AKO ANG pinili niya. Hindi ako makapaniwala, ako ang pinili niya. Ilang segundo akong tulala lang doon, ako ang pinili niya!
Napatayo ako, napaupo, napatayo uli. Hindi ko alam ang gagawin. Napapakurap ako, iniisip na baka nananaginip lang ako. "Totoo ba?" sabi ko.
"Oo," sabi ni Agustin, sinamahan ng tango. "Ikaw ang pinili ko."
"Pero... bakit ka nagsosorry kanina?"
"Sorry na... sorry na hindi ko nabigyan ng label kung ano ang meron tayo. Pero ngayon, handa na akong magkaroon tayo ng label. Kasi nang dumating si Caloy, narealize ko na... mahal din kita, Ariston. Dito at sa iba pang universe."
Doon na ako napangiti, pero naluluha pa din. Agad ko siyang nilapitan at niyakap. Hinalikan siya sa pisngi, sa lips, sa leeg. Hindi makontento. Tumatawa naman siya, hinahayaan akong halikan siya.
Sa gitna ng paghalik ay naiyak na naman ako, this time dahil sa kasiyahan, na naramdaman niya ang mga luha ko sa leeg niya.
Kumalas siya sa 'kin, hinawakan ako sa pisngi. Pinakatitigan ako. "Ariston... mula ngayon mabubuhay tayo sa universe na masaya. At sa universe na 'to, magkasama tayo hanggang dulo."
Ngumiti ako, umaagos ang mga luhang pinupunasan niya. Hinalikan niya ako nang matagal at natawa siya nang maramdaman na nagkakaroon ng reaksyon ang katawan ko.
"May nangungulit ah," tatawa-tawang sabi niya.
Natawa din ako. "Ikaw kasi, eh."
"Paano ako makakabawi?"
"Halikan mo daw," sabi ko.
Nang gabing iyon nang kaarawan ni Agustin, ang hiling ko ang nagkatotoo.
HINDI pa rin ako makapaniwala na ako ang pinili niya. Kapag nasa trabaho ako, naiisip ko pa rin siya at napapangiti ako. Boyfriend na niya ako. Boyfriend ko na siya. At siya na ang una at huli ko. Naniniwala ako doon.
Kapag nakakauwi ako ng bahay, natutulog pa din si Agustin. Kapag ganoon ay papanoorin ko siyang matulog habang nakangiti. Mangangati ang kamay kong hawakan siya, halikan, gisingin para sabihing gusto kong may mangyari sa 'min, pero hindi ko gagawin. Para siyang anghel kapag natutulog kaya papanoorin ko lang siya.
"Mahal na mahal kita, Agustin," ibubulong ko sa hangin.
At kapag ngumiti siya, umaasa ako na ako ang napapanaginipan niya.
"GUSTO ko ng magka-baby," sabi ko kay Agustin nang magkadate kami. Kumakain kami sa isang mamahaling restaurant. Almost eleven na rin ng gabi.
Huminto siya sa pagkain at pinakatitigan ako kung seryoso ako. Tapos ay natawa siya. "Uy, in case lang na 'di mo alam ah? Wala akong matris."
Tumawa ako. Tapos, tinapik siya sa pisngi. Ano pa ang aasahan kong sasabihin niya? Of course babarahin niya ako. "Malay mo? Itry natin baka magkaroon ng himala."
Kumuha siya ng broccoli at hinagis iyon sa 'kin. "Gagi," sabi niya.
"Pero ayaw mo ba?" sabi ko sa kanya.
Nakangiti siya, parang tinatantiya ang sarili. "Gusto ko na din siguro," sabi niya. "Kaso paano?"
"Mag-ampon tayo."
"Good luck," sabi niya. "Nasa Pilipinas tayo. Mahirap 'yan."
"Magnakaw na lang tayo ng bata."
Tumawa si Agustin, malutong. Masaya ako na pakinggan ang tawa niya. Nitong mga nakaraan, madalas ko nang naririnig ang tawa niya. Para iyong blessing sa 'kin.