NANG umuwi ako ng bahay, galit na galit ako. Halos hindi ako makahinga. Gusto kong itanong sa papa ko kung totoo bang bakla siya. Pero wala siya, nasa trabaho. Si Kuya Kenneth lang ang nakita ko, nasa sala, nanonood ng TV.
Ngumiti siya sa 'kin. "Kumain ka na?" sabi niya sa 'kin. "Nag-iwan ang papa mo ng ulam."
Nakatingin ako sa kanya, tumataas-baba ang balikat. Nagtatagis ang mga bagang 'ko.
Nagsalubong ang kilay niya, nagtaka. "May problema ba?"
Hindi ako nakapagsalita. Napipi ako. Kung ano-ano ang naisip ko. Boyfriend ba siya ni papa? Bakla ba si papa? Totoo ba ang sinasabi ni Jomari? Tinitira ba niya si papa sa puwet? Sinusubo ba ni papa ang ari niya? Paano nagagawa ni papa iyon?
Pero hindi ko pa din magawang magtanong. Nagtungo ako sa kuwarto ko. Isinara iyon. Ini-lock.
Hindi ako makahinga. Gusto ko ng dumating ang balang-araw. Pero alam kong imposible. Matagal pa ang balang-araw.
Napatingin ako sa kama. Sa kumot. Kinuha ko iyon. Isinuot ko ang kumot, ginawa kong kapa. Nagkunwari akong lumilipad, nagbabaka-sakaling gagaan ang lahat. Pero hinihila ako pababa ng takot.
NAGING malamig ang pakikutungo ko kay papa. Halos hindi ko na siya kibuin. Mabibilang sa daliri ng dalawang kamay ang mga salitang nasasabi ko sa kanya sa isang araw. Hindi ko na sila sinasabayan sa pagkain, dahil paano kung maglambingan sila sa harap ko? Kapag gabi na, nakatayo ako sa harap ng pinto ng silid nila, kung ano-ano ang naiisip.
Isang Sabado ng gabi, mag-isa lang ako sa kuwarto, naglalaro ng game sa cell phone nang makarinig ako ng katok.
"Puwede bang pumasok?" tanong ni Kuya Kenneth.
Umoo ako, kasi wala naman akong choice. Bumukas ang pinto. Nakangiti siya, lumapit sa 'kin. Umupo siya sa kama. Tinalikuran ko siya.
"Nasasaktan ang papa mo sa pag-iwas mo," sabi niya.
Nagkunwari akong hindi ko naririnig ang sinasabi niya.
"Madalas niya akong iniiyakan dahil sa 'yo," sabi pa. "Kapag gabi."
"Ang ingay mo," sabi ko lang sa kanya.
"Alam namin na alam mo na," sabi pa niya.
Nakaramdam ako ng galit sa sinabi niya. Kung ganoon, totoo nga. Totoo nga ang tsismis. Napadiin ang hawak ko sa cell phone.
"Sana maintindihan mo ang papa mo--"
Humarap ako sa kanya, pinangingiliran ng luha ang mga mata. "Hindi ko maintindihan!" sigaw ko. "Hindi ko maintindihan!"
"Nagmamahalan kami," sabi ni Kuya Kenneth.
"Pero pareho kayong lalaki," sabi ko. Umiling. Sige sa pagpatakan ang mga luha. "Pareho kayong may ano."
"Pareho din kaming may puso."
Natawa ako sa sinabi niya. Pero patuloy sa pagpatak ang mga luha. Pinunasan ko ang mga iyon, kasi baka sabihin niya bakla din ako. Hindi umiiyak ang lalaki, sabi nila. Tiningnan ko siya nang masama. "Hindi mo mapapalitan si mama."
Bumuntong-hininga si Kuya Kenneth. Napailing. "Hindi ko siya papalitan, Agustin," sabi niya. "Hindi ko siya kayang palitan."
Hindi ako sumagot. Tumataas-baba ang balikat ko.
"Minahal niya ang mama mo," sabi niya sa 'kin. Titig na titig sa mga mata ko, parang gustong maintindihan niyang ipaintindi sa 'kin ang sinasabi niya. "Minahal niya ang mama mo, kaya hindi ko siya kayang palitan. Iba ako, iba ang mama mo. Parehong pagmamahal ang tawag, pero magkaiba."