Rajah Ag-ul
"Mahal na rajah, hindi pa ba tayo babalik? Mukhang wala naman tayong inaabangan dito!" naiinip na si Ato habang nakatambay kami malapit sa dalampasigan.
"Magmasid ka lang. Kung sino man ang makita mong kahina-hinalang tao, tiyak iyon na ang hinihintay natin."
Sigurado akong makikita ko rin ang sino mang nagtatangka na makipag-ugnayan kay Sinag gamit ang kalatas.
"Mahal na rajah, lahat ng mga sasakyang pantubig na dumarating at umaalis ay mahigpit naming binabantayan. Sumusumpa ako, wala kaming namataang kahit isa na dumaong dito at nag-iwan ng kalatas." pahayag naman ng bantay.
"Sa halip na nakatayo tayo rito at naghihintay sa wala, bakit hindi mo na lamang usisain si Usbog? Batid niya ang kasagutan na iuong hinahanap."
"Kapag ginawa ko iyon, tiyak malalaman ni Sinag. Hindi ko nais na-"
"Diyata't naduduwag ka sa binibining dayo. Mahirap paniwalaan na ang isang rajah na katulad mo ay tumitiklop sa kanyang sandig."
"Ano daw? Ako? Na isang rajah? Tumitiklop sa isang babae lang? Sandali, tila masyado nang matabil ang dila ng aking atubang. Hindi ko naibigan ang kanyang pahayag. Tinapunan ko siya ng makahulugang tingin. "Ato....bawiin mo ang sinabi mo!"
"Ang sabi ko...mahirap paniwalaan! Nangangahulugan na kailangan mo munang patunayan...mahal na rajah."
Ang lapad ng ngiti ni Ato. Nakakapikon. Masyado na yata akong mabait at ni hindi na siya kinikilabutan sa pakikipag-usap sa akin.
"Kung gano'n, magtungo tayo sa balay ni Usbog. Patutunayan ko sa'yo na mali ka ng inaakala sa akin."
"Masusunod rajah."
Agad naming nilisan ang dalampasigan at bilis-bilis na naglakad patungo sa balay ng isa sa aking mga sandig na si Usbog. Nainsulto talaga ako sa mga sinambit ni Ato. Tila bumababa na ang tingin sa akin ng aking mga nasasakupan.
"Mahal na rajah!" sabay-sabay na nagbigay-pugay sa akin ang mga aliping nagsisilbi sa tahanan ni Usbog. Humudyat ako na maaari na silang tumayo. "Nasaan ang inyong panginoon?" tanong naman ni Ato sa kanila.
"Kanina lamang ay narito siya kasama ang kanyang panauhin na si Binibining Sinag. Ngayon ay...maaaring pumanhik siya sa kanyang silid." tugon ng isang magandang uripon.
"Ano? Ulitin mo nga ang iyong pahayag. Tama ba ang dinig ko? Nagtungo dito si Binibining Sinag?"
"Opo, mahal na rajah. Hindi pa nagtatagal buhat nang siya'y umalis."
"Ngunit sa ano'ng dahilan?" May pagtatakha rin sa tinig ni Ato. Siniko ko siya nang bahagya at tinapunan ng tingin na nagpapahiwatig ng "h'wag mo nang alamin pa". Tumahimik naman si Ato. Batid niyang kanina pa akong napipikon. Bakit kailangan pang magtungo dito ni Sinag? Hindi kaya....sadyang wala naman talagang nagpadala ng kalatas at ang taong nagsulat ng tula ay walang iba kundi...mismong si Usbog?
Napatingin ako kay Ato, ngunit nahuli ko rin siyang nagpukol sa akin ng tingin na tila nagpapahiwatig na pareho ang naglalaro sa aming isipan. "Malapit sila sa isa't-isa, hindi nakapagtataka kung magkakamabutihan ang dalawa", binigyang-linaw ni Ato ang kanina ko pang iniisip.
Totoo nga kaya?
Si Sinag?
At si Usbog?
Meron ng pag-uunawaan?
"Mahal na rajah!" iniluwa ng tabing na tela ng kanyang silid ang sandig na kanina ko pang nais makausap--- si Usbog. Agad siyang nagbigay-pugay sa akin. "Hindi ko sukat-akalain na magtutungo ka rito, sa payak kong balay. Natitiyak kong hindi biro ang inyong sadya."
BINABASA MO ANG
Sandig
Historical FictionSa kwentong ito, hayaan ninyong ipakilala ko si Sunshine, isang dalagang pasaway at mahilig tumakas mula sa mga bantay niya at sa istrikto niyang daddy. Makulit, sakit sa ulo at madulas pa sa palos kung lumusot kaya naman lagi niyang natatakasan ang...