PAKIRAMDAM ko, walang pinagkaiba sa bahay namin ang gabi at umaga. Parehong madilim. Malungkot.
Si Papa ay hindi na nakakapasok sa trabaho. Ako ay halos hindi na rin makapasok sa eskuwelahan para alagaan siya. Hanggang sa huli ay huminto na lang ako.
Nagkaroon si papa ng kumplikasyon sa baga. Tuwing gabi, tumatabi ako sa kanya sa dilim, niyayakap siya. "Ang sakit... ang sakit..." sabi niya. Damang-dama ko ang sakit na nararamdaman niya sa tinig niya. "Hindi ko na kaya, ang sakit sakit..."
Iiyak na lang si papa hanggang sa makatulog, basang-basa ng pisngi ng mga luha. Ako, matutulala na lang. Ako ang hindi makatulog. Ako ang hindi matahimik.
Minsan, naghahanda ako ng pampunas sa payat na katawan niya. May dala-dala akong palangganang may maligamgam na tubig at bimpo. Papasok na sana ako sa kuwarto nang maulinigan ko siya.
"Kunin N'yo na po ako, Diyos ko..." narinig kong sabi niya sa pagitan ng paghikbi. "Ayoko nang pahirapan ang anak ko. Kunin N'yo na lang po ako, maawa na po Kayo..."
Hindi na ako nakapasok ng silid. Nagpunta ako sa banyo. Ihinagis ko sa sahig ang palanggana. May panggigigil na pinagsasapak ko ang pader. Nang mapagod ay napaupo ako sa sahig ng banyo, isinubsob ang mukha ko sa mga palad ko at humagulgol.
'WAG KANG umiyak, Agustin.
"Hindi ko mapigilan," sabi niya. "Hindi ko ma-imagine. Hindi ko maimagine kung gaano kahirap."
Mahirap. Nagkabaon-baon kami sa utang. Naisanla ko iyong maliit na lupa at bahay namin... ganoon kahirap.
Pero, naging masaya si papa sa mga huling sandali niya. Isang gabi, nanonood kami ng pelikula ni papa sa sala ng inuupahan naming apartment--dahil wala na kaming sariling bahay, nang may kumatok sa pinto.
"Buksan mo, anak," sabi ni papa.
Tumayo ako at nilapitan ang pinto. Binuksan iyon. Ang mukha ni Kuya Kenneth ang nakita ko.
"Kuya..." nasabi ko sa kanya. Tapos ay naduwag na ang mga salita.
Ngumiti siya. Sumilip siya sa loob ng bahay na parang may hinahanap. Tapos ay tumingin uli siya sa 'kin. "Gusto ko siyang makita," sabi niya.
Tumango ako at binigyan siya ng daan. Pumasok si Kuya Kenneth at agad niyang nakita si papa. Natigilan si papa, natulala sa kanya, nagdadalawang isip siguro kung totoo ang nakita.
"Kenneth?" sabi niya, naniniguro. May pag-aalala, natatakot na ilusyon lang ang lahat. Lumunok siya. Agad na pinangiliran ng luha ang mga mata.
Tumango si Kuya Kenneth, puno na rin ng luha ang mata.
"Kenneth, mahal kita..." sabi ni papa, ngumiti. Ang pisngi niyang humpak ay parang nagkaroon ng kulay. "Akala ko hindi ko masasabi bago ko mawala, eh. Pero mahal kita, Kenneth. Mahal na mahal..."
Tumango si Kuya Kenneth, naglaglagan ang mga luha. "Mahal din kita."
Lumapit si Kuya Kenneth kay papa. Lumuhod siya sa sahig sa tapat ni papa. Niyakap niya si papa at si papa, ginamit ang lahat ng lakas para mayakap si Kuya Kenneth. Umiyak silang dalawa. Hinaplos ang mukha ng isa't-isa, parang naniniguro na hindi sila biglang magigising.
Naroon lang ako sa may pinto, umiiyak para sa dalawa.
"B-bakit ka bumalik?" sabi ni papa, nakahawak sa pisngi ni Kuya Kenneth.
"Para alagaan ka," sagot ni Kuya Kenneth. "Para tuparin ang pangako ko. Sabi ko 'di ba, sa mata man ng Diyos, kasal ka sa asawa mo... sa puso ko, kasal ako sa 'yo. 'Di ba, isinumpa ko..."