Sa aking pagkagulat
Ano't ngayo'y nakaunat
Ang tangan mong patalim
Ibig mo ba 'kong patayin?Sunshine Marie~
"Papayag ba kayo na mapabilang sa atin ang isang sandig na mapuraw?"
"Hindi! Isang malaking insulto kung mapabibilang siya sa ating hanay."
"Sagisag ng ating pagiging maisug at kabayanihan ang ating mga batuk (pinta sa katawan) at ang pagiging mapuraw ay tanda ng karuwagan."
Mula sa kinatatayuan ko'y naririnig ko ang usapan ng mga kapwa ko mandirigma. Nahuhuli ko ang pagpukol nila ng masamang tingin sa akin. Ano ba'ng nagawa ko sa kanila at bakit nila ako tinatawag na isang mapuraw?
Isang kapwa ko sandig ang humakbang papalapit sa akin. Tila napansin niya na pinagtatakhan ko ang mga naririnig kong usapan ng iba naming mga kasama. "Pagmasdan mo ang aming balat at ang iyong balat. May nakita ka bang kaibahan?"
Aba, gusto niyang ikumpara ko ang balat ko sa balat nila? Malaki-laki talaga ang pagkakaiba! Alaga yata ako sa lotion at mga pampaganda. Baby soft ang skin ko 'no, e, ang mga balat nila, balat-kalabaw. Makukunat! Iniinsulto yata ako ng lalaking 'to. "Malaking-malaki ang pagkakaiba" sambit ko. Kadiri kaya ang mga balat nila.
"Nakikita mo ba ang aming mga batuk? Hindi ba't napakaganda?"
Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. Ano ang tinutukoy niyang batuk? Ibig ba niyang sabihin ay ang mga batok nila na tagaktak sa pawis at gumuguhit ang libag? Yikes! Wala naman akong ibang nakikita kundi ang maiitim na burda sa palibot ng kanilang mga katawan. Kung sinasabi ng iba na ang tattoo ay isang uri ng art, hindi ko iyon naa-appreciate dahil para sa 'kin, maruming tignan ang balat kung maraming tattoo. Ni hindi ka maaaring magdonate ng dugo kung tadtad ng burda ang iyong katawan. "Wala akong ibang nakikita kung hindi ang mga pangit na burda sa inyong mga katawan."
"Ano? Ano'ng sinabi mo? Pangit ang aming mga batuk? Huh, baka hindi mo nalalaman na duwag at inutil ang walang batuk!"
Naku, ano na naman ba'ng sinabi ko? Nadulas na naman ang dila ko. Bakit ba hindi ka na naman nag-ingat, pwedeng-pwede ka niyang patayin! Natutop ko ang bibig ko at sinampal-sampal iyon nang paulit-ulit. "Ah..eh.." humakbang ako paatras. Ang sama ng tingin niya sa akin.
"Saang banwa ka ba nagmula? Bakit wala kang batuk? At himalang sa kabila ng kaisugang ipinamalas mo sa pagpaslang sa pinuno ng mga lumad, wala ka man lamang kagalos-galos sa iyong katawan." hinagod niya ng tingin ang aking buong katawan, mga tingin na halos hubaran na ako ng saplot. "Hindi mo ba alam na ang batuk ay sagisag ng pagiging maisug (matapang)? Mas maraming batuk, higit na marami ang bilang ng iyong napaslang!"
"Haaaaaahhh!" nanlaki ang mata ko sa huli niyang sinambit. Napatitig ako sa mga tattoo niya na tinatawag niyang batuk, halos puno na ang kaniyang buong katawan. Nangangahulugan ba na marami na siyang buhay na kinitil? Hindi ko maiwasang titigan din ang mga batuk ng iba. Halos lahat sila ay pantay-pantay ang bilang ng tattoo. Ibig sabihin, napakarami na nilang napatay na tao. May dahilan naman pala kung bakit dapat akong mag-ingat mula sa kanila. Isa akong mahinang babae mula sa present time at ngayo'y kasama ko ang mga mamamatay tao na 'to.
Si Rajah Ag-ul, punong-puno rin ang buong katawan niya ng batuk. Kung ganoon ay tama ang naririnig kong sinasabi ng iba, na isa siyang napakalupit na rajah. Dapat din siguro akong mag-ingat sa kanya.
"Ah, Sinag" bahagya niya akong tinapik sa mukha, "bakit tulala ka, natakot ba kita?"
Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko, at saka siya ngumiti. "Paumanhin ngunit sadyang namamangha lamang ako sa kaisugang ipinapamalas mo kahit wala kang batuk." pagkasabi niyon ay inilahad niya ang kaliwang palad sa akin. "Ako si Usbog, simula ngayon, ituturing na kitang kaibigan."
BINABASA MO ANG
Sandig
Historical FictionSa kwentong ito, hayaan ninyong ipakilala ko si Sunshine, isang dalagang pasaway at mahilig tumakas mula sa mga bantay niya at sa istrikto niyang daddy. Makulit, sakit sa ulo at madulas pa sa palos kung lumusot kaya naman lagi niyang natatakasan ang...