Siyam ( Unang Bahagi )

59 1 0
                                    

Sinisipa ni Veron ang maliit na bato sa kanyang paanan tapos kapag huminto na ang paggulong ng bato, sisipain niya ulit. Recess na rin nang oras na 'to kaya malaya siya saglit na makapagpahangin sa ground floor.

Hindi niya maiwasang isipin ang mga nangyayari sa paligid niya. Si Pat, hindi na siya pinapansin. Tama bang magsumbong siya sa guidance counselor nila tungkol sa ginagawa nina Tiff at Melanie? E sa adviser kaya nila? Paano kung nagiging paki-alamera na pala ang dating niya. Isa pa, wala rin naman naaagrabyadong ibang tao sina Tiff at Melanie. Ang tamang tanong: nagiging pakialamera na ba siya sa buhay ng iba?

Sa di maipaliwanag na inis sa paligid niya lalo na sa mga mindsets ng tao, sinipa na lang niya nang malakas ang bato. Tumama ito sa suot na itim na sapatos ng isang estudyante. Si Carl. Nasa ground floor din pala siya nang oras na 'yon.

"Galit na galit ka yata?" tanong nito sa kanya. Umiwas siya ng tingin at ibinaling na lang ang mga mata sa mga estudyanteng naglalaro ng badminton ilang metro lang ang layo sa kanila.

Hindi makasagot si Veron. Hindi niya dapat pinoproblema ang buhay ng iba kasi buhay na nila yon.

"Ikaw ba, hindi ka nagagalit sa sistema ng mundo?" pabalik niyang tanong kay Carl. Pinulot niya na lang ang bato at nilaglag din sa semento.

"Ano'ng sistema?"

"Yong mga mahihirap, lalong naghihirap". Tiningnan niya ang sahig at napatingin sa kaibigan.
"Kahit alam na ng ibang mali, ginagawa pa rin sa ngalan daw ng pera".

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Carl sa sinabi ni Veron. "Sabi sa'kin ni papa no'n, praktikalan na raw sa mundo. Di na raw importante kung tama ginagawa mo basta mabubuhay ka".

Pati ba naman ikaw, Carl?

"Ano bas matimbang, Carl? Respeto sa sarili mo o kumita ng malaking pera?"

Nag-isip muna nang malalim si Carl. "Do'n na ako sa mabubuhay ako, sa kikita ng pera sa malaking halaga."

"Kahit pa mali 'yon? Di ba may iba namang paraan? Paano kung-may nasasaktan ka na, may kinokonsinte kang iba dahil sa ginagawa mo? Itutuloy mo pa rin ba?"

Inilagay ni Carl ang dalawang kamay sa bulsa, bumuga ng hangin saka sinagot ang mga tanong ni Veron. " Veron, kung isa kang pamilyadong tao, gagawin mo lahat para sa pamilya mo. Kung ikaw naman ay mag-isa lang sa buhay na gustong mabuhay sa sariling sikap, gagawin mo rin lahat para lang mabuhay".

Dugtong pa niya ", Kahit pa mawalan ka ng respeto sa sarili mo, titiisin mo 'yon kung kapalit naman ay makakakain ka nang tatlong beses sa isang araw at magkakaroon ng panggastos araw-araw".

Naisip niyang nakakakain naman siya tatlong beses sa isang araw gamit ang perang napaghirapan ni Lily sa uri ng trabaho niya. Siya ang nagbabayad ng mga bayarin sa bahay nila. Si Veron lang ang kumikita ng pera pampaaral sa sarili at sariling gastusin. May saysay ba ang hinanakit niya sa trabaho ng ina o ang ipinaglalaban niya ay ang pagiging anak na uhaw sa pagmamahal ng isang pamilya?

"Kung--" Hindi na niya alam kung tama pa ba ang sasabihin pero itatanong na rin niya sa kanya ang opinyon nito.

"Kung ano?"

"Kung gawin ko na rin trabaho ni mama?"

Napaubo si Carl sa narinig na saad ni Veron. Saan naman kaya nanggaling ang mga pinagsabi nito?

Umiling-iling si Carl bilang tugon sa tinuran ni Veron. "Hinding-hindi ako papayag."

Taka namang nagtanong si Veron. "At bakit naman?" Buhay niya naman ito, desisyon niya para sa sarili kaya bakit hindi siya nito papayagan.

Anak ng Puta Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon