Tatlumpo't Apat

102 9 0
                                    


Sa Singhapala

Napakaraming tao ang paroo't- parito. Mayroong namimili, mayroong nakikipagtawaran at 'yung iba naman patingin-tingin lang. Sa pook na ito, pati tao maaaring ipagbili.

“Bilhin nyo na siya. Masipag siyang magtrabaho at malakas pa. Bilhin nyo na siya katumbas ng limampu!”

Napalingon ako sa matandang lalaking mangangalakal na nakatayo roon. May kasama siyang isang matabang binatang alipin at ipinagbibili nya sa halagang limampung piloncitos.

“Mataas masyado ang iyong tumbas. Bibilhin ko siya kung papayag ka sa halagang tatlumpo lamang”, pagtawad naman ng isang lalaking timawa.

Pinanlakihan siya ng mata ng mangangalakal. “Tatlumpo lamang? Ano ka, may batuk ni Bakunawa? Masyado kang barat!” maya-maya'y naging mahinahon ito. “Dagdagan mo pa ng konti at maaari mo na siyang iuwe.”

Waring nag-isip ang mamimili, “hmmp, oh sige, dahil sinabi mo, dadagdagan ko. Gagawin kong tatlumpo't isa!”

“A-ano kamo?” tila nagulat ang mangangalakal sa sinabi ng mamimili. “Ayaw mo? Huling tawad, dalawampu't siyam!”

Ngumisi ang mangangalakal, “Hehehe, siyam, mas malaki 'yon sa isa, sige pumapayag ako”.

Matapos tanggapin ang bayad na nakalagay sa supot, masaya pang nakipagkamay ang mangangalakal. “Maaari mo na siyang iuwe. Inililipat ko na sa'yo ang lahat ng karapatan sa kanya.

Napailing-iling na lamang ako. Isa siyang mangangalakal ngunit ang dali niyang malamangan sa halagang ibabayad sa kanya. Ang shunga naman nya.

“Nadismaya ka rin ba?” napalingon ako sa babaeng nagsalita mula sa likuran ko. Nagbebenta rin siya rito katulad ng iba. “Karaniwang tagpo na 'yan dito sa Singhapala.” ngumiti siya sa akin, “marami akong tindang damit, mga bagong habi, at saka mga habol at palamuti, baka may gusto ka”. Hindi ko maiwasang mapatitig sa kanya habang sinasabi niya iyon. Alam ko kilala ko siya. Dati ko na siyang nakita pero saan? Bakit hindi ko maalala? Hindi ito ang unang beses na nakita ko siya rito. Saglit akong tumigil upang makapag-isip. Sinisikap kong alalahanin kung saan ko siya nakita dati. Tama? Oo, siya nga 'yon! Nakita ko na siya dito dati.

“Ano kamo?” gulat niyang sambit dahil sa naging reaction ko.

“Nakita ko na po kayo dito dati. Nagtitinda rin po kayo ng kalatas, hindi ba? At ngayon naman mga damit ang paninda ninyo!”

“Madali ka palang makaalala. Tama, ako nga 'yon. Ito na ang pangatlong beses nating pagkikita!” isang makahulugang ngiti ang ipinukol niya sa akin. Nangunot ang noo ko pagkarinig sa sinabi niya.

“Ano kamo? Tat-tatlong beses? Hindi po ba, pangalawang beses pa lamang?”

“Tatlong beses na tayong nagkikita. Alalahanin mong mabuti kung paano ka nakarating dito!”

“Paano ako nakarating dito? Teka...hindi ba-”

“Binibini! Binibini!” napahinto ako sa pag-iisip dahil sa ingay na 'yon, parang may natawag sa akin. Nilingon ko iyon pero hindi ko siya makita.

“Binibini! Binibini, gising na po! Tanghali na po binibini, kailangan ninyo nang gumising!” malakas ang boses ng babaeng tumatawag sa akin, yung tipong parang napakalapit niya lang sa tenga ko at sa pagdilat ko ng mga mata, naalimpungatan ako sa tagpong pinagmamasdan niya ako habang pabaling-baling ang ulo ko sa higaan. Panaginip lang ba 'yon? Akala ko ay totoong naroon ako sa pamilihan. Saglit akong natigilan. Hindi mawala sa isip ko ang babaeng mangangalakal. Habang hindi pa rin ako bumabangon, inabutan ako ng puting panyo ng hayohay na gumigising sa akin.

“Para saan ito?”

“Ah, pamunas ninyo po binibini!”

“Pamunas? Para saan naman?”

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon