Apat

110 4 0
                                    


Maingat na isinara ni Veron ang pinto ng kanilang bahay, nagpalinga-linga sa paligid bago lumabas ng geyt nila. Tingin sa kaliwa't kanan, wala namang tao kaya isinara na niya ang geyt.

Naglakad na siya para puntahan ang dapat na puntahan. Pagkarating sa sasakyan ng dyip ay agad din siyang nakasakay. Siksikan pa sa loob kaya't naaamoy niya ang pawis ng mga tao. Dala ng nararamdamang antok ay isinandal niya na lang ang ulo sa dyip. Nasa dulo naman siyang bahagi nito na kung saan ay madali na lang siyang makakababa kapag nakapara na.

Walang anu-ano'y tiningnan niya ang katabi. Isa itong lalaking hawak sa kanang kamay ay puting sumbrerong may tatak pa ng adidas sa harap, pagtingin sa mukha niya ay may makapal itong bigote, suot ay itim na pantalon at asul na t-shirt na may kuwelyo. Presentable naman tingnan ang lalaki kung tutuusin. Ang napansin niya rito ay ang panaka-naka nitong pagtingin sa hita ng katabing babae. Pasimple kasing tumitingin tapos ay magkukunwaring nakatingin sa labas. Pasimple rin naman niyang tinakpan ng kamay ang mata pero kita niya pa rin ang ginagawa nito.

Inobserbahan pa niya lalo ang ginagawa ng lalaki. Tama nga siya! Tinitingnan nito ang hita ng babaing katabi. Nakasuot kasi ito ng maikling shorts na maong, gaya ng laging suot ng ina niya. Ang babae naman ay nakakatulog sa biyahe. Pumipikit-pikit pa kaya di napapansin ang ginagawang kagaguhan ng katabi.

Mas inobserbahan pa niya ang ginagawa nito. Baka mamaya ay mali lang siya ng akala pero hindi, tama siya. Pasimple lang ang ginagawa nitong pagtingin sa legs ng babae. Di makakailang maputi ang dalaga at may hitsura pero di tamang pagnasaan ito ng lalaki.

"Kailangan ko makaisip ng paraan."

Pagtingin naman ni Veron sa mga tao sa dyip, lahat sila ay may kanya-kanyang ginagawa. May mga nagseselpon, ang iba ay nakatingin sa labas, ang iba ay pumipikit-pikit din, mayroon pang nakatulala lang. Lahat sila ay walang pakialam sa isa't isa.

"Ha-ha-" kunwaring nababahing si Veron at ilang segundo lang, "Hatsu!" Napabahing siya sa braso ng katabing lalaki. Natalsikan niya ito ng laway sa braso kaya inis na pinunasan na lang ng lalaki gamit ang kanyang sumbrero.

"Pasensya na po kuya, sinisipon po kasi ako," saad niya kahit sinadya niya 'to para maagaw ang atensiyon ng lalaki. Kung hindi siya gagawa ng paraan, baka nabusog na ang lalaki sa kakatingin sa hita ng katabing babae.

Tumingin siya sa labas. May isang babaing pumapara pero nilampasan lang ito ng drayber. Di yata nakita o narinig ang pagpara kaya nang makitang sumisigaw ang babae, si Veron na rin ang gumawa ng paraan.

"Para po!" sigaw niya. "Kuya, may bababa!" Nilakasan niya ang boses.

Pinagtinginan siya ng mga tao at hinihintay kung sino ang bababa. Kinalabit niya ang katabing lalaki at sinabing, "Kuya, baba ka na po." Tumingin siya sa mga pasahero at humingi ng pasensya.

"A pasensya na po. Hindi po siya nakakapagsalita kaya ako na po nagpara para sa kanya. Baba ka na kuya", malumanay niyang sabi sa lalaki.

Takang-taka ang lalaki habang tinitingnan siya nito. Ngayon niya mas natitigan ang mga mata niya, nanlilisik ang mga 'yon na para bang papatayin siya. Magkasalubong ang dalawang kilay nito at di rin kumikibot ang labi. Hindi rin nagsasalita kundi  tinitigan lang siya nang ilang segundo. Para bang inaaral at tinatandaan ang mukha ni Veron.

"Ang tagal naman!" singhal ng drayber. "Baba na kung bababa! Nakakaabala kayo o!"  dugtong nito dahil wala naman bumababa.

"Baba na kuya," sabi pa ni Veron sa katabing lalaki. May katandaan na rin ang mukha nito at may mga wrinkles na rin pero di hamak na malaking tao't maskulado ang katawan niya.

Sa huling sandali ay tinitigan nito ang mukha ni Veron saka bumaba ng dyip. Pagkababa ay umusod siya katabi ng babaing tinatiyansingan ng lalaki kanina. Mabilis namang umakyat ang babaing nagpara at sumisigaw pa kanina. Bumuntong-hininga ito't nagpasalamat na nakasakay na.

Anak ng Puta Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon