"ANO BA ang totoong nangyari?"
Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon ni Dr. Mendez. Kaya kinutkot ko lang ang kuko ko at naglayo ng tingin sa kanya.
Therapist ko si Dr. Mendez. Isa siyang overweight na middle aged woman na parang laging may simpatya sa tinig.
"Si Caloy ang totoong pinili niya," sabi ko. Patuloy ako sa pagkutkot ng kuko ko, kahit wala naman iyong dumi. "Alam ko na hindi 'yon ang unang sinabi ko sa inyo, pero kasi..."
"Masakit sabihin ang totoo," sabi sa 'kin ni Dr. Mendez sa malumanay na tono.
Tumango ako. Nagsimulang magpatakan ang mga luha. "Tinuruan ako ni papa," sabi niya. Nanginginig ang tinig ko. Hindi pa rin ako makatingin sa therapist. "Kapag malungkot ako, ang sabi niya, gumawa ako ng ibang universe."
"Ano ang mga nangyari sa universe na inimbento mo?" tanong niya.
Hindi agad ako nakasagot. Mabigat pa rin ang dibdib ko. Halos kinakapos ako ng hininga.
"Kung hindi mo kayang sagutin, maiintindihan ko," sabi ni Dr. Mendez.
"Sa ibang universe, hindi ako biktima ng rape."
Hindi nakapagsalita si Dr. Mendez.
"Sa ibang universe, perfect ang samahan ni Papa at ni Kuya Kenneth. Nagmamahalan talaga sila. Sa ibang universe, hindi ako pinupuntahan ni Kuya Kenneth sa kuwarto ko kapag wala si papa, para... para..." Hindi ko na madugtungan ang sasabihin ko. Hindi na matigil ang pagpatak ng luha ko. Ngayong araw, nakorner na ako ng mga pekeng universe na inimbento ko sa isip ko. Nagiging malinaw na sa 'kin ang totoong nangyari.
"Sa ibang universe ba..." Parang ingat na ingat si Dr. Mendez na bitiwan ang mga salita. "...naging masama si Agustin sa 'yo?"
Umiling ako. "Hindi," sabi ko. Tapos ay sunod sunod pang iling. "Pero ang totoo niyan, may nangyayari talaga sa 'min palagi. Sinabi ko lang sa 'yo na wala, na pinupuntahan ako ni Agustin sa bar para lang kuwentuhan. Pero meron talagang nangyayari. Nagkukuwento lang siya sa 'kin pagkatapos naming magsex."
Bumuntong-hininga si Dr. Mendez. Sumandal sa couch niya. Naglayo siya ng tingin. Nakita kong kumurap-kurap siya, parang pinipigilang may mamuong luha sa mga mata.
"Pero iyon lang ang iniba ko sa kuwento ko sa 'yo," sabi ko pa. "Kasi mabait talaga si Agustin. Tinulungan niya talaga ako, nangarap talaga kami na lumipad..."
"Sa universe na nasa isip mo... pinili ka niya sa huli?"
"Oo," sabi ko, suminghot. Tapos ay hindi agad nakapagsalita, napahagulgol na lang. Ilang minuto din ang dumaan bago makabawi. "Pinili niya ako. Mahal niya ako, eh."
At alam kong kasinungalingan iyon, kaya hindi ko na matiis na isubsob ang mukha ko sa mga kamay ko at umiyak.
Ano na ang nangyari sa 'kin? Nang mawala si Agustin, nagkukunwari akong nakakausap ko siya. Sa isip ko, nagsearch na kami ng pangalan ng baby kahit hindi naman. Ako lang ang gumawa niyon. Pumupuslit ako sa apartment, dumudungaw sa bintana nila, pinapanood siyang matulog. Para 'kong gago na ipagtatabuyan ni Caloy. Parang aso. Parang asong may galis na nilalangaw. At nagkukunwari akong nakakausap ko pa si Agustin sa phone. Ano na ang nangyari?
Umiyak ako nang umiyak. Hindi ko alam kung kailan ako huminto. Basta nang manakit na ang mga mata ko at nanunuyo na ang mga labi ko, puro hikbi na lang ang lumabas sa bibig ko.
"Ariston..." sabi ni Dr. Mendez. "Ano ang narealize mo na dapat mong gawin? Tingin mo ba... tingin mo ba kailangan mo pang mabuhay sa universe na kung saan pinili ka ni Agustin?"
Tumingin ako sa kanya, dinilaan ang nanunuyot na labi. Umiling ako. "Hindi na," sabi ko. "Kailangan harapin ko ang katotohanan."
Walang emosyon sa mukha ni Dr. Mendez, pero tumango siya.
"Kaso..." sabi ko, napuno ng pag-aalala ang tinig. "Paano ko haharapin ang katotohanan? Paano ako magsisimula uli?" sabi ko.
May ngiting sumilay sa mga labi ni Dr. Mendez. Munting ngiti lang iyon, ngiti ng pakikisimpatya, ngiting umaasa na mabibigyan ako ng pag-asa. "Unti-unti, Ariston," sabi niya. "Dahan-dahan."
Hindi ako nakapagsalita.
"Isipin mo na lang... ngayon may trabaho ka nang maganda. Wala ka na sa bar. Isa na iyong magandang simula."
Napakurap ako sa sinabi niya.
"At mahalaga man ang pag-ibig na galing sa iba, mas mahalaga pa din ang pag-ibig na galing sa sarili..."
Nagyuko ako ng ulo. "Hindi ko pa siya kayang kalimutan."
"Panahon ang gamot sa lahat ng sugat, Ariston," sabi pa niya. "Kailangan mo lang ng panahon. At balang araw, tingin ko, mas maganda na ang katotohanan mo, kaysa ang mga universe na nasa isip mo. Kailangan mo lang maghintay, Ariston. Kailangan mo lang..."
"Maniwala," dugtong ko sa sasabihin niya. "Kailangan ko lang maniwala."
Ngumiti siya sa 'kin, mas malawak na kaysa sa ngiti niya kanina. "Tama. Kailangan mo lang talagang maghintay at maniwala."
WAKAS