Tatlumpo

156 12 0
                                    

SINAG-
"Ipatawag si Binibining Marikit!" utos ng punong-babaylan sa mga hayohay na naroroon. Agad naman silang tumalima pagkatapos magbigay-pugay sa rajah. Mukhang ang kalatas na natanggap ko ang makapagbibigay-linaw sa kanilang lahat. Pero wala naman sigurong kinalaman iyon sa pagkalat ng lason sa sibol. Habang naghihintay kaming lahat sa pagdating ni Marikit, dinig pa rin ang ingay ng mga tao mula sa labas. Lalo na ang mga kaanak ng mga naging biktima ng lason.

“Hindi pa rin sila napapayapa. Naririnig mo ba sila Rajah Ag-ul? Uhaw ang taong-bayan ngayon, hindi sa tubig na may lason, kundi sa kapabayaan ng namumuno sa kanila!” Dalawang kampilan ang agad na itinutok ng dalawang sandig ng rajah kay Uray Gid-ang. “Matabil at mapangahas ang dila mo, babae!”
“Ibaba ninyo ang inyong kampilan!” saway naman sa kanila ng rajah. “Hindi ninyo sasaktan ang punong-babaylan”. Tahimik lang akong nakamasid sa kanilang lahat, naghihintay ng susunod na mangyayari.

Ilang sandali pa, nagbalik na ang mga hayohay na inutusang sumundo kay Marikit. Kasunod nila ang bruha, at hawak niya sa kaniyang kamay ang bagay na kinuha niya sa akin--ang kalatas. “Iyan na ba ang kalatas na kinuha mo mula kay Sinag”? tanong ni Uray Gid-ang nang makalapit na si Marikit.

“Wala nang iba pa. Ito na ang kalatas na nakita kong hawak ni Sinag. Napansin ko na ikinukubli niya ito sa kaniyang mga kamay kaya naman pilit ko itong inagaw sa kaniya upang alamin kung ano ang nakasulat dito at kung kanino ito galing. Bagamat matagal na ang pananatili ng babaeng yan sa ating puod, wala pa ring nakababatid ng lugar na kaniyang pinanggalingan. Hindi natin tiyak kung siya ay espiya ng ating mga kaaway”.

“Tumigil ka Marikit! Baka nakakalimutan mong hindi ka pa tapos magbayad sa kasalanan mo sa binibini. Kalabisan na siya ay pag-isipan mo ng masama”!

“Walang patutunguhan ang inyong mga pasaring!” putol ni Uray Gid-ang sa pagtatalo ng dalawa. “Rajah, hindi ka dapat nakikipagtalo sa iyong nasasakupan. Ikaw naman Marikit, inaatasan kita na ibalik sa may-ari ang bagay na iyong kinuha. Humingi ka rin dapat sa kaniya ng paumanhin sapagkat mali ang ginawa mong sapilitang pagkuha ng kalatas na hindi para sayo.”

Dahan-dahang humakbang papalapit sa kinatatayuan ko si Marikit. Nagpukol siya sa akin ng ngiti at saka iniabot sa kamay ko ang kalatas. “Tanggapin mo Sinag ang taos kong paghingi ng paumanhin. Inaamin kong mali ang aking ginawa.”

Wow! Ang amo niya yata ngayon ah. Bakit kaya?

“Kalimutan mo na yon! Balewala naman ito sa akin dahil hindi ko naman kayang intindihin!” sagot ko naman sa kaniya.

“Tignan mong mabuti Sinag. Iyan na nga ba ang kalatas na iyong natanggap?” tanong naman ng babaylan.

Saka ko pinagmasdang mabuti ang hawak kong kalatas. Ang disenyo, kulay at mga baybayin na nakaukit doon, mukhang parehong-pareho naman sa kalatas na natanggap ko mula kay Usbog. Hindi ako marunong magbasa ng baybayin pero parang ganito naman talaga yung nakasulat doon...o may pinagkaiba ba?

ᜉᜄ᜔ᜃ̊ᜎᜓᜐ᜔ ᜋᜓ ᜀᜌ᜔ ᜆ̊ᜌᜃ̊ᜈ᜔
ᜐᜌᜓ'ᜌ᜔ ᜏᜎᜅ᜔ ᜈᜃᜆ̊ᜅ̊ᜈ᜔
ᜐᜃᜎ̊ᜅ᜔ ᜋᜌ᜔ ᜋᜃᜉᜈ᜔ᜐ̊ᜈ᜔
ᜑ̊ᜈ̊ᜅ ᜈ̊ᜌ ᜀᜌ᜔ ᜆᜉ̥ᜐ̊ᜈ᜔

ᜀᜅ᜔ ᜄᜋᜓᜆ᜔ ᜈ ᜁ̊ᜊ̊ᜈ̊ᜄᜌ᜔
ᜐ ᜆ̥ᜊ̊ᜄ᜔ ᜋᜓ ᜁ̊ᜎᜎᜄᜌ᜔
ᜉᜃᜁ̊ᜅᜆᜈ᜔ ᜋᜓᜅ᜔ ᜆ̥ᜈᜌ᜔
ᜎᜐᜓᜈ᜔ ᜁ̊ᜆᜓᜅ᜔ ᜉ̥ᜋᜉᜆᜌ᜔.

“O-opo, ito nga po ang kalatas na ibinigay sa akin”, paniniguro ko. “Maaari mo bang ipabasa sa amin ang nilalaman ng kalatas na hawak mo”? tanong pa ni Uray Gid-ang. Hindi naman ako nagdalawang-isip na iabot iyon sa kanila. Napatingin ako sa mahal na rajah. Kita ko pa rin sa mga mata niya ang pag-aalala. Alam kong hindi siya mapalagay dahil sa gulo sa labas. Nang napatingin din siya sa akin, nagpakawala ako nang malapad na ngiti at sumenyas ako sa kaniya na ngumiti din siya na ginawa niya naman. Ganyan lang mahal na rajah. Ngiti ka lang, wala kang kasalanan. Smile!

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon