ika-siyam na kabanata: "Silo"

515 43 1
                                    


Nahaharap sa pagsubok
Ng kumukulong palayok
Batong iyong inihulog
Doon ikaw ang dadampot

Rajah Ag-ul~

"Hanapin ninyo si Sinag. Ipagbigay-alam sa lahat na handa akong magbigay ng pabuya sa sino mang makapagtuturo ng kaniyang kinaroroonan."

Inutusan ko ang aking umalohokan, nang sa gano'n ay agad na matagpuan ang aking gabay. Nangako akong pangangalagaan ko siya. Siya ang nagligtas sa aking buhay. Hindi siya maaaring mawala.

"Wala ang kaniyang katawan sa mga bangkay ng sandig na aming inilibing."

"Ba-bangkay? Iniisip ninyo ba'ng patay na si Sinag?" mabilis na kumulo ang aking dugo sa sinabi ng pangahas na sandig na nakatayo sa aking harapan kasama ng iba pang mga sandig. Ilang araw at ilang gabi na rin ang ginugugol nila sa paghahanap ngunit bigo silang masumpungan ang pakay.

"Paumanhin, mahal na rajah", lumuhod sila sa aking harapan "umasa kayong ipagpapatuloy namin ang aming paghahanap hangga't hindi namin natatagpuan ang bangkay-i-ibig kong sabihin, si Sinag na buhay at ligtas!" nang sabihin nila iyon ay saka ko sila pinahintulutang makaalis upang ipagpatuloy ang paghahanap sa aking gabay. Kailangan ko siyang matagpuan sa lalong madaling panahon, upang matiyak na siya'y ligtas.

Author~

"Makinig ang lahat! Sino man sa inyo ang makapagtuturo sa kinaroroonan ng sandig na dayo ay makatatanggap ng karampatang pabuya mula sa ating mahal na rajah!" pahayag ng umalohokan sa lahat ng naninirahan sa puod. Mabilis na umugong ang bulong-bulungan tungkol sa pagkawala ni Sinag, dahil dito.

"Ano? Handang magbigay ng pabuya ang mahal na rajah para sa walang halagang sandig na iyon?" naihampas ni Marikit nang malakas ang kaniyang dalawang kamay sa dulang, nang iulat sa kaniya ng isang alipin ang balita mula sa umalohokan.

"Iyan ang aking narinig na pahayag ng umalohokan, Binibining Marikit. Nais ng rajah na agad na matagpuan ang nawawalang sandig."

"Ngunit tunay nga kayang nawawala si Sinag? O baka naman sinamantala niya ang pagkakataong tumakas habang nakikipaglaban ang mga kapwa niya sandig sa mga mangangayaw." puno ng pagdududa ang tinig ni Marikit.

"Ngunit, sa ano'ng kadahilanan? Maayos ang naging pagtanggap sa kaniya ng ating rajah at hindi siya itinuring na iba kahit pa siya ay isang dayo lamang sa ating puod."

"Siyang tunay, walang dahilan upang siya'y tumakas, liban na lamang kung siya'y naduwag na lumaban sa mga mangangayaw na sumalakay, sa halip ay nagkubli siya at tumakbo papalayo." napansin ni Marikit na tila hindi sang-ayon sa kaniyang pahayag ang alipin.

"Bakit? Ano'ng iniisip mo?"

"Wa-wala po, binibini. Wala akong karapatang salungatin ang inyong paniniwala." nagyukod ng ulo ang takot na alipin.

"Kung gano'n" nagpakawala ng isang malapad na ngisi ang dalaga, "humayo ka at hanapin ang duwag na sandig. Handa kong higitan ang pabuya ng rajah, iharap mo lamang sa akin ang sandig na dayo." Naguguluhan man at tila nagdadalawang-isip ay hindi naman nagawang tumutol ng alipin sa utos ng kaniyang panginoon. Nagmamadali nitong nilisan ang tahanan ni Binibining Marikit.

Samantala, nang nakarating sa punong-babaylan ang balita tungkol sa pagkawala ni Sinag, agad siyang nagsagawa ng seremonya na makakatulong upang matukoy ang kinaroroonan ng sandig.

"Aguuuuu! Aguuuuu! Aguuuu!" sabay-sabay na pag-awit ng mga babaylan habang nagpapausok ng sunog na insenso si Uray Gid-ang. Pagkuwa'y pumikit ang matanda at umusal ng panalangin. Nang magmulat ng mata, tila nakuro na nito ang sagot na inaasam.

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon