NAKARATING kami sa rooftop ng motel. Nakatanaw kami sa mga ilaw ng siyudad. Pareho naming ginamit ang tuwalya bilang kapa. Ilang sandaling walang nagsalita sa 'min, nakatanaw lang sa mga ilaw. Dinadama ang malamig, pero alam naming polluted na hangin.
"Minsan ba, naisip mo na magsuicide?" tanong niya sa 'kin.
Hindi ako tumingin sa kanya, nanatiling nakatingin sa mga ilaw. "Hindi minsan. Madalas."
Sa sulok ng mata ko, nakita kong nagbaling siya ng tingin sa 'kin. "Hindi mo ginagawa?"
Tumango ako. "Naniniwala kasi ako na... darating ang panahon na gagaan ang lahat at makakalipad ako."
"Hindi naman talaga tayo makakalipad."
Tumingin ako sa kanya. "Pero katulad ng mga universe sa kuwento mo, puwede nating pangarapin."
Naglakas ako ng loob na hawakan ang kamay niya. Gusto kong gawin iyon. Kanina pa.
Napatingin siya sa kamay namin. Nag-angat uli ang mga mata. Nagtatanong ang mga iyon.
Pinisil ko lang ang kamay niya. "Pangarapin nating lumipad," sabi ko. Ibinaling uli ang paningin sa mga ilaw. "Pumikit tayo, tapos, imagine-in natin na nasa universe tayo na puwede tayong lumipad."
"Para naman tayong tanga," sabi niya, hindi hinuhugot ang kamay niya sa kamay ko. Natutuwa ang puso ko dahil doon.
"Malay mo, dahil dito, gumaan ang lahat," sabi ko. "'Di ba tama naman ako doon sa ikuwento mo ang lahat na parang sa ibang universe nangyari?"
Napailing ito na nangingiti. "Bahala ka na nga," sabi niya. "Pipikit na 'ko."
At pumikit siya. Pumikit siya na may ngiti sa mga labi at natulala lang ako sa kanya.
"Ano? Nakapikit ka na din ba?" sabi niya.
"Oo," sabi ko. Kahit ayaw kong pumikit. Ni ayaw kong kumurap. Gusto ko lang panoorin ang mukha niyang hinahaplos ng hiram na liwanag ng buwan. Gusto kong magsawa, kung posible nga ba akong magsawa. "Nakapikit na ako. Lilipad na tayo."
"Walang sound effect?" sabi ni Agustin, tumawa.
"Wala," sagot ko. "Imagine-in mo lang tayo, lumilipad sa ibabaw ng siyudad. Pinanonood ang mga naggagandahang ilaw. Tumatama ang hangin sa mukha natin... Ano'ng nakikita mo?"
"Bench billboard!" sabi ni Agustin, sabay tawa.
Natawa ako. "Ano pa?"
"Mga bubong ng bus," sabi ni Agustin. "Traffic. Heavy traffic."
Tawang-tawa akong lalo. "Bakit ganyan ang nakikita mo?"
"'Wag naman tayo sa siyudad kasi lumipad," sabi niya.
"Ikaw bahala," sagot ko. Pinisil ang kamay niya.
"Sa probinsiya. Nasa probinsiyua Maraming puno... Malamig ang hangin. Maaliwalas. Mabango. Sa langit, maraming bituin... puwede ko bang abutin ang mga bituin?" sabi niya, sabay tawa.
"Subukan mo."
Itinaas niya ang mga kamay niya, pero hindi bumitaw sa kamay ko. Kaya nakataas ang kamay naming dalawa. Hindi ko pa rin hinihiwalay ang tingin ko sa kanya.
"Naabot ko," sabi niya. "Naabot ko, Ariston. Naabot ko." Tumawa siya. Tapos, natigil iyon bigla. Ang kamay niyang hindi ko hawak, itinakip niya sa bibig niya. Nagsimula siyang umiyak muli. "Pakiramdam ko, naabot ko na. Pero bakit kailangan kong mahulog?"
Hindi ko gaanong naintindihan ang sinabi niya. Nag-alala ko dahil iyak siya nang iyak uli. Ginawa ko lang ang isa pang bagay na kanina ko pa gustong gawin. Hawak ko na naman ang kamay niya, kaya hinila ko siya papasok sa bisig ko. Ginawa ko iyon, iniisip na kahit paano, maiisip niyang puwede akong maging Caloy. Lahat ng ginagawa ni Caloy, kaya ko ding gawin. Hindi kami ibang-iba. Lalaki si Caloy at lalaki din ako at higit pa doon, naturuan ko siyang lumipad, natulungan ko siyang gumaan.