Dalawampu't isa

421 30 8
                                    

Bilisan mo ang pagsagwan
Lumangoy ka kung kailangan
Upang iyong maiwasan
Palasong sa'yo ay papaslang

"Hiiiiiyaaaahhh", dahan-dahan kong iniunat pataas ang dalawa kong braso. Napasarap ang tulog ko kagabi pagkatapos naming mag-inuman ng datu. Medyo masakit pa ang ulo ko dahil sa alak pero masaya naman ang gising ko. "Yessssss!!! Babalik na ako!" Humanda kayo Marikit at Punong-babaylan! Magsusumbong talaga ako kay Rajah Ag-ul, sa lahat ng mga ginawa ninyo sa akin. Hindi na 'ko natatakot sa inyo.

"Binibini, narito po si Ang-gi!"

"Pumasok ka!"

"Magandang umaga, binibining Sinag. Napakaaliwalas ng inyong mukha. Marahil ay napakahimbing ng inyong pagtulog."

"Oo naman. Naparami kasi 'yong inom ko. Ngayon lang talaga ako nakainom ng gano'n sa buong buhay ko."

"Gano'n po ba, siguro'y mahigpit na kuya sa inyo si Rajah Ag-ul!"

"Mahigpit? Sinabi mo pa!" Natawa na lang si Ang-gi sa reaksyon ko. Totoo namang saksakan ng sungit ang Ag-ul na 'yon. Ginawa nya akong lalaki, talo ko pa ang nasa military training simula nang napadpad ako sa panahong 'to.

"Narito ka ba para magpaalam sa 'kin dahil babalik na kami ni Tantoy sa aming banwa?"

"Bukod pa do'n, inihatid ko rin ang ilan sa mga mahahalagang handog ng aming datu para sa inyo binibini."

Noon ko napansin ang basket na hawak nya na parihaba ang hugis, may takip iyon at may nakatali pang pulang tela sa ilalim at nakalaso sa ibabaw.

"May regalo sa akin ang datu?" Ang saya naman! Ilang araw na lang mula ngayon, birthday ko na, parang advance gift sa 'kin ito ng datu. Thank you po Lord, kahit wala ako sa bahay namin at hindi ko kasama si daddy, at least, nakatanggap ako ng regalo.

"Buksan mo ito, pagdating mo sa inyong banwa, at gamitin mo."

"Pakisabi, thank—ah, ibig kong sabihin....ipaabot mo sa kanya...ang taos puso kong pasasalamat."

"Makakaasa ka!"

Pagkatapos kong mag-impake at mag-ayos ng sarili, lumabas na ako ng silid ko. Dinatnan ko ang datu sa bulwagan. Kasama niya ang ilan sa kanyang mga utusan at mukhang inihahanda nila ang mga pagkain at tiklis ng ginto na ipadadala raw sa amin.

"Humingi sa akin ng ilang piraso ng bulawan ang iyong kasama, may nais raw syang bilhin sa pamilihan para sa kanyang ama." Bungad sa akin ni Datu Kalasag. Ngiti naman ang isinukli ko sa kanya. Pero teka, bigla kong naalala, minsan nang naikwento sa akin ni Usbog ang tungkol sa ama ni Tantoy. Habang sakay ng baroto sa gitna ng laot, nilamon ito ng malalakas na hampas ng alon at paglipas ng bagyo, natagpuan ang katawan nya na wala ng buhay at palutang lutang sa dagat.

"Ngunit, paanong mangyayari 'yon? Ulila na sa ama si Tantoy!"

"Gano'n ba? Nagsinungaling ang iyong kasama?"

Naku, mukhang nailaglag ko si Tantoy, sana naman hindi sa kanya magalit ang datu.

"Tusok!" Hindi ko mapigilan ang hindi matawa pagkarinig sa pangalang tinawag niya.Akalain mo 'yun? Siguro ay patusok ang hugis ng mukha kaya ganun ang ipinangalan sa kanya ng magulang nya. Hindi ko tuloy maiwasang mapalingon sa direksyon kung saan nakatayo ang isang lalaki na mahaba ang buhok at Mr. Suave ang bigote na lumapit kay Datu Kalasag, "Magtungo ka sa pamilihan, alamin mo kung may nagaganap doong kakaiba, ipagbigay- alam mo agad sa akin, anuman ang iyong matuklasan. Gawin mo ito nang may pag-iingat at palihim."

Pagkatanggap ng utos ay agad na umalis si Tusok. Limang minuto matapos siyang umalis ay siya namang pagdating ni Tantoy.

"Ano ang iyong binili? Nabanggit sa akin ng datu na bumili ka raw ng handog para sa iyong ama!"

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon