Ikalabing-walo

490 31 4
                                    

Ang taong nagigipit
Sa patalim kumakapit

Nalilito yaring isip
Kanino ba 'ko lalapit
Sa babaylan'g mapanganib
O sa datung ano'ng bagsik?

Sinag~

Pagkatapos ng nakakapagod at maginaw na paglalakbay magdamag, sa wakas, nakarating na rin kami sa isang pulo na medyo pamilyar na sa akin. Ang Singhapala. Minsan ko na itong napuntahan. Muntik na nga akong maparusahan, kung hindi lang dumating si Rajah Ag-ul para tubusin ako sa masungit na datu'ng 'yon. Masasabi kong higit na maunlad ang pamumuhay dito. Mahilig kasing makipagkalakal ang pinuno dito. Kaya pala ginawa niya ring negosyo ang pagpaparusa sa akin noon. Samantalang si Rajah Ag-ul ay bantog naman sa pagiging isang mabagsik na pinuno. Ang pinagkukunan niya ng panustos ay mula sa mga banwang nakukubkob niya at natatalo sa laban. Binibihag nila ang mga tao, at sinasamsam ang mga ari-arian. Pareho ngang maunlad ang Opong at Singhapala sa magkaibang paraan.

Buti na lang, sumimple ako ng tulog sa bangka, nakagapos kasi ako kaya umidlip na lang ako.

Maliwanag na nang narating namin ang pulo. Ang sabi ni Uray Gid-ang, patutungo kami sa pamilihan at makikipagkita siya sa isang kaibigan. Ano'ng klase kaya ng pamilihan mayroon ang pamayanan'g ito? Palengke? Grocery store? Posible kaya 'yon? Sa panahong ito?

Kanina pang kumakabog nang malakas ang dibdib ko...pero ang weird kasi hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko. Excitement lang ba 'to o kaba? Nakakalito! Nagpatuloy kami sa paglalakad. Kinalagan nila ako ng gapos at mahigpit na nagbilin na ayusin ko ang aking sarili, maglakad nang maayos at umarte ng naaayon sa isang kagalang-galang na binibini na nababagay sa aking magarang bihis. Habang naglalakad, isang pamilyar na bulto ng lalaki ang ngayo'y makakasalubong namin. Teka...parang nagkita na kami before. Wait...saan ko nga ba siya nakita dati?

"Araaaayy!" kamuntik na akong mawalan ng balanse. Salamat na lamang at maagap niya akong naalalayan. "Ipagpatawad mo ang aking kapangahasan na hawakan ang iyong mga kamay at katawan Danga't nais kitang alalayan, upang ang iyong malambot at makinis na balat ay hindi magalusan", nakakaloka kung mangusap ang lalaking ito. Ang gwapo niya sana...kaya lang, parehas lang sila ni Rajah Ag-ul, masyadong malalim magsalita. Sila kaya ang ninuno ni Rizal?

Habang nakatitig sa kaniyang mukha, isang gunita ang nagbalik sa aking isip. Tama ako, nagkita na nga kami dati! Siya 'yon-- ang malupit na datu na nagpataw sa 'kin ng parusa dahil sa pagnanakaw ko ng pagkain. Oh-my-gosh! Nakikilala niya kaya ako?

Sinikap kong ilayo sa kaniya ang sarili ko.

"H'wag kang matakot, hindi ako masamang tao!" sambit niya at saka ngumiti. Whoah! Lalo siyang gumwapo nang ngumiti siya!

"Paumanhin ngunit nagmamadali kami. Kayo'y labis nang nakakaabala", putol ni Uray Gid-ang sa aming pag-uusap. Kusa akong napasunod sa kan'ya at sa mga sandig na aming kasama. Nagbigay-daan naman ang dat-u. Ipinagpasalamat ko na rin ang tagpong iyon. Salamat naman at nailayo ako ni Uray Gid-ang sa kaniya. Inhale....exhale...

Habang patuloy sa paglalakad, kapansin-pansin ang pagdami ng mga tao na paroo't-parito, ang ilan sa kanila ay may dalang iba't-ibang produkto at mga sisidlan. Maingay na rin ang paligid, at ilang dipa mula sa aming kinatatayuan, mapapansin ang nagkukumpulang mga mangangalakal na nagbebenta ng mga kalakal at iba't-ibang produkto. May mga prutas at gulay o sariwang ani, may mga bagong huling isda at iba pang lamang-dagat, iba't-ibang uri ng tela na hinabi mula sa pinya at abaka. Kamangha-mangha at mahusay ang pagkakahabi nito. Iisipin kong may ginamit silang machine, kahit parang imposible naman 'yon sa panahong ito na napakababa pa ng antas ng teknolohiya. May mga armas din, mga espada o kampilan, gulok, gunting, kaluban, baluti, at samu't-saring palamuti na gawa sa ginto, tanso at perlas. Ngunit ang higit na nakatawag sa aking pansin ay ang bagay na tinatawag nilang kalatas. Hindi ko alam pero parang gusto kong bumili ng isa...kaso...ano naman ang ibabayad ko?

SandigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon