9: TOTOONG UNIVERSE, UNIVERSE NA AYAW SA MGA BAKLA

74 9 0
                                    


"SOBRANG saya ko kasi no'n. Tears of joy," sabi ni Agustin. Ngiting-ngiti, parang wala sa tabi ko at bumalik sa nakaraan, sa bisig ng kanyang mga alala. "Akala ko, noong mga panahong iyon, okay na ang lahat. Hindi na gugulo ang lahat."

"Never namang naging okay ang buhay," sabi ko. "At palaging gugulo ang lahat."

Nilingon niya ako. Tinitigan. Tapos, tumango siya. "Siguro nga."

Ngumiti ako. Hindi matiis na punasan ang bakas ng luha sa pisngi niya. "Pangarapin na lang nating lumipad."

At nagtungo kami uli sa rooftop ng motel, nakasuot ng tuwalyang ginawang kapa, magkahawak ang mga kamay, nakatanaw sa mga bituin at nangrap lumipad.

Nakapikit si Agustin pero titig na titig ako sa kanya, kasi doon ako nakakanakaw ng sandali na hindi mahahalata, doon ko naitatatak sa isip ko bawat detalye ng kanyang mukha.

Tuwang-tuwa siya, lumilipad daw sa palibot ng Eiffel tower, mimumura ang pagmamahal. Kung wala naman daw magmamahal, walang komplikasyon. Kaya putang-inang pagmamahal 'yan, pati na lahat ng naniniwala diyan.

Nang matapos siya sa pangangarap na paglipad ay idinilat niya ang kanyang magagandang mata. Tumatabing ang ilang hibla ng kanyang buhok sa kanyang mukha. Hindi ko natiis na hindi hawiin iyon at natigilan siya, nakatitig din sa 'kin.

"Nagpasalamat na ba ako?" sabi niya sa 'kin.

"Para saan?" sabi ko.

"Kasi, dahil naikukuwento ko na ang nangyari, talagang gumagaan ang pakiramdam ko. At... totoong nakikinig ka sa 'kin."

Hindi agad ako nagsalita. Umasang hihipan ulit ng hangin ang buhok niya, para hawiin kong muli.

"Hindi mo na kailangang magpasalamat," sabi ko mayamaya.

Ngumiti siya at tumango. "Ikaw, sa isip mo, saan ka lumipad?"

Pinakatitigan ko siya sa mga mata bago sumagot. "Hindi kita iniwan. Katabi mo 'ko," sabi ko. "Lumipad din ako sa palibot ng Eiffel tower, minura din ang pagmamahal."

Natawa siya sa sinabi ko. At binigyan ako ng isang mabilis na halik sa pisngi. Parang nabigla din siya sa ginawa niya. Kaya sabi agad niya, "Hala, sorry."

Ngumiti lang ako. Pakiramdam ko, noong mga sandaling iyon lang ako nakalipad.

"NAPAKAARTE mo naman! Bakit ayaw mong magpa-take home? Bibigyan na nga ikaw ng 2k."

Nagtimpi akong sapakin ang payat na baklang katable ko ngayon. Galit na galit siya nang sabihin kong hindi ako magpapauwi. Namula pang lalo ang mukha niyang puno ng pimples. Nakataas ang brown niyang kilay sa 'kin, minamaliit ako.

"Ayoko pong magpa-take home," sabi ko. Nagtatagis ang bagang, naglayo na lang ng tingin sa kanya.

"Problema sa inyong mga lalaki, ang aarte n'yo," monologue pa ng bakla. "Naliliitan ka pa ba sa 2k? Wala ka namang gagawin, bubukaka ka lang."

Hindi na lang ako nagsalita. Dahil ayaw ko talagang magpauwi.

"Ayoko po talaga," sabi ko.

"Bakit nga? Magaling ako, gago."

"Ayaw ko po," tigas tanggi ko.

"'Tang-ina, tumatanggi ka sa kostumer? Ganyan ba mga lalaki dito?" sabi niya, tumataas na din ang tinig. Nahampas pa niya ang mesa, siguro sa sobrang lungkot at pangangailangan. "Nag-iinarte ka pa!"

"Eh sa ayaw ko nga, eh!" hindi ko na rin mapigilang magtaas ng tinig. Napapalingon na sa 'min ang mga nasa kabilang mesa. Nagtawanan ang ibang bakla na yakap yakap ng mga kasamahan ko, parang naawa na ewan sa baklang kasama ko.

"Eh putang-ina, napunta pa ko sa maarteng pokpok!" gigil na sigaw ng baklang nagtable sa 'kin. Mukhang gusto talaga niyang mag-eksena dahil hinagis niya ang bote ng alak sa mesa niya.

Nanggigil na rin ako sa salitang ginamit niya. "'Wag mo kong tawaging gano'n!" sabi ko. Taas-baba ang dibdib ko sa galit. Nakatingin na ng matalim sa bakla.

"Patawa ka?" sabi ng bakla, tumayo na, para siguro mas makakuha ng atensyon. Dinuro-duro niya ako habang nandidilat ang mga mata. "Bakit, ano ka bang hinayupak ka? Anghel? Tang-ina nakakahiya naman sa 'yo. Pokpok ka! Pokpok! Nagmamalinis ka pa, eh pokpok ka naman talaga--"

Nagulat na lang ako nang biglang may lumapit sa kanya, hawakan siya sa balikat. Bumaling siya sa lumapit at hindi niya inaasahan na may platong tatama sa mukha niya. Napaatras siya, muntik nang tumumba sa sahig

Lahat ng galit ko ay biglang nawala. Lalo pa nang makita ko kung sino ang lumapit. Si Agustin.

Nakangiti siya, pero kita ko ang panggigigil sa mukha niya.

"Putang-ina, ano'ng ginawa mo?" sigaw ng bakla. Ang cake na nasa plato ay nasa mukha nito. Sige ito sa pagpunas niyon.

"Ang ingay mo kasi bakla," sabi ni Agustin. "Pinapabaho mo 'tong lugar."

"Aba, puking-ina mo--" Hindi na tinapos ng bakla ang sasabihin. Sinugod na nito si Agustin. Pinagsasampal. Hindi naman nagpatalo si Agustin, sinampal-sampal din niya ang bakla. Ang iba pang bakla sa paligid, tilian nang tilian.

Nang makita ko na nakakalamang ang bakla kay Agustin, tumayo ako para umawat. Hindi na lang kasi nanampal ang bakla, nanapak na ito. Si Agustin ay hindi makalaban... Hanggang sa hindi ko inaasahan, mabillis niyang inangat ang paa at sinipa ang harapan ng pantalong suot ng bakla.

Napasigaw ang bakla, napahawak sa maselang bahagi ng katawan. Tumumba siya sa mesa, nabasag ang mga platong naroon.

"O ano?" sabi ni Agustin, tapos ay tumawa ng malakas. "Nadale ka sa itlog 'no?"

"Bounsher! Bounsher!" tili ng baklang naka-braises.

Dumating naman ang bouncer. Nagawang mapaglayo ang dalawa. Gigil na gigil ang bakla kay Agustin. Si Agustin naman ay ngiting-ngiti lang, habang hinihila ng bouncer palabas ng bar.

NAGBIHIS agad ako, at nagmamadaling lumabas ng bar. Inaasahang maabutan si Agustin. Naroon naman si Agustin sa gilid lang ng bar, katabi ng mga makukulay na ilaw. Sapu-sapo niya ang mukha niya na tingin ko ay nasaktan.

Mabagal ang hakbang na lumapit ako sa kanya. Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang mga mata namin. Ngumiti siya. "Ayos ba?" sabi niya.

Hindi ako nagsalita. Lumapit na ako nang tuluyan sa kanya para makita ko ng malapitan ang mga sugat niya. Namumula ang mukha niya, kitang-kita kahit kulay kahel ang ilaw na humahaplos sa mukha niya. Meron din siyang kalmot sa kaliwang pisngi. Pero nakangiti siya at parang kumikislap ang mga mata at bigla, gusto ko siyang halikan.

Hindi ko alam ang sasabihin. Kaya isa na lang ang ginawa ko. Niyakap ko siya. At hindi ko siya pinakawalan. Hindi ko kaya at hindi ko gusto. Nang gabing iyon, gusto ko, hindi ko siya pakawalan. Nang gabing iyon, kahit kunwari lang, akin siya.

Agustin and Ariston's Versions of the Universe (COMPLETE)Where stories live. Discover now