Anim ( Unang Bahagi )

113 3 0
                                    


Veron

"Matagal pa ba, Carl?" kinikilabutan kong tanong kay Carl. Mahigpit na nga pagkakakapit ko sa kaliwang braso niya pero nakakatakot pa rin sa lugar na 'to.

Ang dilim-dilim ba naman kasi at ang ilaw na dala lang ni Carl ay flashlight niya. Kanina pa rin kami paikut-ikot dito sa sementeryo pero di pa rin namin makita 'yong puntod ng tatay niya. Sumasakit na rin ang paa ko sa dami ng natatapakang bato at may mga bubog pa. Luma na rin at patapon ang sapatos ko kaya dama ko na ang mga natatapakan.

Inabot na kami ng gabi dito kakahanap do'n pero di pa rin daw niya makita.

"Kapit ka lang sa'kin," rinig kong sabi niya sa'kin kaya mas hinigpitan ko pa pagkakahawak sa braso niya. Dinalawang kamay ko na rin ang ipinulupot sa braso niya. Lumalamig ang hangin sa paligid, nililipad pa buhok ko at pakiramdam ko ay may sumusunod sa amin. Baka may nagambala na kaming esperitu at sumusunod na pala sa amin.

"Sobrang higpit naman niyan," reklamo niya. Kakasabi lang niya kaninang kapit lang ako sa kanya tapos magrereklamong ang higpit ng kapit ko sa kanya.

"Sabi mo kapit ako sa'yo."

Inilawan niya ang isang puntod at napahinto. Akala ko yon na 'yong hinahanap namin. Di pa pala.

"Bakit kasi gabi mo pa naisip dalawin papa mo?" Naaasar talaga ako sa plano niyang 'to. Puwede naman bumisita nang umaga sa araw, bakit gabi pa?

Mas ipinulupot ko pa ang dalawang kamay sa braso niya. Pakiramdam ko ay mahihimatay ako sa takot. Anumang oras, baka mamaya may biglang manghila sa paa ko rito.

"Sabi kasi nila, gising daw ang mga esperitu sa gabi," sagot niya. Sa pagkainis ko ay hinampas ko siya sa braso at kinurot pa. "Tigilan mo nga ako. Iiwan kita dito, nananakot ka pa ah."

Naglakad pa kami nang naglakad. Umaasa akong mahahanap na rin namin kaagad ang puntod ng tatay niya. Napapagod na rin mga paa ko kaiikot dahil sa kanya, sa pagsama sa kanya.

"Sino ba nagsabing matakot ka? Sabi-sabi lang 'yon. Naniwala ka naman."

Pagkasabi niya niyon ay mahina pa siyang tumawa. Iniinis niya pa talaga ako dahil alam niyang takot na takot na ako rito. Bukod sa masangsang na amoy ng pinaghalu-halong amoy ng patay na daga, dumi ng hayop o tao, amoy-lupa, may mga basura pa akong naaamoy. Sobrang tahimik din ng paligid at ang tanging naririnig ko lang ay ang mga yabag namin ni Carl at ang boses namin. Wala rin akong makitang ilaw kundi ang ilaw na dala ni Carl. Sa sobrang dilim, naiisip kong mumultuhin ako rito.

"Ayun!" Napatingin na rin ako sa hinintuan ng ilaw ng kanyang flashlight. Isang puntod na naman. Baka yon na ang puntod na hinahanap niya.

"Ayan na ba?" usisa ko. Baka pinagloloko niya lang ako. Baka nga dinala niya lang ako para takutin.

"Oo, lika na," aya na niya. Nilakihan niya ang mga hakbang kaya napalaki na rin ang mga hakbang ko. Nagmamadali na rin kami dahil nagugutom na ako.

"Teka," napapangiwi kong sabi. Parang may nakatusok sa paa ko. Medyo masakit na rin ang paa ko.

Inilawan ni Carl ang paanan ko. "Bakit?"

"Parang may natapakan ako," napapangiwi kong sabi kasi humahapdi ang kanang paa ko. Yumuko si Carl para tingnan 'to. Inangat niya ang binti ko habang iniilawan.

Anak ng Puta Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon