8: SA UNIVERSE NA NAKAKAPASOK ANG CARTOON CHARACTERS 2

72 8 1
                                    


AT NASUNDAN iyon ng isa pang date. At isa pa. Hanggang sa parang nakasanayan na. Iyong hindi na dapat itanong na, "Libre ka ba sa Sabado?" ang tanong na lang, "Saan tayo pupunta?" Parang requirement na. Parang kailangan nang mangyari o mag-iiba ang pag-ikot ng mundo.

Lumipas ang ilang buwan na laging ganoon. Masaya.

Minsan, kasama pa namin si Ralph, ang baby niya. Isinasakay namin doon sa maliit na carousel, hawak namin pareho para hindi mahulog. Hindi naman takot si Ralph, tawa pa nga nang tawa. Matatawa din kami, magkakatinginan.

Sa isang sulok, masayang-masaya ding naglalaro si Dora the Explorer, Spanish nang Spanish ang tinamaan ng magaling. Naglalambitin si Boots sa mga railing.

Tapos, minsan, nag-grocery kami, kalong ko si Ralph habang tinutulak ni Caloy ang shopping cart.

"Puwede naman na sa solid food si baby eh," sabi ko. "Dito tayo sa mga baby foods."

Pupunta kami sa aisle ng baby food. Maraming naroon din na mag-asawa kasama ang mga anak nila, pati na 'yong pamilya sa The Incredibles.

"Ang galing mo mag-distort ng mga alala," natatawang komento ni Ariston.

Napapatingin sila sa 'min, napansin ko na. Pero hindi napansin ni Caloy.

"Eto kayang flavor na 'to, magustuhan ni baby?" sabi ni Caloy, kumuha ng garapon ng Gerber. Peach flavor yata 'yon. O pear. Hindi ko na maalala.

"Hindi ko alam. Saka malaki masyado 'yan, baka kapag hindi niya nagustuhan, masayang."

"Malay mo magustuhan," sabi niya sa 'kin.

Tinaasan ko siya ng kilay. "Eh kung hindi magustuhan? Ikaw ang uubos?"

Ngumiti na lang si Caloy. "O, sige, ikaw na mamili para kay baby," sabi niya. Tapos ay dumukwang para kausapin si Ralph. "Masungit, 'no?" sabi niya na parang nagsusumbong, itinuro ako. "Buti na lang cute."

Napasinghap ang mga mag-asawa sa paligid namin, pati na 'yong pamilya sa The Incredibles. Napatingin tuloy kami sila sa kanila. Titig na titig sila sa 'min, para kaming mga nilalang na sa ibang planeta nanggaling.

"Hindi ko po siya--" Magpapaliwanag sana ako kaso inakbayan na ako ni Caloy.

"Oo, may baby kami," sabi niya sa lahat, ngiting-ngiti. "Mag-asawa, natural magkaka-baby. Nabuntis ko siya. May angal ba kayo?"

Naglayo ng tingin ang lahat, nagkunwaring tumitingin muli ng bilihin. Kasama na 'yong pamilya sa The Incredibles.

Hiyang hiya naman ako. Kinurot ko si Caloy sa tagiliran.

"Lakas ng trip mo," pabulong na sabi ko sa kanya. "Kung ano-ano ang pinagsasabi mo."

Tumawa lang si Caloy, bago pa-cute na kumindat sa 'kin. "Sungit mo," sabi niya. Tapos ay tumawa lang uli.

At... natawa na din ako.

Natapos ang pamimili namin na masaya kaming dalawa.

LABING-ISANG buwan na siguro si Baby Ralph nang isang Sabado ng gabi, iyak siya nang iyak at hindi tumatahan. Nasa isang retreat ang mga magulang ni Caloy kaya sobra siyang natataranta. At dahil ako ang naroon, ako ang tumulong sa kanya.

Ipinasa niya sa 'kin, ipinapasa ko sa kanya, pero hindi tumatahan si Ralph. Kulay pula na ang mukha niya sa kaiiyak. Mainit din ang katawan. May lagnat.

Si Caloy din ay maluha-luha na. "Baby, ano ba'ng problema? Sssh, baby, tahan na..." Halatang-halata ang pag-aalala niya sa anak niya. Doon, medyo humanga ako sa kanya.

Agustin and Ariston's Versions of the Universe (COMPLETE)Where stories live. Discover now