Dalawampu't dalawa

382 29 3
                                    

Ang isipin ko pa lamang
Katawan mong walang-buhay
Agad akong nananamlay
Lason itong pumapatay

Sa puod ni Rajah Ag-ul

Maingat akong naglakad patungo sa kagubatan. Tiniyak kong walang ibang nakasunod sa akin at sa gitna ng sukal ay matiyaga akong naghintay. Hindi naman ako nainip sapagkat ilang sandali lamang ay naramdaman ko na ang yabag na papalapit sa lugar na aking kinatatayuan.

"Ano'ng balita? Nagawa mo ba ang ipinag-uutos ko?"

"May dumating na lalaki kanina sa dalampasigan sakay ng isang baroto. Galing daw sya sa banwa ni Datu Kalasag at mayroon daw mahalagang mensahe para kay Rajah Ag-ul."

Napataas ang isang kilay ko pagkarinig sa sinabi ng uripong inupahan ko upang maging tiktik. Mukhang ito na ang aking hinihintay. "Ano naman ang nais niyang sabihin sa rajah?"

"Paumanhin Uray Gid-ang ngunit hindi namin sya napilit na ipahayag ang kanyang sadya. Nakikiusap sya na dalhin sya at iharap sa mahal na rajah."

"Ang lakas ng loob ng lalaking iyon. Nasaan sya? Dalhin mo ako sa kanya!"

Kaagad kaming nagtungo sa dalampasigan kung saan naroon pa rin ang lalaking mensahero mula sa banwa ni Datu Kalasag. "Ikaw pala ang uripong ipinadala ni Datu Kalasag" bungad ko sa kanya nang ako'y makalapit.

"Hindi po ako isang uripon. Ako po si Tusok, isang tapat na sandig ni Datu Kalasag. Nagsadya po ako upang ipaabot sa rajah ang mensahe ng aking datu."

"Ako ang babaylan ng rajah na labis niyang pinagkakatiwalaan. Hindi kita maaaring pahintulutan na humarap sa dakilang rajah kung hindi ako nakatitiyak na mabuti ang 'yong pakay."

Hindi umimik ang binatang kaharap ko, sa halip ay inilabas nya ang isang mensahe na nakasulat sa punit na tela. Hindi ako maaaring magkamali. Ang punit na telang iyon, natitiyak kong bahagi iyon ng huling suot na damit ni Sinag. Kung gano'n, hindi ako binigo ni Tantoy. Patay na si Sinag.

Kahit hindi ko gustong ipakita na nasisiyahan ako ay kusa na lamang gumuhit ang mga ngiti sa aking mukha. Pumapanig sa akin ang langit."Ikinalulungkot ko ang hatid mong balita", sambit ko sa binata. "Maaari ka nang humarap sa rajah. Sasamahan kita."

"Maraming salamat, dakilang babaylan."

Pinangunahan ko na siya sa paglapit sa rajah upang makasiguro na wala siyang sasabihin na maaari kong ikapahamak.

Pagdating sa tahanan ng rajah, abot-tenga ang ngiting isinalubong sa akin ng rajah. "Nagsadya ka, punong-babaylan. Nangangahulugan ba ito na meron kang magandang balita sa 'kin tungkol sa binibini?" Napasulyap siya sa lalaking kasama ko. "At sino itong kasama mong dayo? Nakikilala kong mula siya sa banwa ni Kalasag. Ano ang kanyang pakay?"

Nagpukol muna ako ng makahulugang tingin sa aking kasama bago ako nakasagot sa mga tanong ng rajah. Sana ay mapaniwala ko siya sa aking sasabihin. "Sa kasawiang palad ay hindi magandang balita ang ipababatid ko sa inyo mahal na rajah."

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot-noo niyang tanong sa akin. Bumaling naman ako sa kasama kong dayo at katulad ng ginawa niya kanina, muli'y ipinakita niya sa amin ang punit na retaso mula sa damit ni binibining Sinag.

Lumapit pa si Rajah Ag-ul at inagaw ang retaso mula kay Tusok. Pansin ko ang panginginig ng kanyang kamao habang hawak ang retaso. "Ano'ng nangyari? Ano'ng kalapastanganan ito?" Bumaling siya sa akin at tumingin nang diretso sa mga mata ko, "Punong-babaylan, hindi ba't sa'yo ko siya ipinagkatiwala, bakit hawak ng lalaking ito ang punit na damit ng binibini?"

"Patawad mahal kong rajah. Natatandaan mo ba nang ako'y umalis? Iyon ay para hanapin siya sapagkat nang maibalik ko ang kanyang dungan (kaluluwa), tumakbo siya paalis at tumakas. Ayawkong mag-alala ka pa kaya sinubukan ko siyang hanapin ngunit nabigo ako."

Nakita ko ang unti-unting pagtakas ng kanina pa pinipigilang luha mula sa mga mata ni Ag-ul. "Nasaan na siya" baling niya kay Tusok. "Maaari ko bang kunin ang kaniyang bangkay?"

"Iyon nga ang dahilan kung bakit ako naririto mahal na rajah. Nais ng aming dat-u na sunduin mo ang bangkay ng binibini sapagkat nais niya ring ipahatid ang pakikiramay sa'yo bilang itinuturing ka niyang katoto at kapatid."

Palihim akong napangiti sa aking narinig. Tunay ngang patay na si Sinag. Kahabag-habag na nilalang. Sadyang hindi umaayon sa kanya ang mabuting kapalaran.

Rajah Ag-ul

Halos hindi pa rin ako makapaniwala. Patay na ang binibining itinatangi ko, wala man lamang akong pagkakataon na malaman ang kanyang pangalan, paano siya napunta sa aking puod, nagpakawala ako ng buntong hininga habang nag-iisip. Hindi ko namalayan na nasa pampang na kami ni Tusok. Inihanda na niya ang barotong aming sasakyan at tila wala sa sariling sumunod na lamang ako sa kanya. Napakabigat sa pakiramdam na isa ako sa dahilan kung bakit siya namatay. Ako naman talaga ang unang pumaslang sa kanya. Labis ko siyang pinahirapan. Napakasama ko, pinawalan ko ang palaso kahit alam ko naman na wala siyang laban, at ngayon, sa pangalawang pagkakataon, bangkay na naman niya ang aking iuuwi.

"Mahal na Rajah, malayo pa ang ating lalakbayin. Mauubos ang luha mo kung hindi mo pipigilan ang iyong pagtangis." Natigilan ako sa kanyang mga sinabi. Kanina pa siyang sumasagwan at nasa gitna na kami ng laot. Mabuti na lamang at payapa ang dagat, nakikiramay din yata sa akin.

"Hayaan mo na lamang ako, sapagkat nahahabag ako sa sinapit ng babaeng iyon. Ako ang nagdala sa kanya sa kapahamakan."

"Kung 'yan ang iyong nais, pagbibigyan kita."

Ipinagpatuloy niya na lamang ang pagsagwan at sa dagat itinuon ang atensyon.

Hindi ko na namalayan ang oras. Mahaba ang aming nilakbay subalit tila sa mabilis na sandali ay narating namin ang hangganan ng pampang ng banwa ni Kalasag. Isang pamilyar na imahe ng lalaki ang bumungad sa amin, kahit nakatalikod ay kilala ko siya, hindi ako maaaring magkamali, ang taas niya, este, pagkapandak pala, ang tikas ng kanyang katawan, makurbang pwet at balakang, teka, ano ba 'tong naiisip ko, nababakla na naman yata ako, pero ang kakaibang liit ng balikat niya at syempre ang kasuotan ng isang sandig, namamalikmata ba ako? Pero siya nga ba ang lalaking nakatalikod na 'yon?

Nang tumigil sa pagsagwan ang aking kasama, agad akong lumundag sa buhangin. Nabasa ang aking mga paa ng tubig pero patuloy ako sa paghakbang. Habang papalapit ako ay pumihit paharap sa amin ni Tusok ang lalaking iyon at sa aking pagkabigla...siya na nga, ang aking gabay, muli na naman siyang sumulpot mula sa kung saan.

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon