21: SA UNIVERSE NA PUWEDENG MAG-UNINSTALL NG FEELINGS

78 9 3
                                    


SABI ni Elizabeth Kubler Ross, may five stages ang grief. Una, denial. Hindi ka pa makapaniwala, pakiramdam mo hindi totoo. Sunod, anger. Mapupuno ka ng galit: sa nawala sa 'yo, sa sarili mo, sa mundo. Ang pangatlo, bargaining. Pang-apat, depression. Iyong bahaging iiyak ka, iyong bahaging matagal at pinakamahirap. Huli, acceptance. Pero hindi porket tanggap mo na, masaya ka na.

Ako, dinaanan ko ang lahat ng stage na 'yan bukod sa acceptance. Mahirap pang tanggapin ang lahat. Gusto ko pang lunurin ang sarili ko sa luha, lumangoy sa kalungkutan.

Hindi ko makalimutan, iyong nakipagbargain ako. 'Yong third stage, doon ka na kawawang-kawawa, eh. Doon ibababa mo ang sarili mo.

At ginawa ko. Nakipagbargain ako. In the process, 'yong pride ko na natira sa 'kin, nawala din.

Umuulan nang gabing makipagbargain ako. May bagyo niyon. Nasa bahay lang ako, nang makareceive ako ng text galing sa mama ni Caloy.

Andito anak ko. Wala ung bruha. Mag-usap kayo.

Nabuhayan ako ng loob. Madalas magtext sa 'kin ang mama ni Caloy, nagsasabi sa 'kin na disappointed siya sa nangyari, pero wala ding magawa.

Nagpunta agad ako sa banyo, hinilamusan ang mukhang maya'tmaya dinadaanan ng luha. Namamaga ang mga mata ko, pero ayos lang. Nagpunta ako sa kuwarto, nagbihis. Kumuha ako ng payong at lumabas ng apartment, sinagasa ang ulan. Malakas at malamig ang hangin, pero ayos lang. Kumukulog at kumikidlat, pero ayos lang. Kailangan kong makausap si Caloy.

Nakarating ako sa bahay nila. Mukhang sakto lang ako dahil palabas siya ng bahay, may dalang payong. Pauwi na siguro siya sa apartment ni Sabel.

Natigilan ako doon, hawak ang payong ko. Tulala ako sa kanya na 'di ko na alintana na pumapatak sa balikat ko ang tubig na bumabagsak sa payong. Nakatingin siya sa 'kin, nakabukas ang payong niya, inililipad ng hangin ang ilang hibla ng buhok niya. Sa ilaw sa harapan ng bahay nila, nakita kong may awa sa mga mata niya.

Ngumiti ako, ngiting pilit. Humakbang ako palapit sa kanya. Isang linggo ko na din silang hindi nakikita.

"K-kumusta?" sabi ko.

Tumingin lang siya sa 'kin tapos ay tumango. Katahimikan pagkatapos, ang maririnig lang ay ang patak ng ulan.

"Si Ralph? Kumusta siya? Namimiss ko siya. Hindi ba niya ako hinahanap?" sabi ko. Umaasa akong hinahanap ako ng bata. "Naiwan niya iyong stuffed toy niyang panda sa bahay. Gusto niyang matulog na katabi 'yon. Gusto mo ba, balikan ko."

"Tama na, Agustin," sabi ni Caloy. Parang awang awa siya sa 'kin pero parang firm din siya sa pagsasabi na iyon nga, tama na.

Naramdaman kong nag-iinit ang mga mata ko. "Ano'ng tama na?" sabi ko, tumawa nang bahagya. "Paano mo nasabing tama na?"

"Maraming salamat sa lahat ng nagawa mo," sabi ni Caloy. "Pero tama na."

Nalukot na ang mukha ko, hindi na napigilan ang mga luhang pumatak. "Ano'ng tama na? Paki-explain. Kasi, hindi ko na alam kung anong nangyari."

"Agustin..."

"Bakit parang ang sama ko? Bakit lumabas na ako ang nang-api?" sabi ko, suminghot, pinunasan ang mga luha. Tuloy-tuloy pa din ang pagpatak ng ulan, kasabay ng mga luha ko. "Naging masama ba 'ko, Caloy? Bakit parang ako pa ang may kasalanan?"

Hindi nakapagsalita si Caloy. Naglayo lang siya ng tingin.

"Tama siya," sabi ko. Basag na basag na ang tinig. "Kaya kita kinunsinti, kasi takot akong maiwan. Pero masama na ba 'kong tao no'n, Caloy? Dapat na ba akong balewalain na lang basta-basta?"

Agustin and Ariston's Versions of the Universe (COMPLETE)Where stories live. Discover now