naalala ko ang kuwento niya, kung paanong siya ang sumalba kay Caloy noong panahong nalulong ito sa alak.
"Hindi ko kasi tanggap eh," sabi ni Caloy. Nakatingin kay Agustin na namumungay ang mga malulungkot na mata. Nakangiti, pero alam mong sa loob, namamatay siya.
"Ano'ng hindi tanggap?"
"Na may boyfriend ka na," sabi niya.
At bahagya akong napaatras mula sa kinatatayuan ko. Napuno ng takot ang puso ko habang nakatingin sa kanila. Paano kung itanggi ako ni Agustin, dahil wala naman kaming label? Masasaktan ako, sobra.
"Meron man o hindi, mahalaga pa ba 'yon sa 'yo?" sabi ni Agustin. Naramdaman ko ang hinanakit sa tinig niya. "Si Sabel ang pinili mo."
May bitterness sa tinig ni Agustin. May inis, may galit. Hindi naman galit ang kabaliktaran ng pagmamahal, 'di ba? Indifference. Kung galit si Agustin, ibig sabihin, may bahagi pa din ng pagkatao niya--ng puso niya na para kay Caloy.